"BAKIT ganoon ang reaksyon ni Maddy?" Hindi napigilan ni Cheska ang magtanong. Nasa kotse na sila at bumibiyahe papunta sa bahay ni Jerimie. Ngayon pa lang siya dadalhin ng nobyo sa tirahan nito kaya nakadama siya ng excitement. Gano'n pa man, ang kakaibang ikinilos ni Maddy kanina ay patuloy na bumabagabag sa kanyang isip.
"Hanggang ngayon siguro ay hindi niya matanggap na hindi ko siya gusto," kaswal na pagkukuwento ni Jerimie.
"Gusto ka ni Maddy?" Nabuhay ang kuryusidad kay Cheska. "Paano? Kailan pa?"
"Matagal na. Bago pa man ipanganak si Zinnia. Hindi ko na ikinuwento sa'yo dahil akala ko, tapos na. At saka kahit minsan naman, hindi ako nagkarpon kahit konting pagtingin sa kanya. Dahil alam kong gusto siya ng kakambal ko."
Napatango-tango ang dalaga. "Paano ngayon 'yan? Kung kailan ikakasal tayo at saka pa kayo magkakaroon ng samaan ng loob ni Maddy."
Nagkibit-balikat ang lalaki. "Likas na matigas ang ulo ni Maddy. 'Pag gusto niya, gusto niya. Hindi mo 'yan mapipigilan. Pero sinisiguro ko sa'yo na kahit kailan, hindi ko siya papatulan. Kuntento na ako sayo," nakangiting pahayag ni Jerimie sabay ang pagkindat sa nobya.
Kinilig si Cheska sa ginawa ng nobyo. Kung kailan malapit na silang ikasal ay saka siya mas nai-in love sa mga little pakilig gesture nito. Bakit ba hindi? Eh, talaga namang nakakakilig ang lalaking ito. Mula sa itsura, hanggang sa ugali. Napakasuwerte niya na si Jerimie ang naging boyfriend niya.
DALAWANG buwan bago sila ikasal ay nakipagkita si Cheska kay Uriel. May sorpresa raw sa kanya ang binata kaya gusto nitong makipagkita. Isinama niya si Jerimie para personal na rin nilang maibigay rito ang invitation para sa kanilang kasal.
Pagpasok pa lang ng restaurant kung saan sila magkikita ay nakita na ni Cheska ang kaibigan. Pero mas tumatak sa utak niya ang babaing kasama nito. Sabay pa silang nagkatinginan ni Jerimie. Ano't kasama ni Uriel si Elsa?
"Take a seat," nakangiting sabi sa kanilang dalawa ni Uriel. Si Elsa ay nakangiti rin sa kanila. Walang bakas ng anumang pagkailang.
"Alam kong kilala n'yo na ang kasama ko. But I still would like to introduce her to the both of you. Meet Elsa, my girlfriend."
Napanganga si Cheska. Pero nakabawi rin siya kaagad. "And I want you two to meet my fiance, Jerimie. By the way, we are inviting you to our wedding." Bumaling siya kay Elsa. " Please come, too," matapat niyang sabi.
"I will..." Ang tamis ng ngiti ni Elsa. Kita sa aura nito ang nag-uumapaw na kaligayahan. Marahil dahil masaya na rin ang lovelife nito.
"I'm so happy for the both of you." Kinamayan sila ni Uriel.
"Hindi ka nagkukuwento sa akin na may girlfriend ka na pala," kunwa'y nagtatampong sabi ni Cheska kay Uriel.
"Pagkuwentuhan natin sa ibang araw," natatawang sagot ng lalaki. "Teka, order muna tayo ng makakain."
DUMATING ang araw ng kasal nina Jerimie at Cheska. Nasa simbahan na ang mga imbitado. Pati si Jerimie ay nasa simbahan na rin at kanina pa kinakabahan. Ganoon yata talaga kapag ikakasal. Parang pusang hindi maihi ang groom habang hindi pa dumarating ang bride.
Ang mga kaibigan ni Cheska na sina Portia, Mariel at Kenly ay naroon na rin. Ang mga magulang ni Jerimie ay nagbalikbayan para dumalo sa pakikipag-isang dibdib ng kanilang anak. Ang mga magulang naman ni Cheska ay lumuwas ng Manila isang linggo pa bago ang takdang araw ng kasal para personal na matulungan ang anak sa iba pang mga bagay na kailangang asikasuhin at ayusin. Flower girl si Zinnia at coin bearer naman ang batang si Biboy na napalapit na nang husto kay Jerimie.
Nang dumating ang bride ay halos tila tumigil sa paghinto ang orasan. Nagsimula ang bridal march. Isa-isang naglakad papuntang altar ang entourage ng kasal.
Napakaganda ni Cheska sa suot nitong eleganteng wedding gown. Dati nang maganda ang dalaga, pero mas lumutang ang ganda nito sa karamihan ng mga kasama sa entourage kahit na naggagandahan din naman ang pili nilang mga abay. Tila prinsesa si Cheska habang naglalakad patungong altar kasabay ng kanyang ama at ina. Mas lalong lumakas ang tibok ng puso ni Jerimie habang papalapit sa kanya ang mapapangasawa. At tuluyan na siyang napaluha nang sa wakas ay ibigay sa kanya ng ama ni Cheska ang kamay ng dalaga.
SAKAY si Maddy ng kotse niya. Mabilis ang takbo ng kotse at hindi alintana ni Maddy ang mga malalaking sasakyang nakakasalubong niya.
Nang makarating siya sa simbahan ay mabilis siyang bumaba sa kotse at patakbong pumasok sa simbahan.
"Itigil n'yo ang kasal!" Pumuno sa buong simbahan ang boses ni Maddy. Nagtatakbo ito papalapit sa altar pero huminto ito sa gawing katabi ng kinatatayuan ni Elsa.
Pinagtinginan ng mga tao si Maddy na luksang-luksa sa suot nitong bestidang itim katerno ng shoulder bag nitong itim rin.
Maging ang pari, pati na rin sina Cheska at Jerimie ay natigilan.
"Hindi ka puwedeng magpakasal sa kanya, Jerimie. Mahal kita! Akin ka lang." Gulat ang mga tao sa sinabi ni Maddy, lalo na ang mga personal nilang mga kakilala.
"Maddy, alam mong kahit kailan ay hindi naging tayo. Walang anumang relasyong namagitan sa atin maliban sa pagiging kapatid ng ama ng anak mo," paliwanag ni Jerimie. "Huwag mong gawing komplikado ang sitwasyon. At huwag mong guluhin ang pinakaimportanteng okasyon sa buhay namin ni Cheska."
"Hindi, Jerimie! Hindi ka puwedeng mapunta sa iba!" Dinukot nito ang baril sa loob ng shoulder bag at itinutok sa ikakasal. "Mamatay ka, Cheska!"
Kasabay ng pagputok ng baril ay mabilis na niyakap ni Jerimie ang nobya. Ang balang para sana kay Cheska ay bumaon sa likurang bahagi ng katawan niya.
Isang putok pa ang umalingawngaw at muling bumaon sa katawan ni Jerimie.
Parang nasisiraan na ng bait si Maddy. Muli nitong ikinasa ang baril. Pero bago niya ito maiputok ay nahawakan na siya ni Elsa sa braso.
"Huwaaag!" Nagawa niyang maitaas ang braso ni Maddy kaya sa ere na pumutok ang baril.
Galit na galit si Maddy sa ginawa ni Elsa. "Pakialamera ka!" Hinila niya ang babae sabay tulak dito sa sahig. Napasalampak sa sementadong sahig si Elsa at bago pa ito makabangon ay muling pinaputok ni Maddy ang baril.
Ramdam ni Elsa ang paglagos ng bala ng baril sa kanyang katawan. Nang hawakan niya ang kanyang sikmura ay napuno ng dugo ang kanyang kamay.
Napaurong si Maddy habang nakatutok sa mga tao ang hawak nitong baril. "Huwag kayong lalapit! Babarilin ko kayong lahat!" Mabilis ang pag-atras nito papunta sa pintuan ng simbahan. Hindi naman makakilos ang mga tao sa pangambang paputukan sila ng babaeng tila tinakasan na ng katinuan.
Nang malapit na sa pintuan ay tumakbo na si Maddy papalabas ng simbahan. At saka lamang dinaluhan ng mga tao ang duguang sina Jerimie at Elsa.
Kaagad na sumakay si Maddy sa kotse niyang nakaparada sa gilid at mabilis itong pinasibad papalayo sa lugar na iyon.
Gusot ang isip ni Maddy. Ngayon niya napagtanto ang posibleng maging resulta ng kanyang ginawa. Napatay yata niya si Jerimie gayong si Cheska ang gusto niyang alisin sa landas niya. At ang pakialamerang babaeng pumigil sa kanya, sana'y mamatay na rin ang babaeng iyon! Pero ayaw niyang makulong. Siguradong sa kulungan siya dadamputin dahil sa ginawa niya.
Dahil sa kalituhan ng pag-iisip ay hindi namalayan ni Maddy ang biglang pagsulpot ng isang trak na nakasalubong niya. Mabilis naman niyang nakabig ang manibela pero tuloy-tuloy siyang sumalpok sa pader sa gilid ng kalsada. Wasak at nagkayupi-yupi ang unahang bahagi ng kotse. Basag din ang windscreen. At duguan ang mukha ni Maddy!
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
HumorSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...