HALOS paliparin ni Jerimie ang kotse para makarating agad sa bahay ni Maddy. Hindi niya inasahang aabot sa ganoong klaseng pananakit ng tao ang pagiging sugapa nito sa alak. Wala naman sigurong ginawang hindi maganda si Diday para itulak ito ni Maddy sa hagdan. Sumasakit na ang ulo niya sa pag-iisip kung bakit naging ganito si Maddy.
Si Gina ang nagbukas ng gate pagdating niya.
"Nasaan si Diday?" agad niyang tanong pagkababa niya sa kotse. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala.
"Nasa kuwarto niya, sir. Iyak nang iyak," sagot ng nurse na halata rin ang concern sa kasambahay.
"Si Zinnia, kumusta?"
"Tulog na po siya. Pero takot na takot rin siya kanina nang mahulog sa hagdan si Diday. Nakita niya po kasi..."
Mabilis na nagtungo si Jerimie sa silid ni Diday kasunod si Gina. Nadatnan niyang nakaupo ito sa gilid ng kama at tahimik na umiiyak.
"Anong masakit sa'yo?"
"Nananakit lang po ang katawan ko, ser. Pero okay na po ako. Bukas po, hindi na ito masakit."
"Babalikan kita rito. May kokomprontahin lang ako." Lumabas siya ng kuwarto at nagtungo sa silid ni Maddy.
Nagdilim ang mukha niya nang maabutang may hawak pang alak ang babae.
"What are you doing here?" tanong ni Maddy na namumungay na ang mga mata sa kalasingan.
"What am I doing here? What are you doing here?! Bakit mo itinulak si Diday sa hagdan?" Hindi niya napigilan ang sarili kaya nakapagtaas siya ng boses. "Papatayin mo ba 'yung tao?"
Mapaklang ngumiti si Maddy. "Ang bilis talaga ng balita. Nakarating agad sa'yo 'yon?" Parang balewala lang rito ang nangyari. Walang makikitang pagsisisi sa mukha nito.
"You're sick!"
"No, I'm not," sagot nito at saka humalakhak. "Gusto ko lang ng alak. Ayaw niya akong bigyan," sabi nito sa tonong tila nang-aasar.
"Kaya itinulak mo siya," nanggigigil niyang sabi.
Ngumisi lang ang babae at saka muling nagsalita, "May dala ka bang alak?"
"Tigilan mo na ang pesteng alak na 'yan!" Tinabig niya ang kamay ng babae at nabitiwan nito ang basong may lamang alak. "Pati kay Zinnia, ipinapakita mo ang ganyang pag-uugali. Mahiya ka naman sa anak mo!"
"What's your problem? Sinasayang mo ang alak ko. Binili ko 'yan!" bangag na talaga si Maddy at tila wala na sa sarling katinuan.
Hindi na siya nakapagpigil. Bigla niyang hinawakan sa magkabilang balikat si Maddy at saka pinagsabihan. "Ano bang ginagawa mo sa buhay mo? Kailan mo ba titigilan ang pag-inom ng alak? Kailan ka hihinto sa paninigarilyo? Kailan mo bibitawan ang mga bisyo mo? Pati si Zinnia hindi mo na naaalagaan. Kapag hindi ka umayos, mas mabuti pang kunin ko na lang siya sa'yo!"
Matapang siyang tinitigan ng babae. "You cannot do that."
"Then, try me. Gagawin ko ang lahat para makuha sa'yo si Zinnia kapag hindi ka nagbago," seryoso niyang banta rito.
Nakipagtitigan lang sa kanya ang babae. Wala yata itong balak sumuko.
"I'm warning you, Maddy. Ayusin mo ang buhay mo o tayong dalawa ang magkakagulo. Kayang-kaya kong ihinto ang sustento mo."
"Hindi mo magagawa 'yan," kampanteng sabi ni Maddy.
"Alam mong kaya kong gawin. Kaya umayos ka." Itinulak niya ito sa kama at agad na lumabas ng silid.
Bumalik siya sa silid ni Diday at kinausap ito. "Halika, sumama ka sa akin. Ipapa-check up kita sa ospital."
"Huwag na po, ser," tanggi niya. "Wala naman sigurong problema. Masakit lang ang katawan ko dahil sa pagkakahulog. Pero maayos naman po ako."
"Kahit na. Mabuti na 'yong sigurado," nag-insist pa rin si Jerimie. "Kargo kita dahil ako ang kumuha sa'yo sa agency."
Wala nang nagawa si Diday kundi sumunod sa gustong mangyari ng kanyang amo.
