HABANG nasa elevator ay napansin ni Jerimie na hindi maipinta ang mukha ni Cheska.
"O, bakit nakasimangot ka?" pansin ni Jerimie.
"Ang landi-landi," bumubulong niyang sabi.
"Anong sabi mo? Para kang bubuyog na bumubulong diyan," natatawang sabi ni Jerimie.
"Landi pa more!"
"Ha?! Anong landi pa more?"
"Duh! Ano tanga-tangahan? Tanggi-tanggihan?" Mas lamang ang tono niyang nagtatampo kaysa nagagalit.
Nagkibit-balikat ang lalaki. "I don't understand. Tell me. Anong ipinagpuputok ng butse mo?"
"Hindi mo talaga alam?"
Tinitigan siya ni Jerimie pagkatapos ay nakangiti itong umiling-iling. "You need to tell me."
Noon bumukas ang elevator. Narating na nila ang palapag kung saan naroon ang kanilang silid.
Nagmartsa papalabas ng elevator si Cheska. Nagmamarakulyo pa rin ng loob niya sa nakitang pagngiti ni Jerimie sa receptionist ng hotel na iyon.
Bigla siyang napahinto. Hindi niya alam kung anong room nila.
"Akin na ang susi ko!" mataray niyang sabi.
Iniabot sa kanya ni Jerimie ang isang susi.
Room 425.
Mabilis siyang naglakad patungo sa silid niya. Nasa pintuan na siya ng Room 425 nang makita niyang huminto si Jerimie sa kuwartong katabi ng kanyang silid. Room 423.
Hinintay niyang pumasok sa loob ang lalaki pero nanatili itong nakatayo sa labas ng pintuan at nakatingin lang sa kanya.
"Wala ka bang balak pumasok?" tanong niya.
"Go ahead. Papasok ako kapag nasa loob ka na."
Mabilis niyang sinusian ang pinto at pumasok sa loob ng kuwarto. Bukas na ang ilaw sa loob ng silid. Siniguro niyang naka-lock ang pinto bago siya humilata sa kama. Pagod na pagod ang pakiramdam niya kahit nakaupo lang naman siya habang nasa biyahe kanina.
Habang nakahiga ay napagmasdan niya ang kabuuan ng silid. Simple lang ito pero malinis at maayos naman. Sabagay, nasa malayong probinsiya naman sila kaya hindi niya kailangang mag-expect ng sobrang gandang hotel. Ang importante ay may maayos silang matutulugan ngayong gabi.
Ilang saglit din siyang nakahiga. Mamaya pa ay bumangon siya nang marinig ang tunog ng doorbell.
Binuksan niya ang pinto at tumambad sa kanya ang roomboy na may dalang isang tray ng pagkain.
Nakangiting nagsalita ang roomboy. "Dinner n'yo po, ma'am."
"Pakilagay na lang diyan sa loob." Naalala niyang sinabi nga pala no'ng receptionist na may free dinner sila.
Nang makaalis na ang roomboy ay muli niyang ni-lock ang pinto.
Ano na kaya ang ginagawa ni Jerimie sa kabilang kuwarto? Siguro kumakain na 'yon, naisip niya.
Nagpasya siyang maligo muna. Kinuha niya ang tuwalyang nakita niyang nasa gilid ng kama kanina. Hinubad niya ang suot na damit at agad na nagtungo sa banyo.
Ang sarap ng dampi ng maligamgam na tubig sa kanyang pagod na katawan. Parang gusto yata niyang magbabad. Nag-umpisa siyang magsabon ng buong katawan. Isinunod niya ang pagsha-shampoo ng buhok. Siniguro niyang matatanggal lahat ng dumi at alikabok na dumikit sa kanyang buhok at balat. Okay na rin ang hotel na ito dahil may toothpaste at sealed toothbrush rin sa banyo.
Nagbanlaw siyang mabuti bago lumabas sa banyo nang nakatapis lang ang tuwalya sa kanyang katawan.
Napakapresko ng pakiramdam niya. Sinipat pa niya ang sarili sa salamin na nasa isang bahagi ng silid. Kailangan na niyang magbihis para makakain na siya at makapagpahinga.
Bigla siyang natigilan. Naalala niyang nasa sasakyan nga pala ang bag kung saan nakalagay ang kanyang mga damit. My God! Tumitili ang kanyang isip. Paano siya makapagpapalit ng damit? Bakit ba kasi hindi niya naalalang wala siyang dalang damit pagpasok sa hotel na ito. Kailangan niyang kumuha ng damit sa sasakyan. Pero hindi siya puwedeng pumunta sa parking area nang nakatapis lang ng tuwalya!
Haaay!
Kinuha niya ang cell phone sa bulsa ng hinubad niyang pantalon upang tawagan si Jerimie. Pagkatapos ng ikalawang ring ay narinig niya ang boses nito.
"Miss mo na agad ako?" sabi nito na hindi niya alam kung seryoso ba o nagloloko lang.
"Ano ka? Hindi, 'noh!"
"Eh, ba't mo ako tinawagan?"
"Puwede ka bang pumunta sandali sa kuwarto ko?"
"Huh? Bakit? Ikaw, ha! May balak ka, 'no?"
"Sira! Basta pumunta ka rito. Sandali lang. Please..."
"Okay, sige. Papunta na ako."
Ilang saglit lang pagkatapos nilang mag-usap ay narinig na niya ang tunog ng doorbell.
Kapwa pa sila nagkagulatan nang buksan niya ang pinto. Bumulaga sa harapan niya si Jerimie na bagong paligo na rin at iba na ang suot na damit. Napakaguwapo nito sa suot na fitted light blue t-shirt at khaki cargo shorts. Kung guwapo na ang tingin niya rito kanina, mas gumuwapo pa ito ngayon.
Si Jerimie na may hawak na plastic bag ay titig na titig rin kay Cheska. "Are you seducing me?"
"Buang! Pumasok ka nga rito." Hinila niya ito papasok sa kuwarto sabay lock sa pinto.
"Ate, 'wag po! Huwag po, ate!" Kunwari'y takot na takot ito.
"Nakakainis ka naman, eh."
"Bakit kasi ganyan ang itsura mo? Magbihis ka nga!"
"Bakit kasi hindi mo ako sinabihan na kukuha ka pala ng damit? Sana tinawagan mo ako o pinuntahan dito."
"Pinuntahan kita. Nag-doorbell ako. Pero walang nagbukas ng pinto so I assumed na tulog ka or naliligo kaya hindi mo narinig ang doorbell," paliwanag ni Jerimie. "But don't you worry, I brought clothes for you." Itinaas pa niya ang kamay na may hawak na plastic bag.
"Binuksan mo ang bag ko?"
"No! Why will I do that?"
Napahiya na naman siya pero keri lang. "Eh, ano 'yan?"
"My t-shirt and a boxer shorts. Baka gusto mong isuot. Anyway, pantulog lang naman."
Umiling si Cheska. "I can't wear that boxer shorts."
"Why?"
"I can't wear that without wearing a panty first," hiyang-hiya niyang sabi.
"Wala kang suot na panty? Bakit hindi ka nagpa-panty?" Pinipigil ni Jerimie na matawa.
"Jerimie!" Gusto na niyang sakalin ito.
"Okay, kukunin ko na lang sa sasakyan 'yong travelling bag mo. Sayang naman itong damit ko. Willing naman akong ipahiram 'to sa'yo."
"Salamat, pero kakailanganin ko rin ng damit na isusuot bukas kaya mas mabuti pa talaga na kunin mo na lang sa sasakyan ang gamit ko. Please?" Ginawa niyang malambing ang kanyang tono.
"I still need to give this thing to you." Dinukot ni Jerimie sa plastic bag ang isang maliit na pakete at iniabot kay Cheska.
"Ano ito?" Ininspeksyon niya ang balot ng pakete. "Disposable panties?!"
"Binili ko sa convenience store diyan sa labas. Kasi nga naisip kong baka hindi mo isuot ang boxer shorts ko kung wala niyan."
Napahanga siya kay Jerimie. Nag-effort pa talaga ito para ibili siya ng disposable panties?
"Sana pala dinala ko na lang iyon kanina. Ang balak ko kasi, itong damit ko na lang ang isuot mo tonight tapos bukas na lang tayo kukuha ng damit mo sa sasakyan. Anyway, hintayin mo ako rito, kukunin ko lang ang bag mo." Binuksan nito ang pinto at naglakad papunta sa elevator.
Naiwan sa kuwarto si Cheska na giniginaw sa tapis niyang tuwalya.
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
HumorSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...