JOURNAL II (NGINIG HIKING)
Hi spookify readers and admins. Natagalan ang part 2 ko dahil sinubukan kong hanapin yung picture na kasama sa kwentong ito. Sad to say wala na talaga. Naka-upload yun noon sa Yahoo photos, sa archives ni Mark. Pero hindi ko na makita pa. Flicker na kasi ngayon ang dating Yahoo Photos, at yung owner naman ng archives ay ilang taon nang sumakabilang buhay. Hinanap ko din ang picture sa dating forum site ng True Philippine Ghost Stories pero deleted na rin. Kaya... umpisahan na natin.
NGINIG HIKING
Nagkayayaan ang online group namin na maghiking sa isang hiking spot dito sa Cavite last August 27, 2006. 12 kami at ito ang kauna-unahang akyat ng group kaya excited kaming lahat. Pinayuhan ko ang buong group na magdala ng holy or sacred thing para sa proteksyon. Gubat kasi ang tatahakin namin, natural na may ibang nilalang (elementals) na maaari naming ma-encounter or ma-attract (kung lapitin gaya ko). Bata palang ako attached na ako sa nature. Katiwala kasi ang tatay ko ng isang rancho na malapit sa bundok, gubat, mga batis. Siguro isa na ito sa mga dahilan kung bakit high sensitive ako, kaya habang naglalakad kami, ramdam ko kagad ang approach ng kalikasan. Maraming nakatingin pero hanggang doon lang yun. Minsan pa nga mararamdaman mo na pumapasok ka sa teritoryo ng iba na parang pumapasok ka sa bahay ng ibang tao.
Pagod na pagod ang lahat nang marating namin ang campsite. Malapit na ito sa peak ng aakyatin namin. Katatapos lang ng ulan, halos 6:00 pm at foggy na ang paligid. Maganda ang lugar kaya nagtataka ako kung bakit hindi doon nagcamp yung mga naunang grupo ng hikers. Naupo ako sa isang tabi at tumingin sa buong area. Kakaiba ang lugar, ‘hindi kami mag-iisa dito’ sa isip ko. Lumakad pa ako ng bahagya pataas nang… ‘Akin ang lugar na ito’, isang telepathic voice. Kahit sobra ang pagod ko, hindi nakalampas sa pakiramdam ko ang kakaibang 'pagbati'. Naramdaman ko ang energy nung lampasan ko ang punong malaki na kanan namin. Few meters away sa punong malaki ay isang malaking puno naman ng mangga na nasa bandang south. Nararamdaman ko ang connection ng dalawang puno. Hindi ko man kita pero nararamdaman kong nasa puno ng mangga ang entity at wala sa punong nasa harap namin.
Malamig ang hangin nang gabing yun at walang makikitang bituin sa langit dahil sa habagat. Tikatik ang ulan, nasa labas kaming lahat ng tent at nagkukuwentuhan paikot sa ilaw namin. Nagkalat ang mga alitaptap sa paligid, weird pero parang naiintindihan ko ang ginagawa nila, parang warning. Bukod pa doon naririnig ko ang mabilis at maingat na mga yabag ng maliliit na paa kahit na sobrang ingay ng kuwentuhan namin. Para sa akin normal na ang ganoon dahil gaya ng tao curious din ang ibang nilalang. Inuman, tuksuhan, at kwentuhan ng mga nakakatawa at nakakatakot na karanasan. Nakaupo lang ako habang nakikinig sa kanila.
Isa sa mga napag-usapan ay ang tungkol sa guardian ni Gary. Isa sa mga member namin ang humula kay Gary gamit ang tarot cards. Ayon kay Ryan (nanghula), may babae na palaging nakasunod at nakamasid kay Gary. Nakita na ni Ryan ang sinasabing guardian ni Gary nung minsang makitulog siya sa apartment nito. Akala ni Ryan ay kasama ni Gary sa bahay, pero nag-iisa lang si Gary sa apartment. Nung diniscribe ni Ryan yung babae, nagpakita ng picture si Gary. Kumpirm! Nanay ni Gary na matagal ng patay.
Nang gabing yun, may sinasabi si Mark. May nakikita daw syang kanina pa nakatayo sa isang lugar sa campsite namin. Sinang-ayunan naman ito ni Nate. Wala akong nakikita that time so hinamon ko si Mark na kuhanan ng picture yung area na kinatatayuan ng sinasabi nya. Kinuhanan nya ng 2 beses ang area ngunit hindi naman sinave yung image. Takot na takot naman si Gary na baka nagpaparamdam na naman ang guardian nya.
Iba naman ang nararamdaman ko that time. Nakaupo ako sa isang malaking bato at pakiramdam ko may kung anong nasa likuran ko. Kinikilabutan ako ngunit di ako nagpapahalata sa group. Itinakip ko sa ulo ko ang towel ko. Binalewala ko nalang ang nararamdaman ko at nagfocus sa pinag-uusapan namin. Nag-uumpisa na ang isang pakiramdam na di ko gusto, ang pamilyar na pakiramdam kapag nandyan na ang isang entity na bad vibes. Mabilis ang pagpapawis ko ng malamig mula ulo hanggang leeg. Minasahe ko ang batok ko, pinagpipilitan ko sa isip ko na pagod lang yun kaya sumasakit at ayokong takutin ang sarili ko.
Parang hindi tumitigil ang nasa likuran ko kaya tumayo ako at lumipat sa tabi ni Gary. Nagfocus ulit sa pinag-uusapan namin. This time nakatayo nalang ako gaya ng iba. Medyo palusong kasi ang likuran namin kaya di na kami makaupo. Nararamdaman ko na wala na yung entity. Hindi ko na pansin kung sinu-sino ang nasa mga pwesto nila pero kita kong may nakatayo pa sa tabi ko sa bandang likuran ni Gary. Hindi ko na sana papansinin kasi masarap ang kwentuhan namin, pero nagtaka ako. Nakatayo kasi si Gary sa batong malaki at ang bandang likuran nga namin ay pababa. Nasa 5’4” ang taas ni Gary pero mas matangkad yung nasa likuran nya ng ilang inches pa, knowing na nakatayo pa ito sa mas mababang lugar. Wala kaming kasamang masasabing ganun katangkad. Lumingon ako para makilala kung sinong nasa likod ni Gary.
Nanlamig ang pakiramdam ko. Hindi ko natagalan ang nakita ko kaya’t itinakip ko ang towel at kamay ko sa mukha ko at yumuko. Ang entity, katabi ko na, nakatayo sa likod ni Gary. Isang nakakatakot na nilalang. Isang entity na hairy, mukha itong pinaghalong ape at aso. Di ako sure kung mapula ang balat nito o dahil lamang sa ilaw namin kaya naging mapula, at ang mukha nito’y may mga buhok din. Itinago nya ang presensya nya sa akin dahil alam nyang nararamdaman ko sya.
Dasal ako ng dasal habang nakasubsob sa towel ko. Hindi ko kasi akalain na sa ganoon kalapit ko pa ito makikita. Inaya ko na si Mark at Gary sa loob ng tent. Ayoko na talagang lumabas hangga’t di nag-uumaga. Katabi ko ang dala kong itak sa pagtulog at dasal ako ng dasal sa isip ko. Hindi ko na ikinuwento kila Mark at Gary ang tungkol doon basta sinabi ko na may gumugulong entity sa akin sa labas. Paulit-ulit lang akong nagdadasal hanggang sa makatulog ako.
Kinabukasan ay successful naman ang pag-akyat namin sa peak. Ilan sa mga kasama ko ay nagsasabing may naririnig daw silang mga yabag na paikot-ikot sa campsite namin. Nung pauwi na kami, mag-isa akong naglalakad sa daan dahil malalayo ang agwat namin. Yung iba ay nauuna at yung iba naman ay nahuhuli. Ramdam ko ang mga maliliit na yabag na sumusunod sa akin. Tumigil ako sa paglakad.
“Oh sige, bibigyan ko nalang kayo ng kaunting alay pero wag na kayo magpapakita sa akin, paki-usap”
Mabuti nalang at ako ang may dala ng mga pagkain. Inilabas ko ang isang balot na tinapay at hinati-hati ko saka ikinalat sa paligid. Wala nang sumunod pa sa akin hanggang pag-uwi. Sa akin wala, pero sa kanila meron. Yung picture na hinahanap ko nandun sana ang pruweba na marami silang na-attract, bukod dun sa mumu na photo bomber, nanay ni Gary.
PS. Naikwento ko na 'to sa dalawang barkada ko na avid reader dito. Huwag akong ita-tag please kung alam na. Basa-basa lang.

BINABASA MO ANG
SPOOKIFY™
Horrorsearch it on Facebook. com\Spookify/ CREDITS SA SPOOKIFY 👌🔥 Highest Rank #57 in Horror. Highest Rank #1 in Spookify.