KASALUKUYANG nasa tuktok ng kastilyo si King habang pinagmamasdan ang isa-isang pagkamatay ng kanyang mga kawal. Kitang-kita niya mula sa kanyang pwesto ang pagkawasak ng naglalakihang bakod na pumuprotekta sa kanyang buong nasasakupan nang pasabugin ito ng mga kalaban gamit ang mga malalaking kanyon. Hindi siya makapaniwala. Sa daang taong pakikipagdigma kasama ang kanyang mga tauhan, maraming beses na silang nanalo at ni minsan'y hindi pumasok sa isip niya na matatalo sila.
"King!"
Agad niyang nilingon ang humangos na kasapi na isa sa kanyang mga Knight. Bakas sa boses at ekspresyon ng mukha nito ang matinding takot. "Ano nang nangyari, Ika-isa?" Pilit na pinakalma ni King ang sarili upang hindi nito mahalata ang kabang nararamdaman niya sa mga oras na iyon.
"Nagkamali tayo ng desisyon na sundin ang stratehiyang naisip ng mga Bishop. Ngayon ay tuluyan na tayong napasok ng mga kalaban. Ikinalulungkot kong ipaalam sa inyo na ang lahat ng Pawn at Rook natin ay tuluyan nang nawala."
Mariing napapikit si King sa narinig. Hindi iyon maaari. Kailangan niyang umisip ng paraan kung paano sila makakatakas ng kanyang mahal na asawa dahil paniguradong iyon na ang katapusan nila. "Puntahan n'yo ni Ikalawa si Queen at agad n'yong dalhin sa 'kin! Kailangan naming makatakas bago pa sila tuluyang umabot dito!"
"Masusunod, kamahalan!" anito at mabilis na tumakbo paalis sa lugar.
"Hindi 'to p'wede!" Bakas sa mukha ni King ang malaking galit dahil sa nangyari. Sa kauna-unahang pagkakataon nabigo sila sa paggawa ng magandang stratehiya kung paano pababagsakin ang kalaban.
Doon lang din niya napagtanto na masyadong pangahas ang kanilang naging hakbang. Inunahan nila sa pag-atake ang kalaban nang hindi inaalam ang kakayahan ng mga ito. Masyado silang naging kampante dahil sa sunod-sunod na pagkapanalo kaya nang buweltahan sila nito'y hindi sila nakapaghanda. Hindi tuloy niya alam kung paano pa maisasalba ang lahat ng kanyang nasasakupan.
"King!"
Isang malakas na sigaw mula sa pamilyar na boses ang nakapagpabalik sa kanyang katinuan kasabay ng isang nakakabulahaw na pagsabog mula sa ibabang bahagi ng tore. Agad siyang tumakbo pababa upang puntahan ang kinaroroonan ng kanyang asawa.
Hindi niya makita ng maayos ang buong paligid napuno kasi ito ng makapal na usok. Nangibabaw din ang malakas na ingay. "Queen! 'Asan ka?" Kung saan-saan niya ito hinanap ngunit walang Queen na sumagot. Lalong lumakas ang pagtibok ng puso niya sa takot na baka nakuha na ito ng kalaban.
Unti-unti nang nawawala ang makapal na usok dahilan upang makita niya ang isang kawal ng kalaban na may itim na kasuotan—ilang dipa ang layo sa kanya. Nakangiti ito habang nakatutok ang espada nito sa leeg ng kanyang asawa.
"Hindi maaari!" Matalim na tingin ipinukol niya rito. Mabilis niyang inilabas ang kanyang espada at mahigpit itong hinawakan. "Walang hiya ka!" Akmang susugod na siya ngunit agad din natigilan nang biglang may nagtutok sa mukha niya ng isang matalim na espada mula sa kanyang kanang direksyon.
Dahan-dahan niya itong nilingon at nakita niya ang isa pang Knight na kalaban. Gumuhit ang kakaibang ngiti sa labi nito. "Checkmate!"
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
De TodoThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.