INIHATID ni Jerimie si Elsa sa bahay ng pinsan nito sa Sampaloc, Manila malapit sa isang sikat na pamantasan. Ipinarada niya ang sasakyan malapit sa gate.
"Maraming salamat, Jerimie. Sobrang naabala kita pero thankful talaga ako," sabi ni Elsa bago ito bumaba mg sasakyan.
"Alam naman ng pinsan mo na darating ka ngayon, 'di ba?" tanong niya.
"Oo," sagot nito. Nasulyapan nito na may isang babaeng nagbukas sa gate. "Ayan na siya." Napalingon si Jerimie sa gate.
"Salamat ulit!" Bumaba na ito ng sasakyan bitbit ang knapsack nitong dala.
Kumaway pa si Elsa sa kanya nang simulan niyang paandarin ang sasakyan. Tinanguan niya ito bilang sagot sa pagkaway nito.
Mabilis niyang pinatakbo ang sasakyan patungo sa Quezon City. Habang nasa daan ay tumunog ang kanyang cellphone. Tumatawag si Maddy. Ito rin ang tumawag sa kanya kanina kaya nga nagmamadali siyang bumiyahe pabalik ng Manila. As usual, nagtatatalak na naman ang babae.
"Ano na? Hanggang ngayon wala ka pa rin dito. Saan ka ba nagpupupunta? Inuuna mo pa ang mga walang kuwentang bagay kesa sa anak mo." Nai-imagine niya ang itsura nito kung magkaharap sila. Sa isip niya ay naroon ang imahe ng isang babae na kulang na lang ay lunukin siya nang buo sa tindi ng galit.
"Malapit na ako riyan. Give me few more minutes," pinilit niyang maging kalmado kahit nagwawala na sa kabilang linya ang kausap niya.
"Anong oras na? Nakatulog na si Zinnia at nagising at nakatulog na ulit, pero wala ka pa rin. Sabihin mo lang kung wala ka nang balak magpakita rito para hindi umaasa ang anak mo!"
"Nandito na nga ako, malapit na. Ano pa ba ang ipinagpuputok ng butse mo?"
"Bilisan mo! Huwag mong pinapaasa ang mga tao rito." Walang balak tumigil sa pagtutungayaw si Maddy. "Napakairesponsable mo talaga!" nanggigigil na sigaw ng babae.
Bigla ang pag-akyat ng dugo sa kanyang ulo pero pinilit pa rin niyang maging kalmado. "Don't you dare accuse me of being an irresponsible father. You know for a fact that she is my utmost priority," malumanay pero madiin ang bitaw niya ng bawat salita kahit kanina pa niya gustong patulan ang katarayan ng kausap. "And let me remind you, kasalanan mo kung bakit siya nagkaganyan!"
"So, isisisi mo na naman sa akin ito. Sinasabi ko na nga ba at ibabalik mo na naman sa akin ang sisi para pagtakpan ang pagkukulang mo."
"Hindi kita sinisisi. Ipinaaalala ko lang sa'yo na ikaw ang rason kung bakit nagkaganyan si Zinnia."
"That's bullshit!"
Hindi na sinagot ni Jerimie ang kausap dahil dumating na siya sa pupuntahan. Ipinarada niya ang sasakyan at mabilis na pumasok sa loob ng ospital.
Diretso siyang naglakad patungong elevator. Sabi ni Maddy kanina, nasa Room 430 si Zinnia.
Paglabas ng elevator ay mabilis niyang hinanap ang room number. Nang makita iyon ay pumasok siya sa loob ng kuwarto.
Nakita niyang natutulog sa kama si Zinnia, ang tatlong taong gulang niyang anak. Tila isang walang malay na anghel ito sa kanyang pagkakahimbing. Sa isang bahagi ng kuwarto ay tila tensyonada si Maddy na nakatayo at may hawak na walang sinding sigarilyo. Halos uminit ang ulo niya sa nakita.
"Ngayon, sino ang iresponsable sa ating dalawa?" Mahina lang ang boses niya pero siniguro niyang maririnig siya ng babae. "For Christ's sake, Maddy! Dito mo pa talaga balak manigarilyo? Wala ka na ba talagang awa sa anak mo? Bakit ba siya ganyan? Bakit ganyan ang sitwasyon niya ngayon? Hindi ba dahil sa paninigarilyo mo noong ipinagbubuntis mo siya? Hindi ka na nagsawa kahihitit ng sigarilyo. Adik ka na, Maddy!"
Tiningnan lang siya ni Maddy mula ulo hanggang paa pagkatapos ay buong tapang siyang hinarap nito. "Sinindihan ko ba?"
Pagkasabi noon ay walang paalam itong lumabas ng silid.
Naiwan siya sa silid. Muli niyang pinagmasdan ang batang isang malaking bahagi ng kanyang katauhan. Twenty-two years old siya nang ipanganak ni Maddy si Zinnia. Pero kasabay ng pagsilang nito ay ang pagdating ng isang malaking problema na habang buhay niyang dadalhin.
Si Zinnia ay isang blue baby. Ipinanganak itong may congenital heart defect na kung tawagin ay pulmonary atresia. Sabi ng doktor, ang mga sanggol na may ganoong kondisyon ay hindi na-develop ang valve orifice at dahil sa saradong valve na ito, pinipigilan nito ang pagdaloy ng dugo mula sa puso papunta sa baga.
May mga maaari namang gawin ang mga doktor para mapahaba ang buhay ni Zinnia. Iyon nga lang, totoong magastos ang mga kakailanganing operasyon. Ilang araw pagkapanganak nito ay sumailalim na ito sa cardiac catheterization para malaman kung gaano kalala ang depekto ng puso. Kasunod noon ay sumailalim na si Zinnia sa isang operasyon na kung saan ay pinalitan ng mga doktor ang pulmonary valve at nilakihan ang daanan ng dugo papunta sa pulmonary artery to improve the blood flow. Sa awa naman ng Diyos ay nalagpasan ni Zinnia ang komplikadong operasyon na iyon. Pero hindi pa roon nagtatapos ang kalbaryo ni Zinnia. Regular siyang nagpapa-check up sa doktor para i-monitor ang kanyang kalusugan at upang maiwasan na rin ang paglala ng kanyang kondisyon. At dahil delikado ang kondisyon nito, ibayong pag-iingat at pag-aalaga rin ang dapat na ibigay kay Zinnia dahil ano mang oras ay puwede itong magkaroon ng komplikasyon at makaranas ng stroke at endocarditis at seizure.
Katulad ng nangyari dito ngayon!
Bumukas ang pinto ng silid at pumasok ang isang babaeng may dalang itim na bag.
"Gina, saan ka galing? Anong nangyari kay Zinnia?" tanong niya rito. Si Gina ang private nurse na kinuha niya para personal na mag-alaga sa kanyang anak.
"Sir, bigla na lang kasi siyang nag-seizure. Natakot kami ni Ma'am Maddy kaya dinala na agad namin siya rito sa ospital," paliwanag ni Gina. "Mabuti na lang at hindi grabe ang atake niya. Nagising na siya kanina bago ako umuwi para kumuha ng mga gamit. Mga tatlo o apat na araw pa raw si Zinnia rito para ma-monitor ng doktor ang kondisyon niya."
"Thank, God at walang masamang nangyari sa anak ko." Kahit paano ay nabawasan ang pangamba ni Jerimie.
"Sir, may sasabihin po sana ako..." May pag-aalangan sa mukha ni Gina. Tila ba nagdadalawang-isip ito sa gusto nitong gawin.
"Ano iyon?" tanong niya.
"Si Ma'am Maddy kasi..."
Naghihintay ng sasabihin ni Gina ang mukha ni Jerimie.
"Madalas siyang manigarilyo sa bahay. Kahit kasama niya si Zinnia, naninigarilyo pa rin siya. Minsan nakikita ko, nalalanghap ng bata ang usok na ibinubuga ni Ma'am. Nilalayo ko na lang si Zinnia, pero Sir Jerimie maapektuhan pa rin noon ang kalusugan ng bata. Hindi ko naman masabi kay Ma'am Maddy, alam n'yo naman na laging galit iyon," kuwento pa ni Gina.
"Hayaan mo, kakausapin ko si Maddy. Salamat sa pag-aalaga mo sa anak ko."
"Sir, trabaho ko ang alagaan si Zinnia. Napakabait niyang bata. Napakaganda pa. Naaawa nga ako sa kanya dahil sa kalagayan niya. Mabuti na lang at hindi n'yo siya pinababayaan."
NANG gabing iyon ay magdamag na nagbantay sa ospital si Jerimie. Kahit sandali ay hindi niya iniwan ang anak. Si Maddy, hindi na ito bumalik mula nang lumabas ito pagkadating niya sa ospital. Baka umuwi na ito nang hindi man lang nagpapaalam sa kanya. Sanay na siya sa ugali ng babaeng iyon. Si Gina naman ay pinayagan niyang matulog sa sofa na naroon sa kuwarto. At si Zinnia, mahimbing rin ang tulog ng kanyang anak. Bukas na niya ito makakausap.
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
HumorSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...