Chapter 34

9.7K 269 32
                                    

HINDI nakasagot si Jerimie. Paano ba niya ipaliliwanag kay Cheska na wala naman siyang intensyong masama sa hindi niya pagsasabi ng tungkol kay Zinnia? Kahit kailan ay hindi niya inaakalang magiging problema si Zinnia sa buhay niya, lalo na sa kanyang buhay pag-ibig.

"Ano? Hindi ka makasagot! Kaya pala puro paiwas ang mga sagot mo kapag tinatanong kita ay dahil mayroon ka talagang itinatago na ayaw mong maungkat." Hindi na niya napigilan ang sarili na manumbat. Ang sakit yatang malaman na all the while ay niloloko ka lang pala ng lalaking pinagkakatiwalaan mo.

Si Gordon ay tahimik na nakangisi lang at pinanonood ang pagtatalo ng dalawa. Siguro ay nagdiriwang ang kalooban nito dahil nagtagumpay itong guluhin ang relasyon nina Jerimie at Cheska.

"I'm sorry. Pero ano ba ang problema? Binata ako. Puwede kitang pakasalan anytime." Gustong-gustong yakapin ni Jerimie si Cheska at siguruhin dito na okay lang ang lahat. Na wala naman talagang problema. Pero nakita niya ang galit sa mukha ng nobya.

"Hindi 'yon, eh. Nagsinungaling ka. Nanloko ka. Sinira mo ang tiwala ko," mapait na sabi ni Cheska.

"Cheska... Hindi ganoon..."

"At ano pa ba ang itatawag mo sa mga litratong ito?" Itinaas pa niya ang kamay na may hawak ng mga larawan. "Hindi magsisinungaling ang mga larawang ito, Jerimie. Eto ang ebidensya ng panloloko mo."

"Hayaan mo kasi akong magpaliwanag. Pakinggan mo muna ang---" Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil biglang tumunog ang kanyang cellphone.

Napatingin sa kanya si Cheska, tapos ay nilipat nito ang tingin sa tumutunog na gadget na nasa kanyang bulsa.

Dinukot niya ang telepono at nakita niya kung sino ang tumatawag.

Si Nurse Gina!

Agad sumikdo ang kaba sa kanyang dibdib. Hindi tumatawag sa kanya ang nurse ni Zinnia kung hindi naman emergency. Walang pag-aalinlangan niyang sinagot ang tumatawag.

"Hello... Anong nangyari?" Alam na niyang tungkol kay Zinnia kaya ito tumawag.

"Sir, nandito kami sa ospital. Dito po sa dati. Inatake na naman si Zinnia." Kalmado ang nurse pero halata sa boses nito ang pag-aalala. "Nasa emergency room na po siya."

"Nasaan si Maddy?"

"Wala pa, sir. Hindi pa siya umuuwi mula nang umalis kaninang umaga," sagot ni Gina.

"Saan daw pupunta?" Pinipilit niyang kumalma pero uminit bigla ang ulo niya nang malamang wala sa bahay si Maddy.

"Hindi po sinabi, eh. Basta lang naman umaalis si Ma'am kapag gusto niyang umalis."

"Papunta na ako diyan." Pinindot niya ang end call at hinarap si Cheska na takang-taka sa nakitang biglang pagkabalisa ni Jerimie. Pero si Gordon ay nanatiling nakangisi na tila ba tuwang-tuwa sa mga nangyayari sa kanyang harapan.

Nagtatanong ang mukha ni Cheska. Naghihintay siya sa anumang sasabihin ng nobyo.

"Kailangan ko nang umalis. At saka na ako magpapaliwanag sa'yo. Sorry... I'm sorry, Cheska." Iyon lang at mabilis itong tumalikod at nagmamadaling lumabas ng apartment. Nabunggo pa nga nito si Gordon na naroon pa rin sa may pintuan.

Hindi humabol si Cheska kay Jerimie pero narinig pa niya ang tunong ng makina ng kotse nito nang paandarin nito ang sasakyan.

"Umalis ka na," utos ni Cheska kay Gordon.

Pero hindi kumilos ang lalaki. Isang misteryosong ngiti ang pinakawalan nito habang humahakbang papasok sa loob ng apartment.

"Umalis ka na!" Itinulak niya ito papalabas ngunit nahawakan siya nito sa braso at hinila papalapit ang kanyang mukha para halikan.

Mabilis ang naging pagkilos niya. Umigkas ang isang kamay niya at dumapo sa mukha ni Gordon bago pa siya nito tuluyang magawan ng hindi maganda.

"Lumayas ka rito!" nanginginig na sigaw niya kay Gordon. Kahit nilukuban siya ng takot ay hindi niya iyon ipinahalata. "Kapag hindi ka umalis, ipapupulis kita! Sinasabi ko sa'yo, kakasuhan kita, Gordon!"

"Hindi pa ako tapos sa'yo, Cheska," banta ng lalaki.

"Huwag ka nang babalik dito. Idedemanda kita kapag bumalik ka pa rito!" Muli niyang itinulak ang lalaki at mabilis na isinara ang pinto. Siniguro niyang naka-lock ito para hindi na muling makapasok si Gordon.

Kinuha niya ang kanyang cellphone na nasa center table sa salas para tawagan si Kenly. Takot na takot pa rin siya sa ginawa ni Gordon.

"O, girl napatawag ka," bati sa kanya ng kaibigan sa nakasanayan na nitong pabaklang pagsasalita.

Noon napaiyak si Cheska. Hindi na niya nakayanang pigilan ang sari-saring emosyong naipon sa kanyang dibdib. Galit, takot, pagkabahala, lahat na.

"Girl, umiiyak ka ba? Anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Kenly.

"Puntahan mo naman ako rito, please. Please, Kenly...." Tuluyan na siyang napahagulgol.

"Girl, bakit nga? Anong nangyari sa'yo d'yan?"

NANG dumating si Kenly ay ikinuwento niya ang lahat ng nangyari mula sa pagkakatuklas niya na may anak na si Jerimie hanggang sa tangkang pambabastos sa kanya ni Gordon. Galit na galit si Kenly kay Gordon. Pero gusto niyang unawain si Jerimie.

"Gusto mo bang magsampa ng reklamo kay Gordon? May barkadang abogado ang boyfriend ko. Matutulungan ka no'n," puno ng pag-aalalang sabi ni Kenly.

Umiling siya. "Huwag na. Ayoko na siyang makita pang muli. Baka kung ano pa ang magawa ko sa kanya."

"Ang tapang!" tumitiling sabi ni Kenly na nagtikwasan pa ang mga daliri. "So, anong gusto mong pag-usapan natin? Alangan namang iiyakan mo lang ako rito hanggang gumabi na. Eto, o mag-aalas sais na, teh!"

"Ano bang gagawin ko?" naiiyak pa rin niyang tanong.

"Ano ba kasi ang inaarte mo riyan? Nagkakaganyan ka ba dahil hindi mo matanggap na may anak na ang boyfriend mo?" talak sa kanya ni Kenly habang nakapamewang sa harap niya.

Umiling siya

"Eh, ano? Trip mo lang?

"Nagsinungaling siya sa akin. Hindi niya sinabing may anak na siya," mangiyak-ngiyak niyang sagot.

"Nagtanong ka ba?"

"Sabi niya wala siyang sabit."

"Wala naman talaga, 'di ba? Wala siyang asawa. Binata siya..."

"Pero may anak!"

"Eh, ano nga ang problema sa anak? Girl, ang anak... ang bata ay regalo ng Diyos. Saan man siya nanggaling. Sino man ang kanyang mga magulang. Ano man ang naging dahilan ng paglitaw niya dito sa earth, dapat nating ipagpasalamat dahil blessing iyon mula sa itaas," seryosong paliwanag ni Kenly na akala mo'y otoridad pagdating sa usaping may kinalaman sa mga bata.

"Hindi ko naman inaayawan iyong bata. Iyong tiwala ko kay Jerimie ang nakukuwestyon ngayon. Nagsinungaling siya, eh. Kung nagawa niyang magsinungaling minsan, magagawa niya ulit," argumento pa niya.

Hindi naman nagpatalo si Kenly. "Sino bang tao ang hindi nagsinungaling?" tanong ng bakla. "Lahat naman yata dumaan sa buhay nila na nakapagsinungaling sila. For what reason? Hindi para manloko, kundi para iwasang magkaroon ng mas malaking gulo."

"Ano bang nangyayari sa amin ni Jerimie ngayon? Hindi ba mas malaking gulo ito na naiwasan sana kung umpisa pa lang ay nagtapat na siya?"

Itinirik ni Kenly ang kanyang mga mata. "Ewan ko sa'yo, teh! Masyado kang madrama. Andami diyan lima na ang anak, pinapakasalan pa rin. Si Jerimie, isa lang. Huwag ka nang mag-inarte. Pasalamat ka nga this early alam mo nang hindi baog ang nobyo mo. May kapasidad siyang ikalat ang maganda niyang lahi," tumitiling sermon nito sa kanya.

Gustong kalbuhin ni Cheska si Kenly. Wala siyang makukuhang kakampi sa baklang ito dahil obvious na obvious na kampi ito kay Jerimie.





















Tall, Daks and HandsomeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon