51

544 8 0
                                        

JOURNAL I Part B (MT. BATU-BATO)

Part A

Hi admins and readers. Nabasa ko na yung mga comments, puro LT lang naman. Wala eh, hindi ko na maalis sa sarili ko yung mga bagay na nakakatawa kahit seryoso na ang sitwasyon. Anyway, nagising ako ng 4:00 am at hindi na ako makatulog kaya sasagot nalang ako sa ilang comments.

THE OTHER SIDE OF THE CUBICLE. Unang una lalaki po ako, hindi po ako babae, LT ako dito. Siguro pag nagbabasa ang mga readers boses ng babae ang nagsasalita sa isip nyo, ano ha? Ano?! Kahit dun sa unang post ko pa dati, GOVERNOR’S DRIVE, kinilig din ang ilang readers hahaha. Kay ate na galit na galit sa comment nya, naisipan ko pa daw kasi silipin yung nasa kabilang cubicle, ate… KALMA! Alam mo ba ang amoy ng panghit? Kung hindi, eh talagang macu-curious ka din.

JOURNAL 1 (OVERNIGHT FRIGHT). Unang una, paumanhin sa paggamit ng mga pangalan ng mga characters sa Ghost Fighter, tinamad po akong mag-isip ng ipapalit na pangalan… ang hirap kasi. Sa mga humuhula ng kung anong uri ng lamang lupa ang nasa drawing ko at iba pang nakita ko… sige hula lang. Actually,  hindi ko po ugali na alamin kung anong uri ang nakikita ko. Naisip ko lang na baka binansag lang yun sa kanila ng mga taga-lupa (tao). Ang alam ko lang may mga pangalan din sila. Dun sa binanggit kong iba’t ibang emosyon ng mga mata, yung ilaw po ng mga mata ay makikita lang kung open ang third eye po at the same time mararamdaman mo ang intention ng tumitingin.

Pasensya na rin kung mahaba ang kwento, hugot sa Journal kasi. Sa humihingi ng kwento about Mt. Batu-bato, konti lang ang alam ko kasi hindi naman ako mausisa. Pero kung ire-reseach dito sa mga taga-sa amin, lalu’t sa mga matatanda, maraming malalamang kwento. Heto ang ilan sa alam ko:

MT. BATU-BATO

Ang Mt. Batu-bato ay nasa bulubunduking parte ng Cavite. Maganda at kaaya-aya ang kapaligiran dito. Ayon sa mga nagpasalin-saling kwento ng mga matatanda, noon daw ay kilalang-kilala sa lugar namin ang Mt. Batu-bato. Malaki raw kasi ang pakinabang ng bawat isa dito. Ito ay isang malaking bundok na bato, na pinananahanan ng iba’t ibang nilalang. Sari-saring mga kagamitan daw ang makikita doon na gawa sa mga mamahaling metal at bato. Malayang nakahihiram ang mga tao sa ‘bantay’, sa kasunduang ito’y ibabalik matapos gamitin. Ngunit sa paglipas ng panahon natuto ang mga tao na maging sakim. Hindi na nagsosoli ng mga gamit ang ibang humihiram at dahil dito ay kusang sumara ang ‘pinto’ at hindi na kailanman nagbukas pa. (It could be na may ‘portal’ sa lugar at nagsara na. At kung sino man ang hindi nagsoli ng gamit, malamang nagtaglay na ng sumpa ang mga yun… depende sa kondisyon ng ‘bantay’).

Noong una kong makita ang Mt. Batu-bato ay humanga ako, dahil sa laki nito at tila may iba pa itong gustong ipahiwatig. Ang namayapa kong lolo ay dating nakatira at nagka-kaingin sa lugar na yon. Naikwento niya sa amin noon ang kakaibang ritwal ng mga engkanto na nasaksihan nila ni lola at ng mga kasamahan nya. Kailangan nilang bantayan ang kanilang mga tanim noon  dahil sa mga mapanirang hayop. Ginising sila isang gabi ng mga yabag mula sa taniman. Agad nilang sinubok ang mga tanim hawak ang kanilang mga panghuli. Maliwanag noon ang sinag ng buwan kaya mas madali para sa kanila na makita ang sinusubok. Ngunit taliwas sa kanilang inaasahan ang kanilang nakita. Iba't-ibang uri ng engkanto ang dumaraan na tila nagpuprusisyon patungo sa itaas ng bundok kung saan naroon ang sinasabing Mt. Batu-bato. Mas lalu pa silang namangha dahil kusang humahawi ang mga sanga ng mga puno at halaman upang magbigay daan sa mga nilalang. Ang buong ibabaw ng bundok ay balot ng liwanag na tila may party-party na nagaganap doon.

May cases na ang mga turistang nagpapakuha ng picture doon ay takot nang bumalik. After kasi mapa-develop (Kodak pa noon), nagkakaroon sila ng MGA kasama sa picture na hindi naman dapat.

Naniniwala ako na ang lugar ng Mt. Batu-bato ay sanktuwaryo ng mga elemental. Ako mismo ay hindi nakaligtas pati mga kaibigan ko sa mga curious at mapaglarong engkanto dito sa Mt. Batu-bato.

Bago kami mag-overnight noon sa Mt. Batu-bato, naikwento ni Alfred sa amin ang nakakatakot nilang karanasan doon. Naikwento nya ito noong nagpaplano palang kami na mag-overnight doon.

Taong 1999, 3rd year highschool, napagkasunduan nila ng mga classmates nya na pumunta sa Mt. Batu-bato. Excited pa raw sila noon dahil mag-oovernight sila sa nasabing lugar. 6 silang nasa grupo , 4 na lalaki at 2 babae. After ng kanilang klase pumunta na sila sa Mt. Batu-bato. Pababa noon sa bayan ang katiwala sa kubo na si Mang Pancho kaya naiwan sila doon. Tuwang tuwa naman sila dahil sila-sila lang doon.

“Isara nyo na ang pinto pagdumilim na ang paligid. Kung may kakatok, tanungin nyo muna kung sino. Pag hindi sumagot wag nyong pagbubuksan”, bilin ni Mang Pancho bago ito umalis.

Kakatapos lang nila kumain ng hapunan at lahat sila’y namamahinga. Kandila lang ang kanilang ilaw sa kubo. Nagkukwentuhan sila noon ng may kumatok sa pinto.

“Sino yan?” tanong ng isa sa kanila.

Kumatok uli ng tatlong ulit ng mahinahon sa pangalawang pagkakataon ngunit walang sumasagot. Tumayo ang dalawa sa kanila para alamin kung sino ang kumakatok. Sinilip ni Boy1 sa bintana kung sino ang kumakatok ngunit wala itong nakita. Nang pabalik na sila sa kinauupuan ay muling kumatok ang nasa labas. Medyo nainis si Girl1 kaya’t di nya napigilan ang sarili. Binuksan niya ang pinto ngunit wala pa rin silang nakita, maliban sa sumalubong na malamig na hangin. Dahil doon ay kinilabutan ang ilan sa kanila ngunit hindi nila pinahalata. Puro fun lang kasi ang nasa isip nila kaya’t yon ang kanilang ginawa. Nagpatuloy sila sa pagsasaya.

Naghahanda na sila sa pagtulog nang magpaalam itong si Girl2 para magbanyo. Pagkatapos nyang magbanyo, nasalubong niya si R na papasok din ng banyo. Nagdire-diretso na si Girl2 na umakyat ng tulugan para magpahinga. Laking gulat nya nang makitang naroon si R at nakapuwesto na sa higaan.

“Akala ko nasa CR ka?”
“Ano ka? Di nga ako umaalis dito, antok na ako,” sagot ni R.

Inilahad ni Girl2 ang nangyari at dahil doon ay natakot sila. Nagtabi-tabi sila sa tulugan at hindi na umalis pa. Pinakikiramdaman ang bawat isa.

Ayon kay Alfred, naririnig daw nilang may naglalakad sa labas ng kubo. Nag-umpisang mag-hysterical ang mga babae at sumigaw sila ng sumigaw. Umihip ang malakas na hangin. Parang may bagyong dumadaan sa lakas. Naririnig nila ang paglaglag ng mga sanga at paghampas nito sa bubong. Nakadagdag pa sa kanilang takot ang pagkamatay ng kandila. Madilim na madilim ang paligid at patuloy ang pag-ihip ng malakas na hangin. Nagpatuloy ang ganoon ng matagal. Ang mga yabag ay nasa loob na ng kubo. Dasal sila ng dasal. Ang akala nila ng mga sandaling yon ay mamamatay na sila. Hindi na sila nakatulog dahil sa mga nangyayaring iyon. Nang pansin na ang liwanag ng bukang liwayway ay di na rin sila nagtagal sa kubo.

Napag-alaman namin after 1 year na may iba pa palang nakatira sa kubo bukod sa katiwalang si Mang Pancho. Si Mang Pancho mismo ang nagsabi sa amin ngunit mabait naman daw ito.

PS. Hindi po ako INC. Ama ang tawag ko sa Dakilang lumikha dahil ramdam kong mas malapit ako sa kanya. Wala po akong relihiyon, mas gusto ko ang personal kong relasyon sa Ama. Hindi ko nililimitahan ang sarili ko sa ibang posibilidad patungkol sa Kanya. Walang tayong basagan ng trip pagdating sa Ama.

SPOOKIFY™Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon