Warning: Ang susunod na mga eksena ay rated PG dahil sa mga kaganapang bayolente. Hindi ito nararapat sa mga batang mambabasa. Pasensiya na at maraming salamat!
---
NAGSITAYUAN bigla ang balahibo ni Stephen sa mga braso nang marinig ang ganitong utos mula sa di kilalang mama na nasa kaniyang likuran. Parang dumadagungdong na tambol ang tibok ng kaniyang dibdib lalo na nang ipitin pa nito ang kaniyang leeg gamit ang braso sabay tutok ng baril sa kaniyang ulo. Hindi tuloy siya makagalaw sa labis na pagkasindak.
"Ano pang tinutunganga mo diyan? Mag-drive ka na! Bilis!" Pinakawalan siya nito, ngunit nakatutok pa rin ang dulo ng baril.
Nanginginig ang kamay niyang ipinasok ang susi ng kotse. Pagkatapos ay huminga siya nang malalim upang pakalmahin ang sarili. Kailangan mapigilan niya ang takot para makapag-isip siya ng paraan kung paano niya ito matatakasan.
Patingin-tingin siya sa labas habang pinapaatras niya ang kotse baka sakaling may masenyasan siyang tao, ngunit malalayo ang mga ito. Wala rin naman siyang ibang kasabay na kotse.
Nasilip niya sa salamin na may kalakihan ang pangangatawan ng lalaking dumukot sa kaniya. Nanlilisik rin ang mga mata nito. Malabo nang makapanlaban pa siya kung sakaling pumalag siya. Saka na lang siya hahanap ng tiyempo. Ang maari lang niyang gawin ay maging sunudsunuran muna sa ipinapagawa nito."Sinong nagpadala sa'yo dito? At sa'n tayo pupunta? Si Apollo ba?" pagalit niyang tanong. Bigla na lang siyang naaburido dahil sa wala siyang magawa para maipagtanggol ang sarili.
"H'wag kang atat! Malalaman mo rin! H'wag ng maraming tanong basta magmaneho ka na lang at sumunod!" pagalit naman nitong sagot.
"Kung gusto mo ng kotse ko, sa'yo na 'to," nanginginig niyang sambit. Pataranta rin niyang kinuha ang pitaka sa bulsa. "Sa'yo na rin itong pera ko." Inabot niya pa ito sa mama.
Kinuha naman ito ng mama. "Sorry bata, pero...Sinusuhulan mo ba ako? Gago ka pala! Gusto mo ako naman ang malintikan! Magmaneho ka na lang. Malapit lang tayo!"
"Magkano ba ang binayad niya sa'yo? Dudoblehen ko! Pakawalan mo lang ako."
Sa inis ng mama ay lumapit ito sa kaniya. "Isa pa! Sasabog na ang bungo mo!"
Sa takot ay nanahimik na lang siya, ngunit alam niya na kailangan siyang buhay ng nagpadukot sa kaniya. Malakas ang kutob niyang si Apollo ang nag-utos dito. Napabuntong hininga na lamang siya.
Ngunit bakit? Akala pa naman niya ay wala na siyang atraso dito. Hindi kaya natunugan niya ang ginawa ni Candice?
Oh my God, si Clarissa. H'wag naman po sanang pati siya. Sana lang, walang nakakita sa amin kanina.
Isa pa sa inaalala niya ay ang kaniyang ina. May lakad sila at tiyak hinihintay na siya nito. Ayaw na ayaw pa naman na pinaghihintay ito ng matagal.
Mama, I love you so much. Kayo na pong bahala, Lord sa Mama. Sana makauwi na rin po ako. Diyos ko, iligtas mo po ako.
Ang inakala niyang magandang araw ay may nakaabang palang panganib. Sana nga ay isa lamang itong masamang panaginip. At sana rin nga ay magising na siya.
Napatingin siya sa kaniyang cellphone na nasa ibabaw ng dashboard. Tumatawag ang kaniyang ina.
"Huwag mong sagutin!" saway ng mama. Napailing siya. Tiyak magagalit iyon sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Shattered Stephen
ActionSalawahan, two-timer, kaya iniwan siya ng mga babaeng tunay na nagmamahal sa kaniya. Iyan si Stephen Aquino. Nang dahil sa kaniya, muling nagmahal at nasaktan si Beverly. Nang dahil din sa kaniya, nabigo nang husto ang pag-asa ni Sophie na silang da...