HINDI mapigilan sa pag-iyak si Cheska habang hawak ang isang kamay ni Jerimie habang itinutulak ng mga hospital attendant ang stretcher trolley kung saan ito nakahiga para dalhin sa operating room. Wala siyang pakialam sa paligid kahit nakasuot siya ng wedding gown na punong-puno ng dugo.
Kasunod niya ang mga magulang ng binata gayundin ang kanyang tatlong kaibigan. Sa parehong ospital din dinala si Elsa na inaasikaso naman ni Uriel at ng mga magulang ni Cheska.
Hawak pa rin niya ang isang kamay ni Jerimie at ayaw niyang bitawan kahit na nang pinigilan na siya ng doktor dahil bawal siyang pumasok sa loob ng operating room.
"Iligtas n'yo siya. Para n'yo ng awa, iligtas n'yo siya!" Histerikal na si Cheska. Hindi niya inasahang magiging ganito kalagim ang araw na iniisip niyang pinakamasaya para sa kanilang dalawa ni Jerimie.
Niyakap siya ng ina ni Jerimie at pinakalma. "Tahan na, hija. May awa ang Diyos. Hindi Niya pababayaan si Jerimie," sa mahinang boses ay sabi sa kanya ng matandang babae. "Malakas si Jerimie. Hindi siya magpapatalo nang hindi lumalaban. At alam kong lalaban siya para sa kanyang buhay."
Lalo pang napaiyak si Cheska. Hindi talaga siya handa sa ganito. Akala niya ay pinakanakakatakot na ang ginawa noon ni Gordon. Mayroon pa palang hihigit doon. At hindi niya kakayanin kung si Jerimie ang kapalit ng ginawang iyon ni Maddy.
Walang magawa ang tatlong kaibigan ni Cheska kundi yakapin na lang siya. Sa ganitong pagkakataon mas makikita ang tibay ng kanilang samahan.
Matiyaga silang naghintay sa labas ng operating room. Lahat ay umaasang sa paglabas ng doktor ay may dala itong magandang balita.
Pagkalipas ng dalawang oras ay nakita nilang paparating si Uriel.
"Kumusta si Elsa?" agad na tanong ni Cheska.
"Tapos na siyang maoperahan. Pero maraming dugo ang nawala sa kanya. Kailangan niya ng type O na dugo. Walang available dito sa ospital." Bakas ang pag-aalala ng lalaki para sa kasintahan.
"Ako! Type O ang dugo ko. Sabihin mo sa doktor niya sa puwede akong kunan ng dugo," mabilis niyang desisyon. Sa ginawa ni Elsa para sa kanila ni Jerimie, dapat lang na tumbasan niya ang pagpapakabayani nito.
"Type O rin ako," sabi ni Portia. "Kung mas maraming dugo ang kakailanganin, willing din akong mag-donate."
"Salamat, Portia. Ako na lang muna."
Tumango si Portia.
"Salamat, Cheska," sabi naman ni Uriel. "Halika, sumama ka sa akin..."
Nagtungo sila sa silid kung saan naroon ang doktor ni Elsa. Nadatnan nilang may kausap itong nurse.
"Doc, siya po ang blood donor para sa girlfriend ko. Magkatipo sila ng dugo."
"Okay, that's good." Kinausap nito ang nurse, "Please check her health and eligibility so we can do blood transfusion to the patient."
"Yes, Doc." Lumapit kay Cheska ang nurse. "Ma'am, dito po tayo sa kabilang room," sabi nito at lumabas silang dalawa para pumunta sa kabilang kuwarto. Naiwan sa kuwarto sina Uriel at ang doktor.
NAGHIHINTAY pa rin sila sa paglabas ng doktor na gumagamot kay Jerimie. Si Kenly ay abala sa pagkalikot ng social media accounts niya sa cellphone.
"Oh my God!" Malakas ang pagkakasabi ni Kenly kaya napatingin lahat sa kanya ang mga kasama.
"Bakit?" tanong ni Mariel.
"Anong nangyari?" segunda ni Portia.
"Si Maddy, 'yong babaeng namaril sa simbahan kanina... patay na!"
"What!" Napatayo si Portia at agad na lumapit kay Kenly.
"Sumalpok sa pader ang kotse niya. Dead on the spot siya. Nandito nga sa facebook ang mga litrato niya no'ng hindi pa siya nailalabas sa kotse," paliwanag ni Kenly.
"Jesus Christ!" Napa-sign of the cross pa si Mariel.
Ang mga magulang ni Jerimie ay binalot din ng pag-aalala. Itinuring na ng mga ito si Maddy bilang anak. Masakit man ang ginawa nito kay Jerimie, hindi naman nila ipagdadasal kahit kailan ang kamatayan nito.
Napayakap ang ina ni Jerimie sa asawa.
Noon naman lumabas ng operating room ang doktor. Agad itong sinalubong ng ama ni Jerimie. "Kumusta ang anak ko, Doc?"
"Nakuha na namin ang mga balang bumaon sa kanyang katawan but he is still under observation. The good thing is wala namang natamaang vital organs ang bala. Let's just hope na hindi siya magkaroon ng infection or any complications," sabi pa ng manggagamot. "Sinalinan namin siya ng dugo para maibalik ang dugong nawala sa katawan niya. Mabuti na lang at may available na blood type A+ at hindi na kinailangan pang maghanap ng donor."
"Maraming salamat, Doc."
Ngumiti ang doktor. "Sige po, kapag may concern kayo pakisabi n'yo na lang kaagad sa nurse station."
HABANG nasa ospital sina Jerimie at Elsa ay inasikaso naman ng mga magulang ng una ang burol ni Maddy. Iyak nang iyak si Zinnia. Kahit laging galit sa mga tao ang kanyang ina, mahal na mahal niya ito. Ginawa lahat ni Gina ang makakaya niya para patigilin sa pag-iyak ang paslit sa pangambang pag-umpisahan iyon ng panibagong atake ng sakit nito.
Dahil wala namang hihintaying kamag-anak ay ipinalibing kaagad ng mga magulang ni Jerimie si Maddy. Sinadya nilang itabi ito sa puntod ni Jerome dahil alam nilang mahal na mahal ito ng kanilang anak. Walang tigil sa pag-iyak si Zinnia. Sa murang edad ng bata ay tila naiintindihan na niyang ulila na siya sa mundo.
Kinarga ni Cheska si Zinnia. "Don't cry, baby girl. You still have your Daddy Jerimie. He is just in the hospital, but he'll be okay soon to see you. And one more thing, you also have me..." Pumatak ang luha ni Cheska. "From now on, I will be your new mommy..." Niyakap niya ito ng mahigpit.
WALA nang naging problema sa mga tama ng balang tinamo nina Elsa at Jerimie kaya mabilis silang gumaling. Sabay pa silang lumabas ng ospital. Bago sila naghiwalay ay nagpasalamat sina Jerimie at Cheska kay Elsa. Niyakap rin nila nang mahigpit ang kapitana.
"Ingat kayo sa biyahe," bilin ni Cheska. "Uriel, alagaan mo siya, ha? Ikaw na ang bahala sa kanya."
"Areglado!"
"Dadalawin ka namin sa La Union para personal kang imbitahin kapag naiplano na namin ulit ang kasal namin. Siguro naman, matutuloy na 'yon," sabi ni Jerimie.
"Sabihan n'yo ako ahead of time, para maipaghanda ko naman kayo ng masarap na makakain." Sinulyapan nito si Uriel. "Tara na?"
"Yes, boss!" natatawang sabi ni Uriel na agad inalalayan ang nobya para isakay sa kotse niya.
Nang umandar na ang kotseng lulan sina Uriel at Elsa, alam nina Jerimie at Cheska na magiging friends for life na nila ang dalawa.
BINABASA MO ANG
Tall, Daks and Handsome
HumorSa panahong milenyal, marami na ang ipinagbago ng lipunan. Pati ang dreamboy ng mga kababaihan ay nagbago na rin. Kung dati'y Tall Dark and Handsome ang ideal man nila, ngayon naman ay TALL DAKS AND HANDSOME na. Cover Design: @greatfairy (Jean Ser...