NAIWANG nakatayo si Cora at nakatingin habang papalayo na ang mag-ina sakay ng bagong regalong sports car.
Napabuntong-hininga ito. "Hay. Ano kaya ang feeling nang nakasakay sa ganoong kagarang sasakyan tapos katabi mo pa ang ganoon ka-guwapong boyfriend." Ang hindi niya alam ay dahan-dahang lumalapit si Lumen sa likod niya at ginulat siya nito.
"Bulaga!" panggugulat ni Lumen.
Sa sobrang pagkagulat ni Cora ay kamuntik nang mabitawan ang basong kaniyang hawak-hawak.
"Ay, baklang kabayo! Nakakainis ka naman Lumen! Kung nabitawan ko 'tong basong 'to lagot na naman ako kay Senyora! Paborito niya ang basong 'to. Alam mo naman na bad shot pa lang sa akin si Kuya Stephen."
"Ano ba kasi ang tinutungangaan mo diyan? Kanima pa nakaalis sila Senyora pero tulala ka pa rin diyan!"
Napangiti ito at kukurap-kurap ang mga mata. "Kasi hindi na siya galit sa akin. Nakangiti na siya, ayii!" kinilig-kilig habang sinasabi ito ni Cora.
"Tange! Hindi iyon nakangiti sa'yo! Feeling close ka talaga kay Kuya Stephen. Siyempre bago ang kotse niya." Lumapit ito ng kaunti. "Hoy, alam mo ba sabi ni Tiyo Ben, sobrang mahal daw ng kotseng 'yon? Puwede ka na raw nga makabili ng isang mansiyon sa halaga ng ganoong kotse!"
"Ha? Talaga?" nakangangang tanong ni Cora. "Kaya pala ganoon ka excited si Kuya Stephen. Ang dami na nilang sasakyan, kulang pa ba 'yon?"
"Yang mga ganoong kotse, kapritso lang daw yan ng mga mayayaman. Pang porma lang ba para masabing sobrang yaman nila. Na sila lang ang may ganoon sa buong Pilipinas."
Tumango lang si Cora. "Mahal na mahal talaga ni Senyora si Papa Stephen ko kaya niya niregaluhan nang ganoong kamahal na kotse?"
Tumaas naman ang kilay ni Lumen. "Spoiled kamo! Mama's boy pa! Kaya ayan, kaunting problema, iyak na kaagad sa mama niya. Ang mama naman, buy kaagad ng gusto para huwag nang umiyak ang baby niya. Nakaka-turn off ang ganyang lalaki. Siguro kaya siya hiniwalayan ni Ate Sophie."
Hinampas ni Cora si Lumen sa braso. "Grabe ka naman Lumen, bakit ganyan ka kay Sir Stephen. Ang bait nga sa atin noon!"
"Aray ko, ha?!" Sabay titig ni Lumen ng pasungit. "Palibhasa kasi Cora hindi mo alam 'yong nangyari kay Kuya Stephen at Ma'm Sophie. Sukat ba namang pagsabayin niya 'yong dalawang babae at ang mudrakels naman, kunsintidora."
"Sino? Si Ate Beverly at Ate Sophie ba ang tinutukoy mo?"
Tumango si Lumen. "At sino pa nga ba?" Sabay pamewang pa nito.
"E ano naman ang pakialam natin kung pagsabayin sila ni Kuya? Masisisi ba natin siya kung guwapo at mabait si Kuya? Kahit sino namang babae ang madikit sa kaniya, magkakagusto, 'no?!"
"Kundangan naman kasing landiin ni Ate Beverly si Kuya. Ang tanda na kaya no'n para landian si Kuya Stephen. Mukha na nga silang mag-ina."
"Hoy hindi naman ganoon katanda si Ate Beverly," singit ni Cora.
"Saka alam na niyang may girlfriend 'yong tao! Di ba, nakakaawa naman si Ate Sophie? Ang ganda-ganda pa naman niya, saka ang tagal na rin nila. Ang gaganda at ang guguwapo siguro ng magiging anak nila kung nagkatuluyan sila. Nanghihinayang talaga ako sa kanila. Ang sweet-sweet nila noon, tapos dumating lang yong nars na yon, nasira na ang dalawa. Hay naku!"
"Excuse me?" Si Cora naman ang nagtaas ng kaniyang kilay. "Hindi naman nilandian ni Ate Beverly si Kuya Stephen. Hindi niya kasalanan kung na-in love si Kuya Stephen sa kaniya. Magaling lang talagang mag-asikaso si Ate Beverly. Saka, may kasalanan din naman si Ate Sophie. As a matter of fact, laging wala si Ate Sophie kaya ayun, napalitan siya. Saka, hindi malandi si Ate Beverly. Simpleng tao at walang kiyeme siya. Di tulad ni Ate Sophie, grabe kung manamit. Kita na ang kaluluwa!"
BINABASA MO ANG
Shattered Stephen
ActionSalawahan, two-timer, kaya iniwan siya ng mga babaeng tunay na nagmamahal sa kaniya. Iyan si Stephen Aquino. Nang dahil sa kaniya, muling nagmahal at nasaktan si Beverly. Nang dahil din sa kaniya, nabigo nang husto ang pag-asa ni Sophie na silang da...