Maraming mga puno sa aming bakuran, naalala ko noong ako'y bata pa medyo masukal pa ang paligid ng aming bahay. Nakakatakot tingnan ang paligid lalo na kung gabi. Marami sa ating mga Pilipino ang naniniwala sa mga kababalaghan tulad na lamang ng mga multo sa puno, engkanto, kapre, tikbalang at kung anu-ano pa. Itong kwentong ito ay hango sa mga naging karanasan ng mga kakilala ko dito sa lugar namin na kung tawagin dati ay San Antonio.
Si Aling Nena, hindi niya tunay na pangalan ay nagkwento sakin tungkol sa naranasan niya sa bahay namin noong siya ay nagtatrabaho pa sa amin bilang kasambahay. Medyo may edad na rin si Aling Nena at matagal tagal din siyang nagtrabaho sa amin. Tuwing hapon ay nagwawalis siya sa bakuran namin, sa harap at sa likuran. Pagkatapos nun ay magsisiga siya.
Iba-iba ang mga puno na nakatanim sa bakuran namin, may puno ng mangga, saging, talisay, niyog, kamias, sinegwelas, chico at iba pa. Isang araw nagwawalis si Aling Nena sa harapan ng bakuran namin kung saan nakatanim ang puno ng Chico.
May napansin siya na babaeng palakad lakad sa loob ng bakuran namin, napagkamalan niya itong bisita, araw-araw kasi eh my mga taong pumupunta sa bahay namin, tulad na lamang ng mga kakilala ng lolo ko na gusto siyang bisitahin o kaya naman makipagkwentuhan sa kanya, nakatira ako sa bahay ng lolo ko simula pa noong bata pa ako kaya sanay na rin ako sa mga bisitang labas-pasok lang sa bahay.Papunta ang babae sa puno ng chico kung saan nakatanim ito malapit sa gate namin. Medyo malayo naman si Aling Nena sa puno ng chico. Lumapit siya sa babae at tinanong niya kung anong kailangan nito ngunit di sumagot ang babae, nakatalikod ito sa kanya at tuluy-tuloy lang na naglakad. Hindi man lang niya nakita ang mukha ng babae. Nagtaka naman ang kasambahay namin sa ikinilos ng babae,
''Hay naku!kung sino man yun eh napakasungit naman ng babaeng yun, tinatanong eh di man lang ako sinagot.'' Binalewala niya ito at tuluy-tuloy lang na nagwalis. Nang tingnan niya ang babae eh wala na ito. ''Siguro eh nakapasok na ito sa loob ng bahay''.sabi niya.
Kinabukasan, hapon na naman at nagwawalis si Aling nena, nagtaka siya dahil nakita niya na naman ang babae na nasa loob ng bakuran at palakad lakad na naman ito, ngunit napansin niyang malapit lang ito sa puno ng chico kung saan ito naglalakad ng marahan, ganun pa rin ang suot nito at para bang di man lang nagbago ang itsura nito mula ulo hanggang paa.
Doon na siya nagtaka, tinitigan niya ito, mukha namang normal. Nakasuot ito ng t-shirt na puti at pantalon na kupas. Nakatalikod pa rin ito sa kanya. Hindi na siya nakatiis at nilapitan na niya ang babae upang tanungin kung ano ang ginagawa ng babaeng yun sa bakuran at kung sino ang hinahanap nito. Nang nasa harap na niya ang babae ay tinanong niya ito,''Miss, sinong hinahanap mo, kahapon pa kasi kita nakita dito eh tapos bigla ka na lang nawala''. Hindi pa rin humaharap sa kanya ang babae at wala man lang siyang narinig na sagot mula rito. Nainis na sa kanya si Aling Nena kaya naman medyo nilakasan niya ang pagsasalita at tinawag ulit ito,
''Miss!, ano ba! Nakakabastos ka na ah. Sino ka ba talaga at anong kailangan mo, baka mamaya mapagalitan pa ako ng amo ko dahil kung sinu-sino ang pinapapasok ko sa bahay na ito. Saka kilala ko ang mga taong pumapasok dito, hindi ka pamilyar sakin kahit hindi ko pa nakikita ang mukha mo, sa katawan pa lang ng tao ay kilala ko na kung sino siya pero ikaw kahapon lang kita nakita dito''.
Laking gulat ni Aling Nena nang humarap sa kanya ang babae, umikot ang ulo nito paharap sa kanya at wala itong mukha!. Sa sobrang takot ay napaihi siya at natulala. Hindi man lang siya makagalaw o makasigaw. Pagkatapos ay napansin niyang hindi nakalapat ang mga paa nito sa semento, nakalutang ito sa hangin. Papalapit nang papalapit ang mukha ng babae sa kanya, para siyang papanawan ng ulirat. Hanggang sa isang dangkal na lang ang layo ng mukha ng babae sa mukha niya. Biglang may tumapik kay Aling Nena sa balikat at doon lamang siya nakasigaw.
''Aaaaaaahhhhhh!, may multo!
Ang pinsan kong si Mariel ang tumapik sa kanya.
''Aling Nena ano bang nangyayari sa'yo?,tanong niya.''
Ka- kasi ka ka kanina. Halos hindi na siya makapagsalita ng maayos sa sobrang takot at bigla na lamang itong nahimatay.
Nang magising si Aling Nena ay tinanong ito ng lolo ko kung anong nangyari,
''kahapon kasi nung nagwawalis ako may nakita akong babaeng naglalakad sa harapan ng bakuran, pagsisimula niya''. Nung tinanong ko ito kung anong kailangan ay hindi ito sumagot, inisip ko na baka isa lang sa mga bisita nyo. Nang tingnan ko ulit ito eh biglang nawala pero nung huli ko siyang makita ay nakatayo lang siya sa puno ng chico at nakatalikod sa'kin. Pagkatapos ay nakita ko ulit siya ngayong hapon at sa parehong oras nang nakita ko siya kahapon. Nang lapitan ko siya para tanungin kung anong kailangan ay di pa rin siya sumasagot hanggang sa biglang umikot ang ulo nito paharap sakin at wala itong mukha!.''
Nanginginig sa takot si Aling Nena habang nagki-kwento. Habang kami naman ay nakikinig lang lahat sa kwento ni Aling Nena at di namin maiwasang lahat ang panindigan ng balahibo.
Doon na nagkwento ang lolo ko na bago nila nabili ang bahay ay alam na nilang may babaeng pinatay sa lupa namin. Ni-rape ito at walang awang pinatay. Pagkatapos ay inilibing ito kung saan nakatanim ang puno ng chico. Kaya pala doon ito nakita ng kasambahay namin na palakad lakad. Nagdesisyon ang lolo ko na pabendisyunan ang puno ng chico upang matahimik na ang kaluluwa nito. Simula nun ay wala ng nagpapakita sa mga kasambahay namin at pati na rin sa'min.
BINABASA MO ANG
KABA, KUTOB, KILABOT BOOK 1
HorrorHuwag basahin kung mahina ang loob. Lalo na sa gabi. Compilations of True Ghost Stories. Tagalog Horror Stories Based On Real Life Events