"GORDON! Ikaw nga! Saan ka nahagilap ng baklang 'to?" tanong ni Portia. "What do you do now? Wala na kaming naging balita sa'yo after college."
"Siyempre, saan pa eh, 'di sa social media. Wala siyang facebook account, pero meron siyang instagram. Later on, nalaman ko na kaya pala wala siyang personal facebook account, kasi facebook page ang ginawa niya para sa kanyang business." Si Kenly ang sumagot sa tanong.
"Umuwi kasi ako ng probinsiya and put up a small advertising business sa Cebu," dugtong ni Gordon. "At the same time, nagtuturo ako sa college."
"Binibiro ko nga siya na baka dumami ang mag-enrol sa Masscom sa school dahil gusto siyang maging professor," sabi naman ni Kenly. "Nakaka-inspire kayang magkaroon ng prof na kasingguwapo ni Gordon, 'di ba?"
"So, alam na ba niya kung bakit mo siya hinanap?" tanong naman ni Mariel.
"Idinetalye ko na, girl. Alam na niya. And guess what! Interesado siya sa alok natin dahil until now crush pa rin niya si Cheska."
"Naitago mo 'yan ng ganyan katagal?" hindi makapaniwalang tanong ni Portia. "Sa guwapo mong 'yan, hindi ka man lang nag-attempt na sabihin kay Cheska na crush mo siya?"
"Alam n'yo namang last semester na sa college noong naging magkaklase tayo. Natorpe pa ako. Kaya hindi ko na nasabi kay Cheska na gusto ko siya," pag-amin ni Gordon.
"Hindi bale, bumawi ka ngayon. Pagbalik ni Cheska from La Union ligawan mo na kaagad. Don't worry, naka-back up lang kami sa'yo." Nagboluntaryo na ng kanyang suporta si Kenly. "Gusto na rin kasi naming magka-boyfriend si Cheska."
"Maraming salamat sa inyo. Huwag kayong mag-alala, hindi ko lolokohin ang kaibigan n'yo kapag naging girlfriend ko siya," pangako pa nito sa tatlong kaibigan ni Cheska.
MATUTULOG na si Cheska nang makatanggap siya ng tawag kay Kenly.
"Girl, bumalik ka na rito sa Maynila. May surprise kami sa'yo!" excited na pagbabalita ni Kenly sa kaibigan.
"Bakla, mag-a-alas dose na ng hatinggabi. Tumawag ka pa para lang sabihan akong bumalik na ng Maynila? Eh, next week pa nga matatapos itong project namin dito."
"Excited na kasi ako. At saka, wala namang pasok bukas so okay lang na magpuyat," pagrarason pa nito. "At saka nami-miss na kita, 'noh! Kaya pagbalik na pagbalik mo rito, makipagkita ka kaagad sa amin."
"Oo naman. Kasi, hindi lang naman kayo ang may sorpresa sa akin. May sorpresa rin ako sa inyo," pagbabalita pa niya.
"Ano iyon?" Biglang na-curious si Kenly sa sinabi ni Cheska. "Sabihin mo na ngayon. Bilis!"
"Ano ka? Kaya nga sorpresa, 'di ba? Hindi na surprise iyon kung ngayon pa lang ay sasabihin ko na," pambibitin pa niya sa kausap.
"O, sige. Hihintayin ko na lang na makabalik ka ng Manila." Wala nang nagawa si Kenly para pilitin pa si Cheska.
"Goodnight, girl. Salamat sa pagtawag." Tinapos na niya ang pag-uusap nilang dalawa.
ALAS-OTSO na siya nagising kinabukasan. Pagbaba niya sa kusina ay nakita niya sa salas sina Jerimie at Elsa na nag-uusap.
"Good morning, Cheska! Gising ka na pala. Mag-breakfast ka na. May pagkain doon sa mesa sa kusina." Ang masayang ngiti ni Jerimie ang mas napansin niya kesa sa sinasabi nito. Okay na sanang magandang panimula sa umaga niya. Pero nang makita niyang naroon din si Elsa ay parang nag-iba ang timpla niya. Ang aga-agang mangapitbahay ng kapitanang ito. Wala ba itong ibang pinagkakaabalahan sa buhay?
"Hi, Cheska! Dumaan ako saglit dito kasi yayayain ko sana kayo bukas para sumama sa picnic namin ng mga barangay officials. May falls na malapit lang dito. Puwedeng mamasyal, puwede ring maligo." Nakangiti sa kanya si Elsa pero napaplastikan siya sa ngiti nito. "Isama mo na rin 'yong ibang volunteers mo para mas masaya tayo."
Kahit ayaw niya ay napilitan siyang suklian ang ngiti ng barangay captain. "Sige, pag-usapan n'yo ni Jerimie. Pero hindi yata makakasama ang mga volunteer kasi nagpaalam sila sa akin kahapon na may gagawin sila ngayong weekend."
"Ah, okay lang. Tayo-tayo na lang..."
Tinanguan na lang niya ang babae at tumuloy na siya sa kusina.
Nakita niya ang pagkaing nakahain sa mesa na natatakpan ng pinggan. Tiningnan niya kung ano ang mga iyon.
Heavy breakfast, nakita niya. Fried rice at pork steak na maraming toppings na sliced onions.
Bigla siyang natakam kaya agad siyang kumuha ng pinggan at kubyertos para kumain. Nagtimpla rin siya ng kape. Hindi na niya pinansin ang dalawang nag-uusap sa salas. Bahala na sila roon, sa isip niya. Basta kakain lang siya rito sa kusina.
Hindi pa siya natatapos kumain ay pumasok sa kusina si Jerimie. "Masarap ba?" tanong nito.
Tumango siya. "Masarap. Sanay na sanay ka talagang magluto, ah. Pati friend rice mo parang gawa sa mamahaling restaurant," puri niya kay Jerimie at sa luto nito. Muli siyang sumubo kahit may laman pa ang kanyang bibig.
"O, dahan-dahan lang. Wala namang aagaw sa'yo. Puwede mong ubusin lahat 'yan kung gusto mo." Nakita niyang nagpipigil ito sa pagtawa.
"Anong nakakatawa?" Pumormal siya sa lalaki. Nakita niyang bigla ring sumeryoso ang itsura nito.
"Ha? W-wala naman. Natutuwa lang ako na nagustuhan mo ang luto ko. Akala ko kasi light meal lang ang gusto mo for breakfast. Masaya lang talaga ako..." Hindi nito tinapos ang sasabihin.
"Anong napagkasunduan n'yo ni Kapitana?" kapagkuwa'y tanong niya para maiba na ang usapan.
"Ayun nga ini-invite niya tayo na sumama sa kanila sa outing bukas. Sunday naman. Para makapag-relax din. Malapit lang naman daw iyong lugar. Aalis nang maaga rito, tapos babalik din bago gumabi."
"Pumayag ka?"
"Oo... Naisip ko nga kasi na wala rin tayong time para umikot man lang dito sa La Union, so good chance na rin iyon para makapasyal tayo rito," sagot niya. Tapos ay bigla siyang nagtanong na parang nag-aalangan sa isasagot ni Cheska. "Bakit? Ayaw mo ba?"
"Hindi naman. Papasyal lang pala, eh. At maliligo, 'di ba?"
Tumango si Jerimie. "Oo..."
Tinapos niya ang pagkain. Muli niyang tinakpan ang natirang pagkain sa mesa at tumayo na para dalhin sa lababo ang pinagkainan niya. Binuksan niya ang gripo at hinugasan ang plato at kubyertos na ginamit niya.
"Puwede naman tayong hindi sumama, kung ayaw mo..."
"Sinabi ko bang ayaw ko?" tanong niya sa kausap nang hindi tumitingin dito. Binanlawan niya ang kutrasa't tinidor at ibinalik sa lalagyan. Ganoon din ang ginawa niya sa plato.
"Galit ka ba kay Elsa?" biglang tanong ni Jerimie na ikinagulat niya. Napaharap tuloy siya rito.
"Bakit ako magagalit sa kanya?"
"Napapansin ko kasi, parang ayaw mo sa kanya. Ewan ko. Hindi ko exactly maipaliwanag. Pero parang nararamdaman ko na hindi mo siya gusto for whatever reason."
"Pakiramdam mo lang 'yon. Hindi naman sa lahat ng oras ay tama ang pakiramdam ng isang tao," argumento pa niya.
"Mabait naman si Elsa. Noong sumabay siya sa akin pagluwas ng Manila, marami kaming napag-usapan habang nasa biyahe. At mukha namang okay siya. Hindi naman siya pagtitiwalaang iboto ng mga tao rito kung masama ang ugali niya," sabi pa ni Jerimie.
Nanlaki ang mga mata ni Cheska. "Sumabay siya sa'yo papuntang Maynila?"
"Oo, um-attend kasi siya sa kasal ng kaibigan niya. Sabay din kaming bumalik dito kagabi," kaswal na pagkukuwento nito.
"Wow, ha!" Hindi makapaniwalang sabi ni Cheska. "Kaya naman pala at home na at home na kayo sa isa't isa."
"Grabe ka naman... Huwag ka nang magselos. Hindi naman kita ipagpapalit doon. Ako ang boyfriend mo, 'di ba?"
"Excuse me! Hindi ako nagseselos. At hindi kita boyfriend. Magiging dummy boyfriend lang kita, kaya malaya kang ligawan si Elsa kung gusto mo siya!" Tinaasan niya ng kilay ang lalaki. "Pero kung ngayon mo na siya liligawan, hindi na natin puwedeng ituloy ang usapan nating dalawa. Ayoko naman na ipakikilala kitang boyfriend sa mga kaibigan ko tapos may iba ka pang girlfriend. Eh, baka mabisto pa tayo at lumabas ang totoo na ganito ako kadesperada para bumayad ng lalaking magpapanggap na boyfriend ko!"
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
HumorSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...