PAGKAALIS ni Toby ay nagbukas si Gordon ng email at hinanap ang ipinadalang files nito. Saglit niyang binasa ang iba pang impormasyong naroon. Napangiti siya nang makita roon ang address nina Jerimie at Maddy. Sabi sa email ni Toby, hindi nagtatrabaho si Maddy at umaasa lang ito sa sustento ni Jerimie. Agad siyang gumayak para puntahan ang tinitirhan ni Maddy. Sana ay abutan niya sa bahay nito si Maddy. Siguradong tatanggapin nito ang business proposal na iaalok niya.
Sakay ng kanyang kotse ay narating ni Gordon ang bahay ni Maddy. Humanga siya sa nakitang facade ng bahay. Moderno ang architectural design nito at alam mong ginastusan talaga. Nag-doorbell siya at hinintay na may magbukas ng gate. Hindi naman siya nainip.
Sinalubong niya nang matamis na ngiti ang babaeng nagbukas ng maliit na gate na pasukan ng mga tao.
"Nandiyan ba si Maddy?" kaagad niyang tanong sa babae.
"Sino po kayo, sir?" tanong ni Diday habang nakatingin sa brown envelope na hawak ni Gordon.
"Pakisabi, kaibigan niya." Hindi niya inaalis ang kanyang friendly look.
"Ano pong pangalan n'yo, sir?"
"Gusto ko siyang i-surprise, eh. Basta sabihin mo na lang na hinahanap siya ng kaibigan niya."
"Pumasok na po muna kayo."
Pumasok si Gordon at sumunod kay Diday.
Pagdating sa sala ay nagsalita muli ang kasambahay, "Maupo po muna kayo. Tatawagin ko lang si Ma'am Maddy." Iniwan niya si Gordon para puntahan si Maddy sa silid nito.
Inilibot ni Gordon ang tingin niya sa loob ng bahay at muli ay humanga siya sa sopistikadang kaayusan nito. Umupo siya at hinintay ang pagbaba ni Maddy.
Kumatok si Diday sa pinto ng kuwarto ni Maddy. "Ma'am Maddy, may bisita po kayo."
Nang walang sumagot ay muli siyang kumatok kasabay ang pagtawag sa amo, "Ma'am Maddy..."
Ilang saglit pa at bumukas na ang pinto.
"Ba't ang ingay-ingay mo? Nagpapahinga ako." sita nito kay Diday.
"May bisita po kayo. Kaibigan n'yo raw po," sagot ng kasambahay.
"Sinong kaibigan?" Bumakas sa mukha niya ang pagtataka. Wala naman siyang inaasahang bisita ngayong araw.
"Ayaw pong sabihin, eh. Gusto niya raw po kayong sorpresahin. Andoon po siya sa salas, hinihintay ka."
Nanlaki ang mga mata ni Maddy at galit na binulyawan si Diday. "Nagpapasok ka sa bahay ng taong hindi mo kilala?!"
"Ma'am, kasi... kaibigan n'yo raw po siya. Baka magalit kayo sa akin 'pag pinaghintay ko siya sa labas ng gate," rason ni Diday.
"Ang tanga-tanga mo!" matalim na sigaw niya sa kausap. "Padaan diyan! Huwag kang haharang-harang sa dadaanan ko." Nauna na itong naglakad papunta sa salas upang tingnan kung sino ang bisita niya raw.
Napatayo si Gordon nang makitang papalapit sa kanya si Maddy. "Good morning!" nakangiting bati niya sa babae.
"Ikaw?" gulat na reaksyon ni Maddy. "Anong ginagawa mo rito? Paano mo nalamang dito ako nakatira?"
"Hindi na importante 'yon. Ang mas mahalaga ay ang dahilan kung bakit kita pinuntahan dito." Nagmukhang demonyo sa pagkakangisi si Gordon.
Tumaas ang kilay ni Maddy. "Anong sadya mo? What do you want from me?"
"Ikaw ang mas may kailangan sa akin." Hindi nagbabago ang reaksyon ng mukha nito.
"What are you saying?" Gusto nang tilian ni Maddy ang lalaki pero pinili niya ang magtimpi. Hindi pa niya alam kung ano ang totoong dahilan ng pagpunta nito sa bahay niya.
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
MizahSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...