Chapter 35

10.4K 254 16
                                    

HINDI umaalis si Jerimie sa tabi ni Zinnia. Mula nang dumating siya kanina rito sa ospital hanggang sa ipasok na sa kuwarto ang paslit ay personal niya itong tinutukan.

Pinagmasdan niya ang bata. Nakaramdam siya ng habag dito. Kung anu-anong aparato na naman ang nakakabit sa katawan nito. Kung puwede lang mailipat sa kanya ang sakit nito, kinuha na niya sana. Mas makakaya niya ang sakit kumpara sa payat at mahinang katawan ni Zinnia.

Pero ang ikinasasama talaga ng loob niya ay wala pa rin si Maddy dito sa ospital gayong tinawagan na ito ni Gina kanina. Anong klaseng ina itong hindi man lang yata nag-aalala para sa may sakit nitong anak?

Tinawagan niya sa bahay si Diday.

"Hello, Diday. Sir Jerimie mo 'to. Nandiyan na ba ang Ma'am Maddy mo?"

"Sir, nandito na po. Nasa kuwarto niya," mahinang sagot ng kasambahay na parang natatakot na may makarinig sa sasabihin nito.

"Wala ba siyang balak pumunta rito sa ospital?" nagtitimping tanong ni Jerimie.

"Eh, sir... Hindi ko po alam."

Huminga siya nang malalim at pagkatapos ay nagbuga ng hangin. "Sige, hindi na bale."

Magdamag na nagbantay si Jerimie kay Zinnia sa ospital. Hindi niya iniwan ang paslit lalo na at hindi man lang nagpakita sa ospital ang ina nito. Salamat na lang at hindi grabe ang atake ng bata kaya kinabukasan ay siniguro sa kanya ng doktor na puwede na itong lumabas sa susunod na araw.

Hindi na muna niya tinawagan si Cheska dahil gusto niyang palipasin muna ang galit nito. Pero hindi siya nakakalimot na mag-text dito para ipaalam na hindi niya ito nakakalimutan.

Si Cheska, nang oras na iyon ay nasa mall at kasamang kumakain si Uriel. Sa kaguluhan ng kanyang isip sa hindi niya inaasahang natuklasan niya kay Jerimie ay nakatagpo siya ng kaibigan sa binatang inhinyero. Si Kenly ay halata namang kampi kay Jerimie. Ayaw naman niyang abalahin sina Portia at Mariel dahil alam naman niyang pareho ang likaw ng bituka ang tatlo niyang kaibigan. Tiyak nang si Jerimie rin ang papanigan ng dalawang kaibigan niyang babae. At least si Uriel, posibleng sa kanya kumampi.

Maaliwalas ang mukha ni Uriel. Halatang masaya ito sa hindi inaasahang pakikipagkita ni Cheska. "Kumusta ka na?" bati nito sa kanya nang hindi inaalis ang malapad na ngiti.

"Mukha ba akong okay?" sagot niyang agad nangilid ang luha.

Napailing si Uriel. "Mukha ngang hindi. What happened?" Bakas sa tinig niya ang totoong pag-aalala.

"Niloko ako ng boyfriend ko," basag ang boses niyang sagot. "Nagsinungaling siya sa akin. Hindi niya sinabing mayroon na siyang anak. Anong gagawin ko?"

"Mahal mo ba siya?"

"Oo, pero---"

"Hindi ba 'pag mahal natin ang isang tao, minamahal natin hindi lang iyong maganda sa kanya kundi pati ang mga kapintasan niya? Mahal natin hindi lang sa panahon ng kasiyahan kundi mas lalo dapat sa panahon ng mga pagsubok. Dalawa kayo na kikilos bilang isang tao. Para maging maayos ang relasyon n'yo," paliwanag ni Uriel.

"Pero, kasi---"

"Acceptance. Iyon ang dapat mong pag-aralang ibigay sa boyfriend mo. Mag-usap kayo. Bigyan mo siya ng pagkakataon na ipaliwanag ang panig niya. Unawain mo siya sa abot ng iyong makakaya. Kung puwedeng palampasin ang nagawang pagkakamali, palampasin mo. Kung maaaring patawarin, ibigay mo iyon sa kanya nang buong pagmamahal at pang-unawa."

"Mali ba ako na nagalit ako sa kanya?" naguguluhang tanong niya.

"Hindi ko sinasabing mali ka," agad na sagot ni Uriel. "Ang reaksyon mo ay natural na reaksyon ng isang taong nasaktan dahil pakiramdam mo'y niloko ka. Kaya hindi kita puwedeng sisihin. Pero kung mahal mo iyong boyfriend mo, hindi ka dapat nagpapadala kaagad sa emosyon. Dapat, gagawin mo ang puwedeng gawin para i-save ang relasyon n'yo."

Napaisip si Cheska. Kanina ay naghahanap siya ng kakampi. Ang gusto niya'y makahanap ng taong papanig sa kanya. Iyong sasang-ayon sa ginawa niya nang walang pag-aalinlangan. Akala niya'y si Uriel na iyon pero hindi. Subalit iminulat ni Uriel ang isip niya na hindi naman mahalaga kung sino ang nagkamali. Ang mas importante ay ang pagmamahalan nila sa isa't-isa na dapat lumitaw sa bungkos ng mga dumarating na problema.

Tahimik siyang lumuha. Ngayon, alam na niya ang dapat niyang gawin.

"Huwag ka nang umiyak. Lahat ng relasyon dumadaan sa ganyan. Mga pagsubok. Maliit pa nga iyan kumpara sa problemang dumarating sa iba. Kailangan lang na malagpasan n'yo ang lahat ng pagsubok at patunayan sa inyong mga sarili na mahal ninyo ang isa't isa." Hinawakan ni Uriel ang kamay ni Cheska at pinisil. "Kaibigan mo ako, nandito lang ako lagi kung gusto mo ng makakausap."

Tumingin siya sa mukha ng binata at saka marahang tumango. "Salamat, Uriel."

INIHATID ni Jerimie sa bahay sina Zinnia at Gina nang makalabas ng ospital ang una. Sinalubong sila ni Diday na siya ring nagbukas ng gate.

"Gina, dalhin mo na sa kuwarto niya si Zinnia," bilin niya sa nurse.

"Opo, sir," matipid na sagot nito at binuksan na ang pinto ng kotse para makababa sila ng kanyang alaga.

"Nasaan ang Ma'am Maddy mo?" tanong ni Jerimie kay Diday nang makababa ng sasakyan.

"Nasa pool po, sir."

Tinanguan niya ito at pagkatapos ay naglakad na para puntahan si Maddy.

Naabutan niyang lumalangoy ang babae. Nang makita siya nito ay kumaway pa ito sa kanya. "So, you're here! I'm so glad!" nakangiting sabi nito na akala mo'y nakakita ng kaibigang bigla siyang binisita.

"Umahon ka riyan, mag-usap tayo!" matigas niyang utos sa babae.

Bahagyang umarko ang kilay ni Maddy. Lumangoy siya papalapit kay Jerimie at saka umahon sa pool. Mukhang alam na niya kung bakit mainit na naman ang ulo ng lalaking ito.

Pag-ahon ni Maddy sa pool ay napalunok si Jerimie. Hindi niya maitatangging napakaganda talaga ng katawan nito. Para bang hindi pa ito nanganak kung pagbabasehan ang kaseksihan nito.

Malandi ang ngiting isinalubong sa kanya ni Maddy. "Ano ang gusto mong pag-usapan natin?" Hindi inaasahan ni Jerimie na lalapit sa kanya nang sobrang lapit ang babae na halos magdikit na ang kanilang katawan.

Napaurong nang bahagya si Jerimie at lihim na napangiti naman si Maddy.

"Huwag mo akong dinadaan sa ganyan, Maddy. Anong klase ka bang ina? Naospital na't lahat ang anak mo pero 'di ka man lang sumilip sa ospital," galit niyang sabi.

"Bakit ba ang init ng ulo mo? Mag-swimming ka kaya. Ang sarap lumangoy o. Ang lamig ng tubig." Hindi niya pinansin ang pasaring ng lalaki.

"Huwag mong binabago ang usapan. Sagutin mo ang tanong ko, kailan ka ba magpapakaina kay Zinnia? Kailan ka magpapakita ng totoong malasakit sa anak mo?"

Umismid si Maddy. "Ang galing mo, ah! Parang napakaperpekto mo," pagtataray niya sa kausap. "Ano bang pakialam mo sa buhay ko? Anong pakialam mo kay Zinnia?"

"Ako ang ama niya!"

Nang-uuyam ang ngiti ni Maddy kay Jerimie kasunod ang nakasusugat na tingin. "Kailan ka pa naging ama kay Zinnia?"
















Tall, Daks and HandsomeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon