Chapter 37

10.1K 230 30
                                    

ISANG araw ay lumapit si Maddy kay Jerimie.

"Jerimie, buntis ako. Nagbunga ang nangyari sa atin," walang paligoy-ligoy na sabi ni Maddy na ikinagulat niya.

"Anong...?" Hindi niya kaagad nasabi ang gustong sabihin sa labis na pagkagulat at pagtataka na rin. "May nangyari sa atin? Kailan?"

"Nakalimutan mo na? No'ng gabing uminom tayong tatlo. Dinala mo ako sa kuwarto... At may nangyari sa atin..."

Nanlaki ang mga mata ni Jerimie. "H-hindi ako ang nagdala sa'yo sa kuwarto..."

"Ako. Ako ang nagdala sa'yo sa kuwarto, Maddy," mula sa likuran ay sabi ng isang tinig. Si Jerome. Dumating ito at narinig ang pag-uusap ng dalawa.

"Ikaw? Imposible iyon. Nakita kong si Jerimie ang kasama ko sa kuwarto nang gabing iyon." Bumakas sa mukha nito ang pagtataka.

"Lasing na lasing ka noon. Si Jerimie ay may tama na rin. Nauna nang pumasok sa kuwarto si Jerimie at ako ang nagdala sa'yo sa silid mo," paliwanag ni Jerome. "At sa madilim na silid, hindi imposibleng mapagkamalan mong ako si Jerimie dahil identical twins kami. Ang tanging pagkakaiba namin ay ang balat ko malapit sa pusod."

"Hayop ka! Pinagsamantalahan mo ako!" Galit na sinugod ni Maddy si Jerome at pinaghahampas sa dibdib.

Hindi gumanti si Jerome. Hinayaan lang nitong maglabas ng sama ng loob ang babae. "Pananagutan ko ang nangyari. Handa akong pakasalan ka, Maddy."

"At sinong nagsabing magpapakasal ako sa'yo? Hindi! Hinding-hindi ako magpapakasal sa'yo!" Patakbong iniwan ni Maddy ang kambal at pumasok sa kanyang kuwarto.

Malungkot na tiningnan ni Jerimie ang kakambal na doble ang kalungkutang mararamdaman. Alam ni Jerimie kung gaano kamahal ni Jerome si Maddy at talagang masakit na nagawang tanggihan ng babae ang alok na kasal ng kanyang kapatid.

Tinangkang lapitan ni Jerimie ang kakambal upang akbayan pero tinabig nito ang kanyang braso at agad na naglakad papalayo sa kanya. Naiwan siyang nakatanga at nagtataka pero inunawa na lang niya ang kalagayan ni Jerome.

Magmula noon ay nag-iba na ang ugali ni Maddy. Madalas na itong mapag-isa at nagkukulong sa kuwarto. Maging sa pagkain ay hindi na rin ito sumasabay sa kanila.

"Maddy..." Kinatok ni Jerome ang pinto ng silid nito. "Lumabas ka na riyan. Kakain na tayo."

"Kumain kang mag-isa mo!" Dinig na dinig niya ang sigaw nito. Pero mas ikinagulat niya ang tila isang babasaging bagay na tumama sa pinto at pagkatapos ay nabasag sa sahig.

"Maddy, buksan mo ang pinto! Ano 'yong nabasag diyan? Buksan mo ang pinto para matanggal 'yan diyan!" sigaw niya pero nanatiling nakasara ang pinto.

Nanggigigil na umalis si Jerome at nagtungo sa kanyang silid. Kinuha niya sa drawer ng computer table niya ang isang bungkos ng mga susi at bumalik sa labas ng silid ni Maddy.
Sinusian niya ang pinto at nagulat siya sa nabungarang eksena sa loob ng silid ni Maddy!

Nakahiga sa kama si Maddy na halos hindi na makagulapay sa sobrang kalasingan. Sa sahig ay naroon ang nabasag na baso. Nagkalat sa mesa ang isang bote ng alak na halos maubos na. Nagkalat din ang mga upos at abo ng sigarilyo sa ibabaw ng mesa.

"Maddy! Anong ginawa mo?" hindi makapaniwalang tanong ni Jerome. "Buntis ka, hindi ka dapat umiinom, lalo na ang manigarilyo. Makasasama sa bata!" Pilit niyang ibinangon ang babae.

"Bitiwan mo ako!' pumapalag nitong sigaw. "Umalis ka rito, hindi kita kailangan!"

"Maddy, maawa ka naman sa bata. Huwag mo siyang idamay sa kasalanang nagawa ko sa'yo, kung kasalanan mang matatawag 'yon. Huwag mong idamay ang anak ko. Huwag mong idamay ang anak mo, pakiusap." Nabasag ang boses ni Jerome. Matatanggap niya ang galit ni Maddy sa kanya, pero hindi ang pagpapabaya nito sa kanilang magiging anak.

Dinuraan ni Maddy sa mukha si Jerome. "Umalis ka rito! Wala kang pakialam kahit ano ang gawin ko sa buhay ko," histerikal nitong sabi. Sinubukan nitong tumayo ngunit kaagad din itong nabuwal, mabuti na lamang at mabilis kumilos si Jerome at agad niyang nasalo ang babae.

Mula noon ay binantayan na ni Jerome si Maddy. Sinisiguro niyang hindi na ito makaiinom ng alak at makapaninigarilyo. Ngunit ang isang taong pasaway ay gagawa at gagawa ng paraan para gawing miserable ang buhay ng mga taong kinaiinisan nito.

Isang gabi ay naabutan na lamang ni Jerome na umiinom ng gamot si Maddy. Tinatangka nitong ilaglag ang bata sa pamamagitan ng pag-inom ng mataas na dosage ng aspirin. Eksakto lang ang pasok niya sa kuwarto nito at huli niya ito sa aktong iinom ng gamot.

"Maddy, anong ginagawa mo?" sigaw niya rito. "Nasisiraan ka na ba ng ulo?" Pinilit niyang agawin sa kamay nito ang mga tabletas hanggang sa tuluyan niya itong maagaw.

"Bitiwan mo ako! Ibalik mo sa akin 'yan!" tili ng hitad.

"Hindi! Wala kang karapatang patayin ang anak ko!" sigaw niya rito. "Kung ayaw mo sa kanya, ilabas mo lang siya sa mundo at kukunin ko siya sa'yo. Bahala ka na sa buhay mo pagkatapos, hindi kita pakikialaman. Pero ilabas mo nang buhay ang anak ko! Huwag na huwag mo na itong uulitin, Maddy dahil sinasabi ko sa'yo, hindi ako magdadalawang-isip na ipakulong ka kapag sinadya mong may masamang mangyari sa anak ko." Binitiwan niya ang kamay ng babae at lumabas ng silid, bitbit ang gamot na nakuha niya rito.

Naiwan si Maddy na dahil sa labis na sama ng loob sa pagkabigo ng kanyang plano ay walang nagawa kundi sumigaw na lang ng napakalakas.

HINDI pinabayaan nina Jerome at Jerimie ang sanggol sa sinapupunan ni Maddy. Sinasamahan nila ito sa OB-Gyne para sa regular nitong check up. Gusto sana ni Jerome na siya na lang sana ang sasama sa buntis pero hindi niya ito makumbinse. Pumapayag lang itong magpa-check up kapag kasama si Jerimie.

Hanggang isang gabi, walang kamalay-malay ang kambal na uminom na naman pala si Maddy sa loob ng silid nito nang makatulog na sila. Sabik na nilaklak ni Maddy ang vodka na palihim niyang binili sa isang convenient store sa kanto. Halos kalahati na ang nababawas niya sa bote ng alak nang muli niya itong damputin at magsalin sa baso. Nang ibalik niya ang bote sa mesa ay hindi sinasadyang natumba ang bote, nahulog, at kumalat sa sahig ang alak.

“Shit!” inis na sabi ni Maddy. Ibinaba niya ang hawak na baso at kumuha ng sigarilyo at sinindihan. Biglang may kumislap na ideya sa isip niya na nagpalabas sa isang misteryosong ngiti sa kanyang labi.

Hinithit niya nang maigting ang sigarilyo at saka itinapon sa sahig na basa ng natapong alak.

Bigla ang pagsiklab ng apoy nang lumapat ang sigarilyo sa alak. Hindi inaasahan ni Maddy na ganoon agad kalaki ang kakalat na apoy. Sa takot ay napaurong siya ngunit natapakan niya ang bote ng alak kaya nawalan siya ng panimbang at natumba. Tumama sa sahig ang kanyang ulo na naging dahilan para mawalan siya ng malay.

Mabilis na kumalat ang apoy na mas lalo pang lumaki nang madilaan nito ang kurtina sa bintana ng silid ni Maddy. Gumapang ang apoy at unang tinupok ang mga kahoy na parte ng bahay.

Isang malakas na pagputok ang narinig nang umabot ang apoy sa plug ng kuryente na naging sanhi ng short circuit. Mas naging mabilis ang paglaki at pagkalat ng apoy.

Sa kabilang silid ay naalimpungatan si Jerome nang dahil sa narinig na pagputok. Nang magmulat siya ng mga mata ay nakita niya ang apoy na gumagapang na sa kisame ng kanyang silid. Sa nakitang pinanggalingan ng apoy, isa lang ang agad na pumasok sa kanyang isip kaya agad siyang napabalikwas ng bangon.

“Maddy!”

Tall, Daks and HandsomeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon