Kabanata I - II: Ang Prinsesa at ang uwak na mangangalakal

2K 98 22
                                    

Ika-labing tatlo ng marso, taong anim na daan at walumput siyam, bagong kalendaryo. Tatlong araw na ang lumipas magmula ng makatakas sina Lyze sa Barko. At halos ang mga lumipas na araw na ito ay nanatili sila sa gitna ng dagat, hanggang sa tuluyan silang makarating sa pampang ng hindi kilalang lupain. Mabuti na lang at may mga damit silang nakita sa bangkang sinakyan nila at upang hindi sila makilala ay minabuti nilang magpalit na ng kasuotan.

Sa ngayon ay nasa isang bayan sila na nasasakupan ng bansang Tarnheim, ang bayan Gyre. Dito sila napadpad at dahil nasa tabi ito ng dagat ay maraming banyagang barko ang naririto at halos lahat sila ay mga mangangalakal. Habang naglalakad dala ang kanilang mga gamit ay naisipan ni Lyze na ibenta ang kanilang mga magagarang kasuotan at pati na rin ang kaniyang mga alahas, upang magkaroon sila nang salapi. Hindi naman nagtagal ay nagawa nila itong maibenta sa isang mangangalakal na nagkaroon ng interes dito. Subalit dahil wala silang alam sa tunay nitong halaga ay hindi nila alam kung naging tama ba ang salapi na kanilang natanggap. Gayumapan ay sapat na ito sa ngayon at sa tingin ni Sophia ay magtatagal na ito ng ilang mga araw.

Ilang minuto pa ang lumipas ay nagsimula na silang magtanong-tanong sa kung papaano makakabalik sa kanilang bansa. Subalit hindi nila derektang binanggit ang kanilang bansa, bagkus ay tinanong nila kung saan ang daang patungo sa mga hangganan. Mabuti na lang at naging mapili si Sophia sa mga taong pagtatanungan. Posible kasi silang mabiktima ng mga mapansamantalang tao na nagbebenta ng mga babae upang gawing alipin o kaya ay gawing isang babaeng bayaran sa mga bahay aliwan. Hindi naman nagtagal ay nakakuha sila nang tamang impormasyon at kalakip nito ay isang mapa. Subalit hindi nila ito nakuha ng libre at halos kalahati sa napagbentahan nilang kagamitan ang ipinambayad nila dito.

Sa ngayon ay nagpasya silang maglibot muna sa bayan at dahil naubos na nila ang kanilang pagkain ay minabuti nilang maghanap muna ng maaaring makainan.

"Sinong mag-aakala na sobrang layo ng narating natin at sa ngayon ay nasa teritoryo tayo nang Tarnheim? At kung hindi sana nawala ang kapareha ng hikaw ko ay malaking halaga sana ang nakuha natin mula don." Sambit ni Lyze.

"Pasensya na po kayo, prinsesa. Kung alam ko lang po sana na dito tayo mapupunta, sana po ay sa ibang dereksyon ako nagsagwan." Sambit ni Sophia.

"Hindi mo kasalanan ang bagay na ito Sophia! At isa pa ay sinabi kong wag mo na akong tawaging prinsesa hindi ba? Hindi na rin ako nakasuot ng magandang damit at mga alahas." Sambit muli ni Lyze.

"Nauunawaan ko po, prise.. Lyze.." Sambit muli ni Sophia.

"Alisin mo na rin ang "Po", Sophia! Sa totoo lang ay malaki na ang utang na loob ko sa'yo." Sambit muli ni Lyze.

Napangiti na lang si Sophia at hindi na muli pang nagsalita. Ilang sandali pa ay nakahanap na sila nang maaaring makainan at dito ay agad silang huminto upang kumain.


Samantala, agad pinarusahan ng kamatayan ang mga nabihag na sundalo ng Tarnheim nung sumunod na araw na nawala sina Lyze. Subalit hindi naging madali ang kanilang kamatayan, dahil naramdaman nila ito ng paunti-unti.

Hanggang sa ngayon ay wala pa ring balita ang hari at ang mga may matataas na katungkulan, tungkol sa kinaroroonan nina Lyze at Sophia. Wala rin silang balita tungkol sa barkong tinukoy ni Rishmond sa mensaheng ipinadala nito, dahil hindi pa rin ito natatagpuan hanggang sa ngayon. Nagpakalat na rin sila ng mga espiya, para lang mahanap ang nasabing barko sa mga bayang sakop ng mga kalabang bansa. Subalit iilan pa lang ang nakakarating sa mga bayang malapit sa dagat, kaya wala pang dumarating na impormasyon sa kanila. Kasalukuyan na ring naglalakbay si Rishmond, kasama ang mga inupahan ng kaniyang kapatid, upang mahanap at maibalik ng ligtas ang kanilang mahal na prinsesa.

The Crow MerchantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon