by Hazel Bismonte
Kasama ang mga kagrupo ko sa Dagdag Dunong Project, mahigit isang taon na akong nagvo-volunteer sa isang children's hospital sa Quezon City. Tuwing Biyernes, nagkakaroon kami ng storytelling sessions lalo sa mga batang may malubhang karamdaman.
Minsan isang Biyernes na papunta ako sa ospital, sobrang badtrip talaga 'yung araw na iyon. Kasi ba naman papunta pa lang ako sa ospital e ngarag-ngarag na talaga ako dahil sa mamang nakasakay ko. Sukat ba naman akong manyakin?! Tinalakan ko nga. Sinuntok-suntok ko. As in suntok na pamboksing! Keber na kung pagtinginan ako ng mga pasahero e bastos naman talaga yung mama.
Hayun, hiyang-hiya siyang bumaba. Habang ako naman e, sirang-sira na ang mood. Pero siyempre, dahil may trabaho akong kailangang panindigan e nagpahangin muna ako sa labas ng ospital bagn pumasok at pumunta sa playroom ng ospital kung saan kumpol-kumpol na ang mga bata. Ang ilan ay naka-wheel chair, nakaswero, o karga-karga ng mga nag-aalaga.
Nang umokey na ang pakiramdam ko, agad akong pumasok sa loob ng ospital. Abot-tenga ang ngiti ko. Ayoko namang manghawa pa ng kamalasan sa mga bata.
Papunta pa lang ako sa playroom e nakasalubong ko si Janna. Si Janna ay 10 yrs. Old na may leukaemia. Hindi na siya makalakad at halos kalbo na rin. Ngunit sa kabila ng kaniyang kapansanan, nanatiling masigla at masiyahin si Janna. Ayaw niyang kinakaawaan. Kaya naman kahit halos mangiyak-ngiyak na ako tuwing nagkakausap kami e talaga namang tinatatagan ko ang dibdib ko. Ayokong makita niyang naaawa ako sa kanya, lalo kasing bababa ang morale niya.
"O, Janna, saan ka pupunta at mag-isa ka?" tanong ko sa kanya.
"iihi lang po." masayang sagot niya.
"A sige, samahan na kita." sabay tulak sa wheelchair na kinauupuan niya. Ang tindi rin talaga ng batang ito. Dati, hindi umiihi o pumupunta sa kahit saan nan walang umaalalay sa kanya. Ngayon e mag-isa na lang na pupunta sa banyo, susmiyo marimar!
Sobrang lamig ng wheelchair. Parang galing lang sa ref. Pansin ko rin ang ulo ni Janna. Parang tabing.i nang kaunti. Parang matagal nakahiga at na-flat ang likod ng ulo.
"Kamusta, Janna?" ang tanong ko sa kanya.
"Okey naman. Bumalik lang talaga ako para sa'yo..." makahulugang tugon niya.
Huh? Ano yun? "Ahmm, anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ko.
"Ikaw ang tanging naging kaibigan ko rito sa ospital. Hindi ko yata nasabi sa'yo na mahal na mahal kita..." malungkot ang kanyang boses. Noon lamang siya nag-boses malungkot.
Palamig nang palamig ang wheelchair. Pagaan ng pagaan si Janna. Para lamang akong nagtutulak ng hangin.
"Ako na lang ang papasok sa loob." sabi niya nang makarating kami sa CR.
"Kaya mo na bang mag-isa?" alalang tanong ko.
"Oo naman!" masiglang tanong niya. Nginitian niya ako nang ubod tamis. Noon ko lamang nakita ang mga ngiting iyon. Ngiti na parang walang sakit na dinaramdam. Walang problemang inaalala. Ngiting mapayapa.
"Okiedoks manok!" pabirong sagot ko naman sabay kindat.
"Hintayin na lang kita dito sa labas." dugtong ko.
Mahigit labinlimang minuto na akong nakatayo sa labas ng CR ngunit hindi pa rin lumalabas si Janna. Nag-aalala akong baka hindi ito nakaupo nang maayos sa inidoro at naihi sa salawal kaya nahihiyang lumabas o kung nagtatae at sige pa ang pororot o di naman kaya'y nag-collapse na at nabagok ang ulo!
Tangkang bubuksan ko ang banyo ngunit naka-lock ito sa loob. Tok tok tok! "Janna? Okey ka lang ba?"
walang sagot. Tanging tunog ng patak ng tubig sa lababo ang maririnig.
Tok tok tok! "Janna?" alalang sigaw ko. "Sagutin mo sana ako. Okey ka lang ba?!" Wala pa rin. Nagsisigaw na ako. Tinatawag ko siya. Baka nga nag-collapse na!
"Janaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaa!"
Takbuhan ang mga nurse at orderly sa akin. "Miss Hazel, bakit anong nangyari?!" tanong ng maputlang si Nurse Francia.
"E si Janna po. Kanina pa po siya pumasok dyan e hindi pa po lumalabas. Baka po kung ano nang nangyari sa kanya. Naka-lock po ang pinto!" sunod-sunod na sabi ko.Blanko ang mukha ng mga tao sa harap ko. Naguguluhan. Tapos nanlaki ang mga mata. Natatakot.
"A, e, Miss Hazel, a-ano pong sinasabi nyo?" natatakot na tanong ni Francia.
"Si Janna nga po! Hindi nyo ba nakita?! Kasama ko siya kanina! pumasok siya dyan, iihh kanina pa po!" halos mabaliw-baliw kong sabi. Napatutop ang bibig ng iba. Napaluha si Nurse Francia. Siya ang paboritong nurse ni Janna. "Paano mangyayari yun? Miss Hazel .. Wala na si Janna..." halos pabulong na sabi niya.
"Anong wala?! hindi ko maintindihan. Ano? Na-discharge na si Janna? Magaling na ba siya? Nilipat sa ibang ospital? Ano?!"
"P-patay na ho siya." kahapon ng madaling araw..."
nagbigat ang pakiramdam ko. "Pano mangyayari yun? E hinatid ko siya rito!" itinulak ko ang pinto. Himalang bumukas ito. Tumambad sa akin ang alikabok at mga lumang gamit na pinamahayan na ng mga insekto't gagamba.
Paano? Iyan ang tanong na magpasahanggang ngayon ay pilit ko pa ring sinasagot.
At dito nagtatapos ang tunay kong karanasan...THE END
BINABASA MO ANG
KABA, KUTOB, KILABOT BOOK 1
HorrorHuwag basahin kung mahina ang loob. Lalo na sa gabi. Compilations of True Ghost Stories. Tagalog Horror Stories Based On Real Life Events