Mark's POV
'Lam mo 'yong disadvantage kapag ikaw na lang ang estudyante sa pamilya? 'Kaw parati uutusan.
Walong oras lang trabaho, 'di ba? Dapat diretso uwi na si kuya. Kaso ano, ano'ng style niya? Style niya bulok! Siyempre, di p'wedeng 'di dadaan 'yan kina kuya Eiji, tatambay; 'yong pagtambay magiging sleep-over, ta's habang nagsi-sleep-over, nagba-basketball.
'Yan ang perks ng working at may partner.
Kaya naman pala napunta sa'kin 'tong pamimili ng pangsahog sa hapunan. Pagkakaalam ko kasi responsibilidad 'to ng ina e. Love ko si mama pero 'di ko namalayang part-timer na pala ako. Wala pa yang sahod, a!? Magulang talaga. Literal. Haha!
Pero okay lang. Wala mang sahod, may kupit naman! Bwuahaha! Aba, utang na loob na sa'kin ni mama 'to, 'no? Sa pang-uutos niya. E kung 'yong time na pinabibili ako e ginamit ko sa paggawa ng mga takdang aralin, magna cum laude na sana ako.
Kaya naman naaayon lang na humingi ng karampatang taas sa budget nang hindi lang Vitamilk mabili ko para sa sarili pati na rin isang pack ng Hany - ang paborito ko.
May kalayuan ang grocery store sa may amin kaya natural lang kay mama na magbigay ng pang tricy. P17 rin yon, ha, kaya nilakad ko na lang para sa'kin na 'yong pera.
Di ko lang sigurado kung kay mama ba o kay papa ko nakuha ang pagiging wais sa pera. Basta, ang sa isip ko lang, kung may gusto akong bilhin, mabibili ko kasi may ipon ako.
Sa paglalakad ko sa kalsada, nakakita ako ng dalawang batang naghahabulan. Nadapa 'yong isa, umupo, isang tuhod lang nakaluhod. Tinanong ng isa kung may sugat ba. Tinaas bahagya ng bata ang laylayan ng short. Gasgas lang.
Siyempre, ako lang 'yon. Ang layo-layo ko sa kanila para marinig ang usapan e. Haha! Pero 'yon 'yong persepsyon ko sa'king nakita. Dahil sa kanila, bigla ko tuloy naaala kaming dalawa ni Eleison.
Di kasi, parang ako 'yong batang nakatayo na nagtatanong kung okay lang ba siya at si Eleison naman 'yong batang nadapa. Ang sabi ko sa sarili noon, no'ng nakita ko tuhod niya, na balak kong bigyan siya ng cebo de macho. Tamang-tama. May kupit ako at papunta akong grocery store.
Wala naman talagang cebo de macho o Vitamilk o Hany sa binigay na listahan ni mama e. Pero siningit ko na rin. Sa unahan pa, kasunod ng misua. Priority e.
'Yong misua kasi, dapat sa tindahan lang 'yan nila ate Betty mabibili. E ang tatamad! Hindi man lang nagre-stock, tuloy nagpasabay na rin ng iba pang mga bilihan si mama; para 'di na raw siya mag-grocery bukas. Galawan ni mama e, no?
Alam kong kamag-anak ng pasta ang misua kaya nga do'n ka'gad ako tumuloy e, sa Pasta Section. Pero laking gulat ko na lang nang makita ko si Eleison. Di, joke. Wala do'n si Eleison. Apelyido niya, oo. Doon sa pack ng mga sotanghon! Bwuahaha!
Pumuslit ako ng isa, waring nag-iimbestiga. So ang ibig sabihin pala ng Vermicelli sa tagalog ay sotanghon!? Ngayon ko lang nalaman 'to a!? At malamang 'di alam ni ma'am ang bagay na 'yon kasi ang binigay niya lang na remark no'ng nag-iintroduce si El ay "It sounds Italian."
Ang 'di ko lang maintindihan e no'ng tinanong kung may lahi siya, hindi niya sinagot. E halata namang mero'n!
Mahilig akong manood ng mga foreign movies, alam ko hitsura ng mga Italyano, ng Ita, ng Ilokano, at iba pa. Sigurado akong Italyano si El. O 'di kaya Greek.
Naku, 'pag narinig siguro ako no'n na tinawanan ko apelyido niya magagalit 'yon. Ang babaw ko naman kasi, parang Sotanghon lang natawa na? Samantalang noong elementary, may kaklase ako ang apelyido Espepe, tinawanan ko ba? Hindi. Kasi para 'yong si Ate Patti e, malaking bulas.
BINABASA MO ANG
Ang Multo sa Manhole 3 (completed)
Genç KurguGAY BOYXBOY YAOI Disclaimer: This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or...