Chapter 32

10.3K 256 52
                                    

MAINIT ang ulo ni Gordon. Hindi niya inaasahang tatanggihan siya ni Maddy. Kitang-kita niya na nagulat ito sa nakitang mga larawan pero bakit parang balewala lang dito at hindi pumayag na makipagtulungan sa kanya? Ibang klase talaga ang babaeng iyon. Napakahirap malaman kung ano ang laman ng isip ng Maddy na 'yon.

Bumalik sa isip niya ang huling pinag-usapan nila ni Maddy kaninang tanghali.

"Do we have a deal?" tanong niya sa kausap.

"What deal? Iyong guguluhin natin ang relationship ni Jerimie sa kung sino mang babaeng ito?" Itinaas ni Maddy ang hawak na litrato.

"Oo," mabilis niyang tugon. "Para sa kapakanan mo."

Tumawa nang malakas ang babae. "Baka para sa'yo. Ako pa talaga ang ginawa mong dahilan? Eh, halata namang gusto mong makuha ang partisipasyon ko para kung magtagumpay ang balak mo, makukuha mo naman iyong babae ni Jerimie. Tama ako, hindi ba?" Muling tumawa nang malakas si Maddy.

"Balewala sa'yo na maagaw ni Cheska si Jerimie?" hindi makapaniwalang tanong ni Gordon.

Nagkibit-balikat ang babae.

"Bakit? Ama siya ng anak mo."

"Pero hindi ko siya asawa."

"Exactly! Papayagan mong agawin ng ibang babae ang ama ng anak mo? Paano na ang sustento mo?"

Isang malakas na tawa ang isinagot ni Maddy at saka nagtanong, "Bakit mo ba pinoproblema ang sustento ko? Alam mo kung may gusto kang gawin, ikaw na lang ang gumawa. Huwag mo na akong idamay. Kaya kong gawan ng solusyon ang mga problema ko."

"Eh, kung sabihin ko kay Jerimie ang nangyari sa atin?" pananakot ni Gordon.

Hindi man lang kinakitaan ni katiting na takot si Maddy. "Go ahead. Sabi ko nga sa'yo, hindi ko siya asawa. Kung gusto mong magsumbong, sasamahan pa kita kay Jerimie. Now, kung wala ka nang sasabihin, makaaalis ka na."

Akala talaga niya ay mapapapayag niya si Maddy sa mga plano niya. Hindi niya inakalang matigas pala talaga ang ulo ng isang iyon. Anyway, hindi pa naman katapusan ng mundo para sa kanya. Puwede naman siyang dumiretso kay Cheska. Kung hindi pa alam ni Cheska na may anak si Jerimie, kahit paano ay malalagyan niya ng konting lamat ang tiwala nito sa nobyo.

NAKAHIGA na sa kama si Cheska. Pagod siya pero masaya. Napakasaya. She has never been this happy. Tama ang mga kaibigan niya afterall. Masaya at masarap ma-in love. Sana lang laging ganito. Alam din naman niya na maraming malulungkot na kuwento ng pag-ibig. Hindi lahat ay fairy tale na may happy ending. Pero itong sa kanila ni Jerimie, gagawin niya ang lahat na tumagal ng lifetime.

WEEKEND bonding na naman nilang magkaibigan. This time sa bahay naman ni Portia sila nagkita-kita. Silang apat lang. Hindi kasali ang kanilang mga boyfriend.

Habang busy sa paghahanda sa kusina si Portia ay nagkukuwetuhan naman sina Cheska, Mariel at Kenly.

"Ano, naitanong mo na ba sa boyfriend mo 'yong sinabi ko sa'yo?" untag sa kanya ni Mariel na ang tinutukoy ay ang nakita niyang kasamang babae ni Jerimie sa mall.

"Oo, nasabi na niya sa akin. Kilala ko iyong babae. Hindi niya girlfriend iyon at wala siyang any romantic involvement doon," matapat niyang sagot sa kaibigan.

"Mabuti kung ganoon. Gusto ko lang naman na huwag dumating ang punto na niloloko ka na pala, wala ka pang kaalam-alam. Masakit iyon," sabi pa ni Mariel.

"True!" tili ni Kenly. "Hindi tayo dapat papayag na lokohin ng mga lalaki. Pero maiba ako, nalaman mo na rin ba ang sagot doon sa isang tanong namin sa'yo?"

Alam na niya kung ano ang tinutukoy ni Kenly.

"Hindi pa."

"Napakahina mo naman. Aalamin mo lang naman."

"Huwag na nga kasi. Hindi naman kasi importante sa akin iyon. Basta sabi niya, malaki raw so, paniniwalaan ko na lang kung anong sinabi niya."

"Girl, maganda kung ikaw mismo ang makakakita. Para alam mo kung totoo ba?"

"Huwag n'yo nga akong i-pressure," reklamo niya.

"O, sige no pressure. Basta when the right time comes, grab the opportunity and after that mag-share ka naman ng kuwento sa amin." Ayaw talagang paawat ni Kenly. "By the way, umuwi ng province si Gordon. Bibisitahin lang daw niya iyong business niya roon. Pero babalik daw siya at pagbalik niya, mayroon daw siyang pasabog."

"Anong pasabog?" curious na tanong ni Mariel.

"Ewan ko. Wala akong idea," sagot ni Kenly. "Ikaw, Cheska may alam ka ba?"

"Wala. Ang kulit ng lalaking 'yan. Binasted ko na nga, ayaw pang tumigil."

"Sorry na, teh. Kung hindi namin siya kinontak eh, 'di sana nananahimik siya sa probinsiya nila. Napansin ko nga na parang nag-iba ang ugali niya kumpara sa ugali niya noong college. Iyong dating sobrang tahimik, ngayon naman over confident to the point na parang ang yabang-yabang." Si Kenly.

"Kain na muna tayo," sigaw ni Portia mula sa kusina. "Pumunta na kayo rito."

NANG mga oras na iyon ay naroon naman si Jerimie sa bahay ni Maddy para dalawin si Zinnia. Magkatabi silang nakahiga sa kama at binabasahan niya ng children story ang paslit. Si Gina naman ay nasa katabing kama at nagtutupi ng mga damit niyang bagong laba.

"Daddy, why don't you just live here with us?" biglang tanong ni Zinnia na bahagyang bumangon pa para matingnan siya sa mukha.

"This is your mom's house. I have my own house so I live there," kaswal niyang sagot na akala mo'y matandang tao ang kausap. Naguluhan tuloy ang bata.

"You are my dad, why can't you live here even if this is mom's house?" matalinong pag-aanalisa nito na hindi inaalis ang tingin kay Jerimie at hinihintay ang isasagot niya.

"You will not understand even if I'll explain it to you. Kapag malaki ka na, maiintindihan mo rin ang lahat ng mga gusto mong malaman ngayon," paliwanag niya rito.

Napakamot na lang sa ulo si Zinnia at saka muling humiga sa tabi ng ama.

Biglang tumunog ang cellphone ni Jerimie kaya siya naman ang bumangon. Nang tingnan niya kung sino ang tumatawag ay nakita niya sa screen ang pangalan ni Elsa.

Sinenyasan niya si Zinnia na sasagutin lang niya ang tumatawag at saka lumabas sa silid. Doon ay nag-aalangang sinagot niya ang telepono.

"Hello? Kumusta?" kaswal niyang bati rito. "Napatawag ka..."

"Hi, Jerimie. Okay lang naman ako. Eto, pinipilit tanggapin na ayaw mo sa akin. But don't worry, I'm fine. Well, trying to be fine," malungkot nitong sabi.

"Bakit ka tumawag?" Inulit niya ang tanong.

"Nami-miss lang kita... Gusto ko lang marinig ulit ang boses mo. Hindi naman bawal iyon, 'di ba?" Biglang naging malambing ang boses nito.

"Ah, hindi naman. Wala namang problema," sagot niya.

"Luluwas ako sa Maynila, next week. Puwede ba tayong magkita? Please..."

Napalunok si Jerimie.

Tall, Daks and HandsomeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon