Kabanata I - XVI: Kerke

1.3K 82 10
                                    

4/16/16

Kinahapunan, umalis na sina Rishmond sa maliit na nayon kung saan sila sandaling nagpahinga. Subalit bago sila tuluyang umalis ay nagpadala si Rishmond ng isang liham, gamit ang kaniyang lawin.

Sa ngayon ay gamit nila ang bagon na dala ng mga lalaki at sakay muli nito ang mga babaeng naging bihag kanina. Subalit hindi tulad kanina ay malaya na ang mga ito at komportableng nakasakay sa loob ng bagon. Sakay din nito ang lalaking natira at sa ngayon ay bihag nila, subalit nakagapos ang mga paa at kamay nito, at nakabusal ang bibig. At upang hindi lubusang matakot ang mga babaeng sakay ay kasama nila sa loob sina Chai at Dhem. Si Archon naman ang kasalukuyang kutsero ng bagon at ang mga gamit nilang kabayo ay nakasunod lang sa kanilang likuran.

Dalawang oras pa ang lumipas ay narating na nila ang isang nayon at dito ay sandali silang huminto, dahil dito nakatira ang tatlo sa mga babaeng kasama nila. Labis namang nagulat ang mga mamamayan ng naturang nayon at dali-daling tinawag ng mga ito ang pamilya ng tatlong babae sapilitang kinuha sa kanila. Hanggang sa ilang sandali pa ay isang masayang tagpo ang kanilang nasaksihan. Labis namang nagpasalamat ang tatlong babae, kasama ang kani-kanilang mga pamilya sa grupo nina Rishmond. Sa mga sandali ring ito ay napansin nila ang kalagayan ng nayon at hindi ito nalalayo sa unang nayong napuntahan nila.

Ilang minuto pa ang lumipas ay masaya silang nagpaalam sa mga sa mga taga-nayon at ipinagpatuloy ang kanilang paglalakbay patungo sa bayan ng Kerke. Hindi naman na makapaghintay ang tatlo pang natitirang babae na makabalik sa kanilang nayon, dahil na rin sa nakita nilang saya matapos makabalik ang kanina lang ay kasama nilang mga bihag, sa kani-kanilang mga pamilya.

"Wag kayong mag-alala. Ilang oras na lang ay makakasama nyo ng muli ang inyong mga pamilya." Sambit ni Dhem.

"Maraming salamat." Sambit ng isa sa mga babae.

Ilang oras pa ang lumipas ay narating na nila ang sumunod na nayon at tulad ng inaasahan ay nagulat din ang mga mamamayan nito, matapos makita ang tatlong babaeng batid nilang dinala na patungo sa ibang lugar. Ilang sandali pa ay isang masayang tagpo ang muli nilang nasaksihan, hanggang sa tuluyan na silang magpaalam sa mga ito. Wala namang pagsidlan ng saya ang tatlong babae at ang kanilang mga pamilya, habang patuloy na nagpapasalamat sa mga paalis na taga pagligtas. Sa mga sandaling ito ay sakay na sina Chai at Dhem ng kani-kanilang mga kabayo, samantalang nanatiling sakay pa rin si Archon ng bagon at mukhang binabalak nilang dalin ito sa bayan ng Kerke. Ang lalaking sakay naman nito ay iginapos sa pinaka-unahan sa loob ng bagon, upang masiguro na hindi ito makakatakas.

Halos palubog na ang araw sa mga sandaling ito, ngunit may napansing kakaiba si Ziek, habang patuloy silang naglalakbay. Napansin naman ito ng iba, ngunit tanging si Rishmond lang ang huminto at lumapit dito.

"Bakit Ziek?" Tanong ni Rishmond.

"Hindi mo ba napansin ang ruta na tinatahak natin ngayon?" Tanong ni Ziek.

"Ruta? Ano ba ang napansin mo?" Tanong muli ni Rishmond.

"Hindi ka ba nagtataka? Ang tatlong nayong nadaanan natin ay halos magkakasunod. Sa tingin mo ba ay babalik pa sila sa bayan? Gayong ang huling nayon na nadaanaan natin ay ang unang nayon na pinuntahan ng mga lalaking 'yon. Hindi ba't nakakapagtaka naman na babalik pa sila sa daang ito, gayong nakuha na nila ang kanilang pakay?" Sambit muli ni Ziek.

Sandaling natahimik si Rishmond, ngunit hindi rin ito nagtagal at kalaunan ay muli na siyang nagsalita.

"Kung ganon ay derekta nilang ibinibenta sa ibang bayan ang mga babaeng kinukuha nila sa bawat nayon?" Sambit ni Rishmond.

"Mukhang ganon na nga. Dahil kung totoong babalik pa sila sa bayan ng Kerke ay dapat wala silang dalang mga bihag nung mga sandaling nakaharap natin sila. Dahil maaari naman nilang gawin ang bagay na 'yon sa kanilang pagbalik." Sambit muli ni Ziek.

The Crow MerchantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon