Chapter 47 - On His Way

819 27 10
                                    

MASIGLANG nagmamaneho ng kaniyang sasakyan si Stephen patungong NAIA. Alas kuwatro ng hapon ang dating ni Beverly, ngunit darating siya sa airport isang oras ng maaga. Ang plano niya ay palihim lang niya itong susundan at sa bahay siya makikipagkita. Naabisuhan na rin nila si Nacion at ang kapatid nitong si Alice na bigyan sila ng sariling panahon para makapag-usap.

Taliwas ang araw na ito sa naramdaman niya dalawang taon na ang nakalipas, kung saan halos bumaha ng luha sa lugar ding iyon nang sundan niya ito papunta rin sa airport. Daig pa niya ang namatayan matapos siyang iwan ng kaniyang pinakamamahal na si Beverly, upang takasan ang sakit at gulong sinapit nito sa kanilang nagawang pagkakamali. Punong-puno naman siya noon ng hinanakit sa babae dahil hindi siya nito inunawa, at hindi rin nito ipinaglaban ang kanilang pagmamahalan. Sa pagbalik tanaw niya, naalaala niyang muli ang kaniyang pagiging-misirable ng araw na tinalikuran siya nito. Kung ano man ang mga nangyari noon sa kanila ay hindi na iyon mahalaga sapagkat unti-unti nang sumasang-ayon ang mga pangyayari pabor sa kaniya.

Napangiti pa siya nang maalaala niya ang kanilang maigsing pagkikita ni Sophie kasama ang mapapangasawa nitong si Tyrone. Sa wakas, magiging masaya na ang babaeng minsan niya ring minahal ng totoo, ngunit nasaktan naman niya ng labis dahil nabaling kay Beverly ang kaniyang pagmamahal. Hindi niya ito ginusto at wala ito sa plano niya, sadiya lang itong itinadhanang mangyari sa kanilang tatlo.

Heto, ilang sandali na lang at sila naman ni Beverly ang magkikita. Hihingi siya ng tawad at magkikipag-ayos upang muli silang magkabalikan. Isa lang ang kaniyang pinangangambahan---tanggapin pa kaya siya nito?

Hindi! Hindi ako papayag na tanggihan niya ang pagmamahal ko. After all these years? At kahit ipagtulakan pa niya ako, hindi ko na siya hahayaan pang mawala. Para ano? Para muling maging miserable? Kailangan niya akong tanggapin! 'Yan lang ang p'wede niyang gawin!

Kailangan niyang kumbinsihin ang kaniyang sarili ng sa ganoon ay hindi siya panghinaan ng loob. Napahinto siya sa isang traffic light, at habang naghihinty ay napayuko siya.

God, please soften her heart. This time, I'll be a better man. Just let me have her, please.

Muling umusad ang kaniyang sasakyan, ngunit napansin niya na bumibigat ang daloy ng mga sasakyan. Sa takot na baka maipit siya sa traffic naghanap-hanap siya ng ibang daang malulusutan kaya imbes na sundin niya ang sinasabing daanan ni Waze ay sa iba niya iniliko ang sasakyan. Isang alternatibong kalsada ang kaniyang pinasok. Maliit lang ito, ngunit walang gaanong dumadaang mga sasakyan.

Mabuti na ang maagang dumating kaysa mahuli, sabi pa niya sa sarili. Napangiti siya dahil naalaala niya ang pagiging maagap ni Beverly, na kaniya ring hinahangaan at nais tularan.

Sa napili niyang daan, mas naging kampante siya sa pagmamaneho. Papalapit na siya ng airport, ngunit bumibilis naman ang tibok ng kaniyang dibdib. Hindi ito dahil sa takot, kung hindi dahil ito sa kasabikan. Kay tagal niya itong hinintay at inaasam niya na mahihimok niya itong muli.

Wala siyang kamalay-malay na sa kaniyang unahan ay may isang motorcycle na papasalubong sa kaniya. Isa itong pizza delivery na mabilis ang takbo. Namalayan na lang niya ang pagkadulas nito sa daan. Kamuntik na itong tumama sa unahan ng kaniyang kotse, mabuti na lamang at nakabig niya ang sasakyan ng pakanan.

Napabuga siya ng malakas na hangin nang makapag-preno siya dahil sa akala niya ay tatama ito sa kaniya. Kamuntik na ako doon, sabi pa niya. At napailing din siya. Nang mapalingon siya, nakita niya ang delivery boy na bumagsak at tila hindi makabangon. Walang ibang sasakyan kung hindi silang dalawa lang. Wala ring mga tao. Hindi niya magawang iwanan ito kaya't nilabas na lang niya ito.

Agad niya itong nilapitan. Nakabulagta ang lalaki, ngunit pilit bumabangon. Nang makita siya nito, "Tulungan mo 'ko," sabi nitong paungol. Nahihirapan ito sa paghinga at pilit tinatanggal ang suot nitong helmet.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 12, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Shattered StephenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon