JOURNAL III (THE SAVING VOICE)
Lately, kalat sa social and mainstream media ang malagim na sinapit ng isang bus sakay ang mga students para mag-field-trip. Bigla kong naalala ang aking karanasan, aksidenteng malagim sa daan.
Naniniwala ka ba na may guardian angel tayo? Ako, oo. Minsan nya na akong sinagip. Naniniwala ka rin ba sa telepathy? Nung nasa elementary palang ako, Grade 4, may kausap akong nilalang. Bata sya, sabi nya nakatira sya sa ilalim ng lupa. Doon sa may park sa school na nililinisan namin tuwing umaga. Kinakausap nya ako sa isip, inaaya nya ako doon. Nangyari yun nung nasa kalagitnaan kami ng klase. Tumigil si Maam sa pagdi-discuss at bigla nya akong tinanong, ""May sinasabi ka ba?"" kahit hindi ako nagsasalita. ""May mental telepathy ka?"", hindi ako makasagot dahil hindi ko naman alam ang pinagsasasabi nya.
""Anu po yun?"" tinanong ko sya after ng klase. Sabi ng mga kaklase ko, yung parang kay Shaider daw, hahaha. Todo explain sila sa akin pero hindi ko naintindihan, habang si Maam nakatingin lang ng seryoso sa akin. Nung malaki na ako at alam ko na ang ibig sabihin nun, naisip ko... witch ba si Maam? Paano nya nalaman na may kumakausap sa akin?
Ang haba ng pasakalye, pero kaya ko isinama yan dahil related din sa kwento.
THE SAVING VOICE
September 01, 2001 (Saturday)
Abala ang lahat para sa acquaintance party. Umaga palang nasa venue na kami sa Cavite City para iprepare ang buong lugar. Gaganapin ang program sa gabi kaya lahat ng gagamitin, lahat ng dapat magpractice, lahat ng mga pakulo ay dapat matapos at maiayos sa oras na ibinigay.
Hindi naman marami ang mga estudyante dahil hindi naman malaki ang computer school kung saan kami nag-aaral, kaya isang di kalakihang place ang napili naming i-rent ng isang buong araw na party. Bukod sa pagse-set-up ng buong lugar, abala rin kami sa isasagawa naming palabas para sa gabi.
Unang tingin ok naman ang lugar, cozy at tamang-tama lang para sa lahat. Ang hindi lang maganda ay ang matamlay na pakiramdam nito, knowing na lugar iyon para sa kasiyahan.
Isa sa mga staff ng school ay malapit sa akin, member sya ng spirit questor, nang tinanong ko kung bakit iba ang dating ng lugar na yun, bakit malungkot. Hindi nya pa raw sigurado, pero may ilang entities daw ang lumiligid sa lugar na yun. Kani-kanina lang daw ay dalawang beses ginaya ang kapatid nya. Nakita nya raw sa terrace sa taas ang kapatid nya pero paglingon nya sa kaliwa nya, kung saan andun ang mga patong patong na mono block chairs, andun din ang kapatid nya. Pero ang totoo ang kapatid nya ay umuwi kasama ang girlfriend nito na laging nakakabit sa tabi nito.
September 02, 2001 (Sunday)
Diretso ang kasiyahan dahil after ng program ay night swimming na. Ang pagod sa buong maghapon ay diretso sa swimming na walang tulugan.
Around 6:00 am, maliwanag na ang langit. Pagod na pagod ako. Ang byahe pauwi sa amin ay aabot ng 2 hours or less. Sumakay ako ng mini bus going to Rosario, kung saan may mga jeep na bumibyahe ng direcho sa amin. Balak ko kasi matulog buong byahe.
Bago pa ako makarating sa terminal ay masakit na ang ulo, ilang beses kasi nagpahampas-hampas ang ulo ko sa bintana ng mini bus dahil sa sobrang antok. Bumaba ako ng mini bus na mabigat ang katawan. Nasa kabilang side ng kalye ang terminal kaya kelangan kong tumawid pa. Mula sa kinatatayuan ko ay kita ko na ang jeep na diretsong byahe sa amin, may ilang pasahero na sa loob na naghihintay nalang mapuno para makaalis na. Yun nga lang ang sign card ng jeep ay hindi ko mabasa, parang blurred sa paningin ko. Gustong gusto ko nang sumakay sa jeep para maituloy ang naudlot kong tulog.
Akmang tatawid na ako ng... “Sa bus ka na sumakay”. Isang boses na hindi ko makilala. Pero kung sa bus ako sasakay mas matatagalan pa ang byahe ko dahil mamimick-up pa ng pasahero sa daan ang driver, gustong gusto ko na makauwi para maihiga ko na ang katawan ko at ang pinakamabilis na paraan ay sumakay sa jeep.
“Sa bus ka na sumakay” ulit ng boses na parang nasa tabi ko lang yung nagsasalita. Nakakagaan ng pakiramdam. Mas masuyo pa sa boses ng babae. Bigla nalang may tumigil na mini bus sa harap ko na para bang may pumara. Subconsciously, sumakay naman ako. Tulog agad ako ng mapasandal sa bintana. Nagigising-gising nalang ako dahil sa harurot ng mga sasakyan na nasasalubong at umoover take sa amin.
Around 7-8 am ng umaga, tumigil ang bus namin para magbaba ng pasahero, naalimpungatan ako sa sikat ng araw na tumatama sa mukha ko (nasa left side kasi ako ng bus). Isang humaharurot na jeep ang um-overtake sa bus namin at sa isang kisapmata bumangga ito sa isang provincial bus.
""Shet!"" para akong binuhusan ng isang timba ng malamig na tubig. Yung gulat ko sagad talaga. Malakas ang pagsalpok at mabilis ang pangyayari. Sa lakas ng impact, tumalsik lahat ng pasahero na nasa loob ng jeep. May mga nagtalsikan din sa bus namin na kung anu-ano, mabuti nalang at sarado ang bintana ko. Nagmukang niyuping lata ang jeep dahil wasak na wasak ito at ang provincial bus ay sa harapan lang ang damage. Nagkalat sa daan ang mga taong walang malay. Hindi mo matukoy kung sino ang buhay pa o patay na. Hindi ko makakalimutan yung dalawang babae na nakapwesto sa harap, lupaypay sila pareho dahil kalahati ng katawan nila ay naipit sa nayuping harapan ng jeep. Naghalu-halo ang naramdaman ko, hindi ko alam ang gagawin ko. Puyat na puyat ka tapos biglang makaka-witness ka ng grabeng aksidente. Gusto ko na makauwi.
Pagbaba ko sa sumunod na bayan, kailangan ko na naman sumakay ng jeep pauwi sa amin. Dalawang kamay ang kapit ko sa steel bar, takot na takot ako. Dasal ako ng dasal hanggang sa makarating ang jeep sa amin. Walang nakapansin sa pagdating ko, agad akong nahiga sa sala… ayokong mag-isip.
Di ko na alam kung anong oras pero ginising ako ng ate ko, sobrang nag-aalala. Akala nya raw ay isa ako sa nakasakay dun sa jeep, obviously umabot na sa lugar namin ang balita. Byaheng pauwi pala dito sa amin yung jeep na naaksidente, yung mismong jeep na dapat ay sasakyan ko dun sa terminal. Lalung naghalu-halo ang naramdaman ko. Kung hindi dahil sa boses na yun, malamang katapusan ko na. Paulit-ulit ang pasasalamat ko sa Ama. Kinuwento ko sa kanila ang tungkol sa boses na nag-utos sa akin. Na-realized ko na isa yung telepathic message. Telepathic voice na masasabi mong mala-Anghel talaga. Sa tagal ng panahon na nakalimutan ko na ang ability na yun, heto at iniligtas pa ako ngayon.
Nung araw din na yun (Sunday) at nung sumunod na araw (Sept. 03, 2001, Monday) ay napabalita sa TV at radio ang naganap na aksidente.
Talagang kapag hindi mo pa oras ay hindi pa talaga. Ang Ama lang ang makakapagdesisyon sa buhay natin. Pasalamat ko nalang sa Ama at sa mala-anghel boses na pinadala nya dahil heto ako ngayon at buhay pa.
![](https://img.wattpad.com/cover/86409626-288-k215288.jpg)
BINABASA MO ANG
SPOOKIFY™
Horrorsearch it on Facebook. com\Spookify/ CREDITS SA SPOOKIFY 👌🔥 Highest Rank #57 in Horror. Highest Rank #1 in Spookify.