Ang Aplikante

366 4 0
                                    

  "Saan po kayo?" tanong ng magandang receptionist kay Andrew.

"Sa 16th floor po. Sa Super Call Center po," magalang na sagot niya.

"Mag-iwan na lang kayo ng ID saka paki-sign na lang po dito," sabi ng babae sabay abot ng Visitor's Log kay Andrew.

Maraming tao ang nakatayo sa harap ng reception desk sa building na iyon sa Makati. Lunes kasi kaya busy ang lahat ng mga tao. Marami at iba-iba ang nilalakad. At tulad ni Andrew, marami rin ang nagbabakasakaling makahanap ng trabaho.

"Nasa dulo po ang elevator lobby," sabi ng receptionist kay Andrew matapos mag-abot ng isang ID.

Dahan-dahang naglakad si Andrew papunta sa elevator lobby. Kumakabog ang dibdib niya sa kaba. Ito kasi ang unang pagkakataon niyang mag-apply ng trabaho. Tatlong buwan pa lang kasi ang nakakalipas ng grumaduweyt siya sa kolehiyo. Engineering ang tinapos niya ngunit dahil wala namang alam na mapapasukan ay sinubukan niyang mag-apply sa call center. May ilan kasi siyang mga kaklase na nakapasok sa mga call center at malaki daw ang suweldo.

Pinagmasdan ni Andrew ang mga tao na naghihintay sa elevator lobby. Lahat naka-business attire. Mga naka-amerikana, mga naka-necktie, at nagkikintabang mga sapatos. Nakadama tuloy siya ng panliliit sa kanyang suot na simpleng asul na polo at lumang itim na slacks.

Pagbukas ng isang elevator ay mabilis na nag-unahan ang mga tao sa pagpasok. Wala na ring nagawa si Andrew kundi ang makipagsiksikan. Sa loob, tahimik lang ang lahat. Lahat naghihintay sa pagtigil ng elevator sa kani-kanilang mga floor.

Naka-ilang tigil din ang elevator bago ito huminto sa 16th floor. Dahan-dahang lumabas si Andrew, dama ang pawis sa kanyang noo. Lumapit siya sa guwardiya na nakaupo sa isang desk.

"Mag-aapply po sana," mahinang sabi niya.

"Pirma na lang kayo dito sir," sabi ng guwardiya habang itinuturo ang visitor's log na nasa ibabaw ng lamesa. Pagkatapos pumirma ay binuksan ng guwardiya ang pintuan ng call center.

Pagpasok ni Andrew ay natuwa siya ng makitang wala pang ibang aplikante maliban sa kanya. Bahagyang nabawasan ang kaba niya. Alam niya kasing ma-iilang siya kapag may mga kasabay siyang magaganda ang damit at magagaling mag-ingles. Huminga siya ng malalim at lumapit sa receptionist, na nakatayo at nakatalikod sa kanya na para bang may ginagawa.

"Good morning, mam. I would like to apply for a Customer Service Representative position," ang magalang niyang sinabi.

Hindi kumibo ang receptionist. Nakatalikod pa rin ito sa kanya, mukhang abala sa ginagawa.

"Excuse me, mam," sinimulan niyang muli. "I would like..."

Hindi niya naituloy ang sasabihin dahil biglang itinaas ng receptionist ang kanang kamay nito at pagalit na itinuro ang mga bakanteng upuan para sa mga aplikante.

Ang sungit naman nito, naiinis na nasabi niya sa sarili.

Umupo si Andrew sa isa sa mga bakanteng upuan habang ang receptionist ay bumalik sa kung ano man ang ginagawa nito. Nagmasid siya sa paligid. Maganda ang desenyo ng reception area, maliwanag at makabago. Hindi maiwasan ni Andrew na mapangiti habang iniisip na maaaring dito siya magta-trabaho.

Pinagmasdan niya rin ang abalang receptionist. Nakasuot ito ng asul na blouse at itim na mini-skirt. Mahaba at makintab ang buhok nito. Sinilip niya kung ano ang ginagawa nito ngunit sadyang hindi niya ito makita.

Makalipas ang ilang minuto ay biglang tumigil ang receptionist sa kanyang ginagawa. Mabilis itong naglakad at nagmamadaling pumasok sa isang pintuan malapit sa kanyang desk. Hindi alam ni Andrew kung ano ang kanyang iisipin. Tinitigan lang niya ang saradong pintuan kung saan pumasok ang babae.

"Oh, are you an applicant?"

Nagulat si Andrew sa narinig na boses. Lumingon siya at nakita niya ang isang lalake na palabas sa pintuan ng isang opisina na nasa bandang kanan niya. Nakasuot ito ng puting polo at itim na slacks.

"Y-Yes, sir. I am," tarantang sagot ni Andrew.

"Have you been waiting for long?" tanong ng lalake habang mabilis na naglalakad papunta sa reception desk.

"Not really. Just for a few minutes."

"Oh, I'm sorry about that. We're just so busy today. Anyways, kindly fill-up this form and when you're done, submit it to me with your resume," nakangiting sabi ng lalake habang inaabot ang isang Application Form.

Bumalik sa upuan si Andrew dala-dala ang Application Form. Matapos niya itong fill-up-an ay kumuha siya ng isang resume mula sa kanyang bag. Marami siyang dalang resume dahil balak niyang mag-apply sa ibang call center kung hindi siya papalarin dito.

"Are you done?" tanong ng lalake ng lumapit si Andrew sa reception desk.

"Yes," nakangiting sagot niya.

"Okay! Just take a seat and we'll call your name in a few minutes." Tumayo ang lalake mula sa pagkakaupo at pagkatapos ay bumalik sa kuwartong pinanggalingan nito kanina. Tahimik na naupong muli si Andrew.

Hindi pa lumilipas ang isang minuto ay biglang lumabas ang babaeng receptionist mula sa pintong pinasukan nito kanina, na sa tingin ni Andrew ay ang opisina niya. Nakangiti na ito at mukhang hindi na abala. Maputi ito at maganda, puwedeng maging isang model.

"Are you Andrew?" tanong nito sa kanya.

"Yes."

"Please follow me," masayang sabi ng babae sabay talikod. Mabilis na sinundan ni Andrew ang babae na muling pumasok sa opisina nito.

"Please sit down," sabi ng babae na nakaupo na sa desk nito. Hawak niya ang resume ni Andrew. "I'm Jane, by the way."

Mabilis na naupo si Andrew sa bakanteng upuan na nasa harap ng lamesa at kinamayan ang babae. Bumalik ang kanyang kaba. Nararamdaman niya ang bilis ng tibok ng kanyang puso. Pinagpapawisan din siya kahit na airconditioned pa ang buong floor na ito.

"So, tell me Andrew. Why do you want to work in a call center?" masaya ngunit seryosong tanong ng babae.

Dahan-dahang huminga ng malalim si Andrew, hindi pinahahalata na kinakabahan siya. Pagkatapos ay sinagot niya ang tanong ng babae, na makailang ulit din niyang prinaktis.

"The call center industry is one of the most in-demand industries here in the Philippines. It presents its employees with opportunities to learn, to grow, and to help others. One can say that it's not just a job, but a career. And I want to be a part of that."

"Good. But what do you know about call centers?"

Huminga ulit ng malalim si Andrew. Inaasahan na niya na itatanong ito sa kanya kaya may nakahanda na rin siyang sagot.

"I really don't know that much, but from what I gather, call centers are the 'go to' points these days. When someone needs help, call centers are just one call away. And of course, the people working in call centers are the frontrunners in providing customer service," nakangiti niyang tugon.

"Okay," mahinang sabi ng babae. Nakatungo ito at seryosong binabasa ang resume ni Andrew.

"So, do you like pretty girls?"

Halatang nabigla si Andrew sa tanong sa kanya. Hindi niya inaasahan na mayroong mga ganitong tanong sa mga interviews.

"Uuummm... well...," na-uutal niyang sagot. "I guess... yes. I mean, everyone likes pretty girls. But for me, what's inside is also important."

Natawa lang ang babae sa sagot niya. Napalunok si Andrew, ramdam niya ang pamumula ng mukha. Hindi siya makatingin sa babae. Buti na lang at nakatitig pa rin ito sa kanyang resume.

"Are you okay working the graveyard shift?" biglang tanong ng babae.

Nakahinga ng maluwag si Andrew. Alam niya ang isasagot sa tanong na ito.

"Yes. I don't have any problems working the graveyard shift. There won't be any problems with transportation as well."

Tumango lang ang babae. Nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa resume niya, na para bang may parteng hindi naiintindihan.

"Have you ever killed somebody?" seryosong tanong ng babae.

Hindi makasagot si Andrew. Blanko ang kanyang isip. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin.

Lumipas ang ilang minuto. Nakatingin lang si Andrew sa babaeng nag-iinterview sa kanya. Walang kaingay-ingay sa loob ng opisina.

Sumandal sa upuan ang babae at ngumiti.

"Tell me, what are your strengths?"

Hindi maintindihan ni Andrew kung ano ang nangyayari ngunit ngayong mayroon siyang masasagot sa tanong ay sinunggaban na niya ito.

"My strengths? Well, I can say that I'm a hard-working person. I always give my best whatever I'm doing. I like to tackle challenges head-on. And I can also say that I'm trustworthy," sagot ni Andrew bagamat halatang kinakabahan ito.

"Liar!"

Nagulat si Andrew sa sinabi ng babae. Bagamat nakatingin pa rin ito sa resume ni Andrew ay halatang galit na galit ito. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa resume niya, na ngayon ay gusot-gusot na.

"Excuse me," tanong ni Andrew ng hindi kumibo ang babae.

"What are your weaknesses?" pagalit na tanong ng babae.

"My...weaknesses...? Well, I'm... I'm...," hindi makapagsalita ang naguguluhang si Andrew.

"Liar," pasigaw na sabi ng babae. "Do you find me pretty?"

Napanganga lang si Andrew sa mga sinasabi ng babae. Hindi na niya alam ang gagawin. Nanlalamig ang buo niyang katawan.

"Answer my question! Do you find me pretty?!"

Napaatras si Andrew sa kinauupuan. Takot na ang nararamdaman niya ngayon.

"Y-Yes," mahinang sagot niya.

Napahalakhak ng malakas ang babae. Tawa ito ng tawa na para bang wala ng bukas.

"You're just like them. All of you are the same," nakangiting sabi nito sabay kuyumos sa resume ni Andrew. Ibinato niya ito kay Andrew, na sinubukang umilag ngunit tinamaan pa rin sa pisngi.

"I hate you!" sigaw ng babae sabay tayo. "I hate all of you!" Nanginginig sa galit ang babae. Kitang-kita ni Andrew ang mga ugat sa leeg nito. Matalas ang titig ng babae sa kanya. Punong-puno ng pagkamuhi ang mga mata nito.

"I'm gonna kill you! I'm gonna do what you did to me!" Sa pagkakataong ito ay biglang sinungaban ng babae ang nakaupong si Andrew. Bumagsak siya sa lapag at isang sigaw ang pumuno sa loob ng saradong opisina.

"What are you doing here? How did you get in?"

Binuksan ni Andrew ang kanyang mga mata. Nakahiga siya sa lapag, nakadepensa ang kanyang mga braso sa kanyang mukha. Nakabagsak ang upuan sa gilid niya. Tumingala siya at nakita ang lalakeng kausap kanina sa reception area.

Biglang napabalikwas si Andrew sa lapag. Nagmasid siya sa paligid. Siya lang at ang lalake ang tao sa kuwartong iyon. Walang bakas ng babaeng nag-iinterview sa kanya. Mabilis siyang tumayo, hindi pansin ang panginginig ng binti.

"Didn't I tell you to wait for us to call you? What are you doing here?" galit na tanong ng lalake.

Hindi alam ni Andrew ang sasabihin. Pinulot niya ang bag na nasa lapag at pilit na inayos ang nagulong buhok.

"Don't tell me..." sabi ng lalake ng makita ang maputlang mukha ni Andrew. "Did something happen?"

Tinitigan ni Andrew ang lalake, hindi alam kung paano ikukuwento ang nangyari.

"I was being interviewed by this..." hindi niya maituloy at napahikbi siya.

Tiningnan lang siya ng lalake. Para bang alam na kung ano ang nangyari sa aplikante.

"W-Was it Jane?" tanong ng lalake na biglang namutla din.

Nagulat si Andrew sa sinabi ng lalake. Hindi niya alam kung paano nalaman ng lalake ang bagay na iyon. Naalala niya ang mukha ng galit na galit na babae. Bumalik ang takot na naramdaman niya kanina.

"S-Sorry, but I've got to go," mabilis niyang sinabi habang nagmamadaling lumabas ng kuwarto. Pagkalabas ng call center ay sumakay kaagad siya sa isang bukas na elevator at pinindot ang Ground button. Hindi na niya narinig na tinatawag siya ng guwardiya para pumirma sa visitor's log. Pag bukas ng elevator ay tumakbo siya. Hindi niya alam kung saan pupunta, basta ang alam niya ay kailangang makalayo siya. Nawala na sa isip niya ang iniwang ID sa reception kanina. Basta't tumakbo lang siya ng tumakbo.

Nang mahimasmasan siya ay nakita niyang tanghali na. Hindi rin niya alam kung nasaan na siya. Nagmasid siya sa paligid. Maraming tao ang naglalakad at nag-aabang ng masasakyan.

"Baclaran! Boss, maluwag pa," tawag ng kundoktor ng bus na tumigil sa harap niya.

Tiningnan lang niya ang kundoktor, hindi alam ang gagawin. Makalipas ang ilang minuto ay binuksan niya ang dala niyang bag. Inilabas niya ang lahat ng dala niyang resume at itinapon sa basurahan sa tabi niya. Pagkatapos ay sumakay siya ng bus.  

KABA, KUTOB, KILABOT BOOK 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon