NAKAHANAP naman kaagad si Stephen ng buyer sa ibinibentang sasakyan ni Harold. Nakipagkita sila ni Harold sa isang negosyanteng Tsinoy bandang hapon sa isang restaurant sa Makati. Dala ni Harold ang sasakyan nitong Toyota Highlander na kulay pula. Agad namang nagkasundo ang dalawa sa presyo dahil buong matatanggap ni Harold ang kabayaran, samantalang nakamenos naman ng presyo ang buyer lalo na at isang taon pa lang ang kotse kay Harold. Naibenta nila ito sa halagang tatlo't kalahating milyon. Kailangan lang talaga nito ng pera kaya kahit medyo dehado ito ng kaunti sa presyo ay pumayag na ito.
Napansin niya ang labis na panghihinayang ng kaibigan sa pagkawala ng sasakyan dahil alam niya na napamahal na ito doon at sadiyang pinaghirapan nito ang pinambayad sa sasakyan. Kung tutuusin ay malayo na ang narating nito sa kaysa sa kaniya. Establisado na rin ito at puwede na sanang magka-pamilya. Sa sinapit nito kay Candice ay kailangan muli nitong magsimulang mag-ipon. Samantala, ayon sa napagkasunduan ni Harold at ni Candice ay idideposito nito ang pera sa bangko.
Pagkatapos ng bentahan ay inihatid na niya ang kaibigan sa condo. Patuloy pa rin silang magkakaibigan sa paghahanap ng buyer para sa condo nito. Kapag naibenta na raw ang unit ay saka uuwi sa Bacolod si Harold. Maluha-luhang bumaba si Harold sa kaniyang sasakyan. Nangako naman sa kaniya na magpapakatatag ito at walang gagawing masama. Hindi pa naman daw ito ganoon ka-desperado. Naibsan naman ang kaniyang pag-aalala.
PAPAUWI na siya nang napadaan siya sa harapan ng bar na pinapasukan ni Brenda. Bigla na lang niyang naisipang bumaba para kumustahin ito. Matagal na rin kasi siyang walang balita kay Sony pagkatpos ng kanilang naging engkuwentro.
Maaga pa kaya alam niya na wala pang gaanong tao. Ipinarada muna niya ang kaniyang sasakyan at naglakad-lakad. Papunta na siya sa bar nang may narinig siyang mahinang pag-ungol ng isang lalaki na parang pinahihirapan. Hinanap niya kung saan ito nagmula. Sa bandang dulo ng gusali ng bar ay may maliit na espasyo. Walang taong pumupunta roon. Pinuntahan niya ito dahil doon galing ang naririnig niyang hinaing ng lalaki.
Medyo madilim ang lugar, ngunit sapat ang liwanag para makita niya kung ano ang nangyayari. Nagtago siya sa gilid ng pader na may mga tanim na halaman at sumilip-silip. Nakita niyang ang isang grupo ng kalalakihan, naka itim na leather jacket, at malalaki ang pangangatawan. Nakatalikod ang mga ito at napapalibutan ang isang lalaking binubugbog ng suntok ng isang lalaki.
Nakilala naman niya agad si Apollo at nang umusog ang lalaking nanununtok ay tumambungad sa kaniya ang duguang si Sony na puno ng pasa ang mukha. Hinang-hina na rin ito habang hawak siya sa magkabilaang kamay ng dalawang lalaki. Napasinghap siya sa kaniyang nakita. Napangiwi pa siya dahil ramdam niya ang sakit na tinatamasa ng kaibigan.
"Polo, please. Maawa ka kay Sony! Patigiilin mo na ang mga tauhan mo!" sigaw ng babae. Nakatalikod ang babae, ngunit alam niya na ang tinig na iyon ay kay Brenda.
Gusto mang lapitan ni Brenda si Sony ngunit hawak rin ito ng isang lalaki sa may braso.
"Kasalanan niya 'yan! Di ba sinabi ko na sa inyo na huwag na huwag na siya ditong magpapakita!" galit na sagot ni Apollo.
"Bitiwan mo nga ako, nasasaktan na ako," sigaw ni Brenda sa lalaking nakahawak dito. Nagpupumiglas ito, ngunit panay lang ang tawa ng lalaki.
"Bitiwan mo siya. Don't you hurt her!" sigaw ni Sony. "You're a coward, Polo!"
"Ang tapang talaga ng hilaw na Aussie na 'to!" sabi ng lalaking nambubugbog kay Sony. Sinikmuraan ulit ito. Napahiyaw si Sony sa sakit.
"Parang awa mo na Polo, bitawan mo na siya. Promise, hindi na ako makikipagkita sa kaniya!" hiyaw ni Brenda. Awang-awa na ito sa kalagayan ni Sony.
"Sinong niloko mo? Hindi na talaga kayo magkikita dahil ito na ang huling araw ng ulol na 'yan!" nanggagalaiting sabi ni Apollo.
"Let go of me, and fight me, instead!" Dumura si Sony sa sahig sa galit nito kay Apollo.
BINABASA MO ANG
Shattered Stephen
AcciónSalawahan, two-timer, kaya iniwan siya ng mga babaeng tunay na nagmamahal sa kaniya. Iyan si Stephen Aquino. Nang dahil sa kaniya, muling nagmahal at nasaktan si Beverly. Nang dahil din sa kaniya, nabigo nang husto ang pag-asa ni Sophie na silang da...