"Si Semyong ba kamo?" tanong sa akin ng ina ni Dalisay na mabanggit ko sa kaniya ang pangalan na iyon.
"Opo mama." Mas gusto nilang 'mama' ang itawag ko sa kanila. "Nagkita kami kahapon. Napakahabang kwento kaya mahihirapan akong ipaunawa sa inyo."
"Paano kayo nagkita?" Nagtaka siya. Alam niya sigurong malayo ang bahay nito. "Sige iha. Sabihin mo ang lahat lahat. Tandaan mong anak na din kita gaya ni Dalisay. Para sa gayon ay marami pa akong malaman sa'yo bukod sa nakaraan mo."
Nagkwento ako tungkol kay Romano. Kailangan para maintindihan niya ang pasikot sikot ng lahat.
"Baka po kasi napagkamalan niyang si Adonis ang pumatay sa kapatid niya." huling salaysay ko sa aking kwento.
"Matagal din na nawala si Adonis dito matapos mamatay ni Dalisay. Kaya hindi ko pwedeng patunayan sa'yo o kay Semyong na hindi talaga si Adonis ang pumatay sa kapatid niya." Tama siya. Nagkataon na nawala si Adonis at nakapatay si Romano kaya sa pagkakaalam ni Semyong na iyon ay si Adonis ang pumatay.
"Sa mga taon na nawala si Adonis dito ay hindi ko naman alam kung saan siya nagpunta. Kung magkamukha sila ni Romano, wala kang katibayan na maipapakita kay Semyong. Matanda na siya. Pwede natin siyang kausapin para ipagtapat sa kaniya ang lahat."
"Pero mama, marami pang problema. Wala pa tayong balita kay Adonis ngayon. Kinakabahan ako."
"Gaya nga ng sabi mo. Magtiwala lang tayo sa Diyos." Niyakap niya ako. Mabuti at maraming nagpapalakas ng loob ko kaya nabubura sa isip ko ang mga negatibong pwedeng mangyari. "Sa ngayon, kailangan mong puntahan ang mga kababaihan para maaliw ka naman. Wala kang gagawin kundi asikasuhin sila. Ikaw ang nakakaalam ng iba pang pangangailangan nila."
Ngumiti ako. Mukhang binigyan niya ako ng karapatan sa negosyo nila sa bukid. Malaki ang lupain nila.
Pinuntahan ko ang mga babaeng gumagawa sa pinyahan. Masaya nilang inaasikaso ang mga prutas na bubuhatin ng mga kalalakihan at isasakay para dalhin sa maraming palengke. Ganito ang isa sa pangarap kong negosyo. Magkaroon ng malaking lupain at ibenta ang yaman nito. Natupad din pero hindi pa kumpleto dahil hindi pa ako tiyak kay Adonis.
"Kamusta?" bati ko sa kanila.
"Ikaw pala, Magdalena."
"Baka gusto niyong magpahinga muna."
Tumawa ang isa.
"Salamat pero hindi lang kasi trabaho ang ginagawa namin upang kumita. Nag aalala din kami dahil kailangan nang ikarga ng mga ito. Hindi pwedeng mahuli dahil sayang ang oras na mawawala sa palengke."
"Ganun ba?"
Marami pa akong hindi alam. Gusto ko din na sumama sa kanila pero wala akong gamit na gwantes o uniporme na pwedeng madumihan kaya lumakad lakad nalang ako. Kinausap ako ng isang lalaki.
"Magdalena, nabalitaan ko ang tungkol kay mang Semyong. Delikado sa kabilang bukid kaya sana huwag ka nang magagawi doon. Baliw si mang Semyong."
"Kilala mo siya?"
"Oo, napaalis siya dito dahil naging baliw siya."
Tumango na lang ako at umalis. Siguro nga ay gaya ng nasa isip ko, baliw si Semyong pero alam niya ang nangyayari. Gusto niyang paghigantihan si Ramano. Wala talaga akong ganang makipag usap. Gusto kong mapag isa. Pero hindi ko na ginawa ang maglakad hanggang sa kabilang bukid. Ilang oras din akong nag iisa hanggang naisipan kong magpunta uli sa kubo nila nanay. Panatag si nanay sa kalagayan ko pero ang hindi niya matiis ay ang nararamdaman ko. Masaya siya dahil hindi na siya nasasabik sa'kin dahil nasa iisang lugar lang kami nakatira ngayon. Nalaman din niya ang tungkol kay Semyong. Bata pa lang ako ng umalis si Semyong sa lugar namin. Kaya nagtataka sila kung bakit kilala ni Semyong si Romano na dumating nang wala na si Semyong. At siguro ay dito nagtatrabaho si Semyong kasama si Adonis.