INIWAN ni Cheska si Jerimie sa kusina at mabilis na pumanhik sa hagdan papunta sa kanyang silid. Nagkulong siya sa kuwarto. Wala siyang planong ubusin ang buong maghapon sa pakikipagdebate kay Jerimie tungkol kay Elsa.
Pero hindi pa siya nagtatagal sa loob ng kuwarto ay nakarinig na siya ng sunod-sunod na katok.
"Cheska..."
Hindi siya sumagot. Pinabayaan niya lang ito para kusa na ring umalis.
Ngunit kumatok lang ulit si Jerimie kasabay ang pagtawag sa kanya. "Cheska, galit ka ba? Buksan mo naman ang pinto. Mag-usap tayo."
Naiinis na tumayo siya at binuksan ang pinto.
"Bakit?" singhal niya kay Jerimie na ikinagulat nito.
"Galit ka ba sa akin?"
"May dahilan ba para magalit ako?"
"Hindi ko alam," sagot ni Jerimie kasabay ang pag-iling. "Kaya nga tinatanong kita. Para kasing na-badtrip ka kanina habang nag-uusap tayo."
"Pagod lang ako, gusto kong magpahinga."
"Kagigising mo lang, ah. Kumain ka lang, napagod ka na?"
"Okay, itatama ko, ha? Umalis ka na. Gusto kong mapag-isa."
"Ahhh..." Napatango na lang si Jerimie. "Sige, nasa room lang din ako---"
Isinara ni Cheska ang pinto at hindi na hinintay na matapos ang sinasabi ng kausap.
Wala nang nagawa si Jerimie kundi umalis at magpunta na lang sa kanyang silid. Ang mga babae talaga, ang hirap ispelengin!
Bago magtanghali ay lumabas ng silid si Jerimie para maghanda ng pananghalian. Nagulat pa siya na nasa kusina na si Cheska at abalang nagluluto.
"Hindi mo ako tinawag. Sana natulungan kita."
"Madali lang naman ito. At saka, ikaw na lang lagi ang nagluluto. Nakakahiya na sa'yo," sagot niya habang hinahalo ang nilagang baka sa kaserola.
Sumilip si Jerimie sa niluluto niya. "Wow! Nilagang baka. Mapaparami ang kain ko nito," natatakam nitong sabi.
"Paborito mo?" tanong ni Cheska. Sa wakas ay nakita ni Jerimie na ngumiti ang dalaga. Senyales ba ito na okay na ulit sila? Sana...
"Oo, medyo matagal na nga akong hindi nakakakain ng nilagang baka."
"Eh, 'di sulitin mo na ngayon. Sana lang magustuhan mo."
Matagal na kitang gusto. Iyon ang naglalaro sa kanyang isip, pero iba ang lumabas sa kanyang bibig. "Magugustuhan ko 'yan. Ikaw ang nagluto, eh."
"Owws? Hindi mo naman alam kung marunong ba akong magluto," sabi ni Cheska.
"Hindi ka naman siguro magluluto niyan kung hindi ka marunong," sagot naman ni Jerimie. "At saka madali lang naman remedyuhan ang nilaga. 'Pag maalat, dagdagan ng sabaw. 'Pag matabang, dagdagan ng patis o asin. Ganoon kasimple."
"Luto na ito. Maghahain na ako para makakain na tayo," excited na sabi ni Cheska.
"Pwede ba tayong mag-grocery mamaya? Para makabili na tayo ng food for next week. At saka bili na rin tayo ng food na share natin sa outing bukas."
Napatingin siya kay Jerimie, tapos ay nagsalita. "Sige, ikaw ang bahala."
Nginitian siya ng lalaki. "Teka, tutulungan na kitang maghain."
BANDANG HAPON na nang mag-grocery sina Cheska at Jerimie. Namili na rin si Cheska ng mga regalo para sa mga volunteer na ibibigay niya sa mga ito bago sila bumalik ng Maynila. Malaking tulong ang ibinigay ng mga volunteer nila at kahit sa munting regalong ito ay mapasaya nila ang mga taong hindi nagdamot ng oras para tulungan ang iba.
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
UmorismoSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...