Dinala ni Jerimie ang kasambahay sa pinakamalapit na ospital. Sinuri ng doktor si Diday at nang matiyak na wala namang pinsala sa loob ng katawan nito ay saka lamang sila pinayagang makauwi ng doktor.
Tulog na ang mga tao sa bahay nang sila'y dumating. Maging si Maddy ay mahimbing na ang tulog.
"Maraming salamat po, ser," naiiyak na sabi ni Diday. "Kung hindi lang po kayo mabait, matagal ko na talagang gustong umalis dito. Hindi ko na po matatagalan ang ugali ni Ma'am Maddy."
"Pagpasensyahan mo na lang sana siya, Diday. Ako na ang humihingi sa'yo ng pasensya." Awang-awa siya rito. Kahit lumaki siya sa may sinasabing pamilya, kailan man ay hindi siya nanakit ng mga kasambahay. Kaya galit na galit siya sa ginawa ni Maddy kay Diday. Si Maddy pa talaga ang gagawa ng ganoon?
Tumango na lang si Diday at binigyan siya ng isang mapait na ngiti.
Naglakad siya papalabas ng kuwarto ng kasambahay. "Diday, pakisara mo itong gate. Uuwi na ako."
"Opo, ser..."
Habang pauwi ay nagpupuyos pa rin ang loob niya sa inuugali ni Maddy. Ginawa na niya lahat ng puwede niyang gawin. Sinunod na niya ang mga gusto nito. Sumobra ba siya sa pagsunod dito kaya ngayon ay umaabuso na rin ito?
KINABUKASAN ay maagang pumasok sa trabaho si Cheska. Paglabas niya ng apartment ay nagulat pa siya sa taong nakita niyang tila naghihintay sa kanya. May dala itong isang bouquet of red roses.
"Gordon! Anong ginagawa mo rito? Paano mo nalaman itong tinitirhan ko?"
"Nagtanong ako kay Kenly. Ibibigay ko lang sana sa'yo ito," nakangiting sagot nito habang iniaabot sa kanya ang pumpon ng mga rosas.
"Gordon, 'di ba nag-usap na tayo? May boyfriend na ako," sabi niya rito nang hindi tinatanggap ang dala nitong mga bulaklak.
"Tanggapin mo, please..." Bahagyang pumiyok ang boses nito. "It will make me very happy..."
Para siyang nakonsensya nang makita ang lungkot sa mukha ni Gordon. Kilala naman niya ito bilang isang mabait na tao. Kung nagkataon nga sigurong hindi pa niya nakokontrata si Jerimie ay pasado na ito sa kanya bilang boyfriend na rekomendado ng mga kaibigan niya. Kaso nga, may naipakilala na siyang boyfriend sa mga kaibigan niya.
Tinanggap niya ang ibinibigay na bulaklak ni Gordon. "S-salamat dito... Sana huwag ka nang mag-abala sa susunod." Ayaw man niyang ipahiya ang binata ay kailangan niya itong prangkahin para hindi na rin ito umasa. Dahil alam niya sa puso niya na kahit hindi niya totoong boyfriend si Jerimie ay hindi niya magagawang tumingin sa ibang lalaki. Iba na ang nararamdaman niya sa kanyang dummy boyfriend. At somehow, gusto rin niyang umasa na ganoon din si Jerimie sa kanya.
"Hindi, Cheska," seryosong sabi ni Gordon. "Pinalagpas ko na ang pagkakataon noong college pa tayo. Ngayong nakita kitang muli at single ka pa rin naman, bigyan mo naman sana ako ng pagkakataon na mapalapit sa puso mo."
"May boyfriend na nga ako, ba't ba ang kulit mo?" Nakaramdam siya ng pagkainis sa dating kaklase. Ano ba ang gusto nitong patunayan?
"Pasensya ka na. Ayoko lang sigurong mawala ka ulit sa akin."
"Nakakatawa ka," sarkastiko niyang sabi. "Hindi ako nawala sa'yo. In the first place, hindi naman ako naging sa'yo. Kaya sana, huwag na nating guluhin ang sitwasyon. Huli ka nang dumating at ayokong masira ang kung ano mang mayroon ako ngayon para lang i-accommodate ka. Sorry, Gordon. Hindi talaga puwede." Binitiwan niya ang bulaklak na bigay nito at hinayaang bumagsak sa semento, at saka niya pinara ang dumaang taksi.
Naiwang walang imik si Gordon. Pero hindi ibig sabihin na talo na siya. Nagsisimula pa ang siyang ipaglaban ang pag-ibig niya kay Cheska. Hindi pa siya kilala ni Cheska. Hindi siya ang tipo na madaling sumusuko sa laban.
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
HumorSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...