Chapter 54
KINABUKASAN, alas-otso pa lang ng gabi’y nakaimpake na ang mga damit ni Edward sa kanyang maleta.
Bukas ng umaga, Linggo, ay susunduin siya ng pick-up van na ang nagmamaneho ay ang kanilang company driver.
Dadaanan nila si McCoy sa Kamuning at deretso na sila patungong Baguio.
May reserbasyon na sila sa isang hotel doon. Ang pangala’y Palomino, malapit lang sa Camp John Hay na pagtatayuan ng kanilang bagong project.
Napailing siya nang suriin ang laman ng kanyang maleta. Ang kanyang mommy ang nag-impake ng mga damit at gamit niya roon.
Kaya pala mabigat at bundat ay dalawa ang makakapal na kumot, apat ang bath towel at may kasama pang inflatable pillow.
Inaalis niya sa maleta ang isang kumot nang pumasok sa kuwarto niya si Mrs. Cathy Barber.
“Bakit ginulo mo na naman ‘yan e nakaayos na?” naiinis na tanong nito. “Iiwan mo ba ang isang kumot?”
“Oho. Ang bigat, e.”
“Malamig doon. Sobra ang lamig ngayon doon. E kung —”“Sanay ho ako sa malamig, Mom.”
“O, e, bakit pati naman ‘yang unan e iiwan mo? Hindi maganda ang mga unan sa hotel, anak. Kaya nga bumili ako ng inflatable kahapon, e. Nasa isang compartment d’yan yong Vicks Vaporub, kasama ang vitamin C mo at isang botelyang rubbing alcohol. Pati pang-shave, cologne, toothbrush, toothpaste, toiletpaper… nariyan nang lahat ang mga kailangan mo at —”
Naiiling na naupo siya sa tabi ng maleta at bumira ng higa pahalang sa kanyang kama.
“Tamo tong batang ‘to…!”
“Mom, hindi na naman ako bata, e,” aniyang ipinatong ang isang braso sa noo. “Pati ba naman Vicks Vaporub —”
“Ano? E kung sipunin ka roon? Kung magkasakit ka, sino’ng titingin sa ‘yo roon?”
“Karaming Igorota ro’n!” aniyang painis na bumangon. “At hindi pa makulit na tulad n’yo.”
“Tarantadong ‘to, a!” Tinalikuran siya ng ina. “Halika na’t nakahain na. H’wag ka nang aalis ng bahay. Baka tanghaliin ka na naman sa paggising. Tong batang ‘to… ang hirap asikasuhin maski na kelan. Naku, mahihirapan sa ‘yo ang magiging asawa mo, Edward!”
Naiiling, pabuntunghiningang sumunod siya sa ina.
...itutuloy....
BINABASA MO ANG
THE PROPOSAL
Fanfiction...THE PROPOSAL... Pagkat bigo sa pag-ibig, sa pagkain ibinaling ni MayMay Entrata ang kanyang galit at himutok. Tumaba siya. Nang ipahiram sa kanya ng best friend niyang si Cora Wadell ang engagement ring na bigay ng gwapong suitor nito na si Edwa...