MINABUTI ni Cheska na umikot na lang sa paligid ng falls. Kesa naman panoorin niya ang landian nina Elsa at Jerimie, mas okay siguro kung libangin na lang niya ang sarili sa magandang tanawin sa lugar na iyon. Dala ang kanyang cellphone ay nilibot niya ang lugar.
Naaliw naman siya sa paglilibot. Kasabay niyon ay kinunan niya ng litrato ang mga magagandang view na tumawag sa kanyang atensyon. Pati ang isang langkay ng mga ibon na lumilipad sa himpapawid ay nakunan niya rin ng litrato. May nakasalubong pa nga siyang grupo ng mga kabataan na patungo rin sa talon. Kapag napapagod na siya ay saglit siyang humihinto upang magpahinga. Hindi na niya namalayan ang oras kung hindi pa tumunog ang kanyang telepono.
Tumatawag si Jerimie.
"Hello? Nasaan ka?" tanong nito.
"Umikot lang, bakit?"
"Pumunta ka na rito. Kakain na tayo."
"Sige..." Naglakad na siya pabalik sa cottage. Naabutan niya ang mga kasamahan na kumakain na. Si Jerimie ay hindi pa kumakain, tila hinihintay pa siya. Si Elsa ay katabi nito at hindi pa rin kumakain.
"Saan ka ba galing, Cheska? Kanina ka pa namin hinahanap?" bungad sa kanya ng kapitana.
"Umikot lang ako, namasyal. In-enjoy ang paligid," kaswal na tugon niya rito.
Hindi nakaligtas sa kanya ang pag-irap ni Elsa. "Kain na nga tayo, Jerimie. Kanina pa ako nagugutom." Hinawakan nito sa kamay ang binata at hinila papunta sa mga nakahaing pagkain sa mesa.
"Halika na, Cheska... Sabay-sabay na tayo," yaya sa kanya ni Jerimie.
Hindi siya sumagot. Pero dahil nakararamdam na rin siya ng gutom ay lumapit na rin siya sa mesa para kumuha ng pagkain.
Inabutan siya ni Jerimie ng kutsara at tinidor. Hawak nito ang isang plato. "Eto, o. Ano'ng gusto mo? Ikukuha kita ng pagkain."
"Huwag na, ako na lang..."
"S-sige... Eto ang plato mo..." Inabot sa kanya ng binata ang hawak na plato.
"Eto ang food mo, Jerimie. Ikinuha na kita." Ang ngiti ni Elsa ay abot tenga na naman habang iniaabot dito ang platong puno ng pagkain.
"Salamat, nag-abala ka pa."
"Naku, wala 'yan. Maliit na bagay... Dito na tayo umupo, wala nang bakante doon, eh." Ang puwestong sinasabi ni Elsa ay kasya lang sa dalawang tao.
"Walang mauupuan si Cheska," tutol ni Jerimie.
"Doon na lang siya sa tabi ni Lourdes. May space pa roon," malambing na sagot ni Elsa.
"Oo nga naman, Jerimie. Kumain na kayo riyan. Puwede naman ako kahit saan. 'Di naman ako maarte." Diniinan niya ang pagsabi ng salitang maarte.
Kumuha na siya ng pagkain at umupo sa tabi ni Lourdes. Kahit masarap ang pagkain ay hindi siya nag-enjoy. Hindi rin yata siya nabusog. Paano siya mabubusog kung nakikita niyang halos subuan na ni Elsa si Jerimie? Hindi na nakapagpigil ang hitad na kapitana. Inilabas na talaga ang nakatagong kati sa katawan. Hindi na nahiya sa mga kasama nilang opisyal din ng barangay.
GABI na sila nakauwi pagkagaling sa Tangadan Falls. Pagdating ng bahay ay kaagad na hinugasan ni Cheska ang mga pinaglagyan nila ng pagkain at saka siya nag-shower.
Katatapos lang niyang magbihis nang kumatok sa kuwarto niya si Jerimie.
"Bakit?" tanong niya rito nang buksan niya ang pinto.
"Anong gusto mong dinner? Maghahanda ako ng makakain natin."
"Pagod ako. Gusto ko nang magpahinga. Hindi na ako kakain ng hapunan, busog ako," diretso niyang sabi sa binata. "Kung gusto mong kumain, magluto ka na lang ng para sa'yo."
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
HumorSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...