NAGMAMADALING nag-doorbell si Cheska. Hindi naman nagtagal at bumukas ang pinto.
"Helloooo!!!" Ang masayang mukha niya ay napalitan nang pagkagulat nang makita kung sino ang nagbukas ng pinto. Nakangiti sa kanya ang lalaki na pamilyar sa kanya ang itsura. Pilit niyang inalala kung sino ito at kung saan sila nagkakilala dahil sigurado siyang kilala niya ito.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang sa wakas ay maalala niya kung sino ang lalaking buong tamis na nakangiti sa kanya.
"Gordon? Gordon Almendral?!"
"I'm glad hindi mo pa ako nakakalimutan." Mas lalo pang lumapad ang ngiti nito.
"Anong ginagawa mo rito? Bakit ka nandito?" nagtatakang tanong niya.
"Pumasok ka muna." Nagbigay ito ng daan.
Pumasok si Cheska, kasunod si Jerimie.
"Surprise!" sabay-sabay na sigaw nina Kenly, Mariel at Portia. Pero mas sila ang nasorpresa nang makita ang lalaking kasama ni Cheska.
"Sino siya?" agad na tanong ni Kenly.
Ang mga mata ni Portia ay nagtatanong din.
Si Mariel naman ay titig na titig kay Jerimie na tila ba sinisino ito. Hindi siya maaaring magkamali, nakita na niya ang lalaking ito. Saan nga ba? Kinalkal niya sa kanyang utak kung saan nga ba niya nakita dati si Jerimie.
Kalmado lang si Jerimie. Pero hindi niya maintindihan kung bakit titig na titig sa kanya ang isang kaibigan ni Cheska.
"Guys, I want you all to meet Jerimie, boyfriend ko." Matamis na matamis ang pagkakangiti niya habang ipinakikilala sa mga kaibigan ang lalaki.
"WHAT?! Boyfriend mo siya?" sabay-sabay na tanong ng kanyang tatlong kaibigan. Bawat isa ay nakarehistro sa mukha ang pagkagulat.
Si Gordon naman ay tila nalungkot nang sobra. Ano ba ang nangyayari?
Takang-taka si Cheska sa reaksyon ng tatlo. "Bakit? Para namang hindi na ako puwedeng magka-boyfriend. Ang OA n'yo, ha?"
"Eh, kasi..." Hindi naituloy ni Kenly ang sasabihin. Napatingin na lang ito kay Gordon.
At saka lang napansin ni Cheska na parang biglang natahimik si Gordon.
At nalungkot?
"Ano bang meron? Bakit parang dismayado kayo na may boyfriend na ako?" naguguluhang tanong niya. Si Jerimie ay nagmamasid lang. Hindi rin niya masakyan pa ang mga kaganapan.
"Ganito kasi 'yon, Cheska." Si Portia na ang nagpaliwanag. "Nandito si Gordon dahil gusto ka niyang ligawan."
Napanganga si Cheska, nanlaki ang mga mata niya. Tapos ay napatingin siya kay Jerimie at huling-huli niyang naningkit ang mga mata nito at bahagyang nagsalubong ang kilay.
"Naku! Hindi na puwede. Hindi na ako nagpapaligaw. May boyfriend na ako." Humawak pa siya sa braso ni Jerimie.
"So, hindi na talaga kita puwedeng ligawan? Hindi pa naman kayo mag-asawa," sabi ni Gordon.
"Respeto sa relasyon namin, bro. May boyfriend na nga, papasok ka pa." Seryoso ang boses ni Jerimie. Pati sa mukha nito ay makikita mong tila apektado sa sinabi ni Gordon.
"Kenly, aalis na ako. Mariel, Portia..." paalam nito.
Napatango na lang si Kenly. Si Mariel at Portia naman ay hindi na sumagot dahil diretso nang lumabas ng pinto ang lalaki.
"Maupo nga kayo. May food tayo sa mesa, kain na muna kaya tayo," alok ni Portia. "Jerimie, kumain ka muna."
Hinila ni Kenly si Cheska sa isang sulok at kinausap. "Girl, saan mo nahukay 'yan? Ang guwapo!"
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
HumorSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...