SAKAY ng kanyang kotse si Jerimie. Papunta siya sa opisina ni Cheska para sunduin ito. Kausap niya ito kanina bago siya bumiyahe. Usapan nilang tatawag siya ulit kapag nandoon na siya sa ibaba ng building kung saan nagtatrabaho ang dalaga.
Sa opisina ay naghahanda na si Cheska para umuwi. Alas-singko na. Isang grupo ng mga katrabaho niya ang dumaan sa puwesto niya.
"Sabay-sabay na tayong lumabas, Cheska. Maiiwan kang mag-isa rito," sabi sa kanya ni Pura.
"Sige, sasabay na ako. Sa ibaba ko na lang hihintayin 'yong sundo ko."
Nagtilian ang mga katrabaho niya. "Totohanan na ba 'yan? Aba, napasuwerte pala ang pagpunta mo sa La Union. Nagkaroon ka bigla ng lovelife," panunukso pa ni Pura.
Isang matipid na ngiti ang isinagot niya rito.
"Tara na!" sabi ulit ni Pura.
Dinampot niya ang kanyang handbag at lumabas na sila ng opisina. Pagdating sa ground floor ay nagpaalam na sa kanya ang mga kasama. "O, paano? See you tomorrow na lang. Ikumusta mo na lang kami sa boyfriend mo." Ayaw talagang paawat ni Pura sa pangungulit. "Bye!"
Kinawayan niya ang mga papaalis nang katrabaho.
Iginala ni Cheska ang paningin sa paligid. Napangiti ito nang makita ang paparating na kotse ng nobyo.
Pumara sa harap niya ang pulang Ford Focus ni Jerimie. Ibinaba nito ang bintana ng sasakyan at kumaway sa kanya. Sumenyas ito na pinasasakay na siya.
"Kanina ka pa ba riyan?" tanong nito nang makasakay na siya sa kotse.
"Hindi naman. Kabababa ko lang. Sumabay na kasi ako sa mga katrabaho ko dahil wala na akong kasama sa office."
Tumango-tango ang binata. "Saan tayo?"
"Sa apartment ko na lang. Magluluto ako ng dinner natin. Maaga pa naman."
"Okay, you're the boss!" Pinaandar na ni Jerimie ang sasakyan paalis sa lugar na iyon.
MABILIS nilang narating ang apartment ni Cheska.
"Maupo ka muna. Feel at home. Andyan ang remote ng tv baka gusto mong manood. Magpapalit lang ako sandali ng damit."
Napangiti lang si Jerimie. "Sige lang. Okay lang ako rito."
Mabilis na pumasok sa kuwarto niya si Cheska. Paglabas niya ay nakasuot na siya ng casual shorts at peach sleeveless tops na mas lalong nagpalitaw sa kaputian ng dalaga.
"Diyan ka lang muna, ha? Magluluto lang ako. Mabilis lang 'to."
"Yeah, take your time."
Nagtungo na sa kusina si Cheska at inumpisahan ang paghahanda ng hapunan. Nagsalang muna siya ng bigas sa rice cooker bago niya inumpisahang lutuin ang specialty niyang pork adobo. Madalas na kapag nagluluto siya ng adobo ay mina-marinate muna niya ang karne. Pero sa mga ganitong biglaang pagkakataon, puwede namang non-marinated ang karne at lasang adobo pa rin naman kapag naluto.
Habang nakasalang ang kanyang niluluto ay pinuntahan niya sa salas si Jerimie na kasalukuyang nanonood ng foreign movie sa cable channel. Hawak nito ang cellphone at kasalukuyang nagte-text.
"Gutom ka na ba?" tanong niya rito. Umupo siya sa tabi nito.
Ipinatong ni Jerimie sa center table ang kanyang cellphone. "Hindi pa naman. Maaga pa naman, eh. At saka nag-e-enjoy naman ako sa pinanonood ko," sagot sa kanya ni Jerimie. "Galingan mo ang pagluluto, ha? Kailangang masarap 'yan para sulit ang paghihintay ko," pagbibiro pa nito.
"Masarap talaga ang niluluto ko. Hindi kita ipagluluto kung alam kong mapapahiya ako sa'yo," pagmamalaki naman niya.
Nang maluto ang kanin at ulam ay magana nila itong pinagsaluhan.
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
HumorSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...