NAPATDA si Jerimie. Pero hindi siya nagpasindak kay Maddy.
"Alam mo ang ibig kong sabihin. Huwag mong pinalalabas na nagkulang ako kay Zinnia," sumbat niya rito.
Natawa ang babae. "I'm sure, alam mo rin ang ibig kong sabihin," diin nito. "Tigilan mo ang pagkukunwaring ama ni Zinnia dahil alam mong hindi mo siya anak!" Sinalampak ni Maddy sa mukha niya ang katotohanan. "Akala mo ba'y mapagtatakpan ng pagiging ama-amahan mo sa anak ko ang katotohanang nang dahil sa'yo ay namatay ang totoong ama niya? Iniisip mo bang sa bawat kabutihang ginagawa mo sa ibang tao ay mababayaran ang pagkukulang mo kay Jerome? Sa kakambal mo!" mapait na sumbat ni Maddy.
"Alam mong wala akong kasalanan," giit niya. "Maganda ang samahan namin ni Jerome. Wala akong pagkukulang sa kanya. Bakit hindi mo tanungin ang sarili mo kung ano ba ang ginawa mo at nangyari iyon? Ikaw ang puno't dulo ng trahedya sa buhay naming magkapatid. Kaya wala kang karapatang sumbatan ako o sisihin man lang. Hindi ko kasalanan kung bakit namatay si Jerome. Pero kasalanan mo kung bakit nagkaroon ng trahedya na siya niyang ikinamatay," nagngangalit ang bagang na sabi ni Jerimie. Hindi niya gustong sisihin si Maddy pero mali ring sa kanya ibunton ang sisi.
Parang walang narinig si Mandy. Nagtaas lang ito ng kilay at tinalikuran siya para muling bumalik sa pool. Tumalon ito sa pool at lumangoy nang lumangoy.
Madilim ang mukhang pinanood na lang ni Jerimie ang paglangoy ni Maddy. Napakalaki na talaga ng ipinagbago ni Maddy. Hindi na ito ang mahiyaing babaeng nakilala niya nang unang beses itong dumating sa bahay nila may walong taon na ang nakararaan.
KASAMBAHAY ng pamilya Manderico si Aling Bening na tubong Sariaya, Quezon. Nang mamatay ang asawa nito ay nakiusap ang matanda sa kanyang mga amo kung puwedeng makasama niya ang kanyang anak habang naninilbihan sa pamilya nina Jerimie. Pumayag naman ang mga magulang ni Jeremie kaya makalipas ang isang linggo ay dumating sa bahay nila si Maddy na noon ay kinse anyos lang.
Maganda si Maddy kahit na lumaki ito sa isang mahirap na pamilya. Pantay ang kulay ng morena nitong balat na kaiinggitan ng mga mestisang nagpapakahirap pang magbilad sa ilalim ng araw para lang magkaroon ng tan. Bagay sa katamtamang tangkad nito ang balingkinitan nitong katawan. Biniyayaan si Maddy ng maamong mukha at mapang-akit na mga mata na nagiging singtalim ng kutsilyo sa ilang pagkakataong nakita niyang nagalit ito. Ang matangos nitong ilong ay sakto lang sa maliit nitong mukha. Maraming kalalakihan sa lugar nila ang nag-akalang kamag anak nila si Maddy dahil sa taglay nitong sopistikadang ganda.
Isa sa mga naakit sa ganda ni Maddy ay ang kakambal ni Jerimie na si Jerome Alessandro Manderico. Pero ang paghanga nito kay Maddy ay inilihim lang nito.
Makalipas ang dalawang taon ay namatay si Aling Bening. Dahil ulila na ay nagpasya ang mga magulang ni Jerimie na kupkupin na lang si Maddy. Pinag-aral nila si Maddy at sinuportahan. Ang dating mahiyain at kiming dalaga ay napuno ng buhay at sigla. Madalas itong nakikipagharutan kina Jerimie at Jerome. Masaya ang naging samahan nilang tatlo hanggang napansin ni Jerome na tila mas nagiging close si Maddy kay Jerimie. Kinausap niya ang kakambal.
"Gusto mo ba si Maddy?" diretsong tanong niya sa Jerimie. I want you to be honest with me."
"Paano mo naisip 'yan?" tanong din ang isinagot niya sa kakambal. "Alam kong gusto mo siya kaya bakit naman kita tataluhin?"
"Iba ang closeness n'yo, nakikita ko. Parang may iba sa samahan n'yo."
Napailing-iling si Jerimie. "For me, she is just a younger sister. I assure you, bro na wala akong gusto kay Maddy. You can court her if you like. Wala kang magiging problema sa akin," paniniguro pa niya sa kapatid.
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
HumorSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...