DUMATING na rin sa wakas ang pinaka-espesyal na gabi sa buhay ni Senyora Rebecca, ang kaniyang pang-animnapung kaarawan at ang subastahan ng kaniyang mga piling alahas. Sa Manila Hotel ginanap ang nasabing pagdiriwang at sa isang function room magaganap ang subastahan, samantalang sa pool area naman ang handaan. Bagamat kinakabahan sa maaring kalalabasan nito ay mas nananaig ang labis na kasiyahan niya lalo na sa mga nagdadagsaang bisita na panay naman ang bati sa kaniya. Karamihan dito ay mga negosyante ring tulad niya at mula sa mataas na antas ng lipunan. Marami ring mga sikat na personalidad ang mga nagsidalo kabilang na ang ilang mga artista at mga pulitiko. Naroon din ang malalapit na kamag-anak ng senyora kasama na ang bunsong kapatid nito na si Anna, ang ina ni Philippe.
Nang gabing iyon ay siniguro ng kaniyang stylist na siya ang aangat sa lahat ng taong naroon dahil ito ay kaniyang espesyal na araw. Sino nga ba naman ang hindi makakapansin sa kaniyang pagiging isang aristokrata? Sa suot nitong off shoulder embroidered gown na kulay ube na bumagay naman sa kaniyang maputing balat, at ang kumikinang-kinang sa kaniyang leeg na gintong kuwintas na may mga tumpok ng mga maliliit na diyamente, na tinernuhan din ng mga hikaw na animoy maliliit na bituin na kumikislap sa kaniyang mga tainga, at ang buhok nitong naka-chignon style ay halos magmukha na itong isang reyna. Kulang na lang nga't lagyan ito ng korona sa kaniyang eleganteng pustura. Sa kaniyang edad ay mababakas pa rin ang kaniyang kagandahan ng kaniyang kabataan maliban na lang sa ilang guhit sa kaniyang mukha at ang karagdagang timbang na kahit paano ay kaniya itong nabawasan para sa kaniyang importanteng okasyon.
Agaw pansin naman si Stephen na nakasuot ng three-piece long tailed tuxedo na kulay gatas na bumagay sa kulay ng damit ng ina. Lalo tuloy nadagdagan ang kaniyang kakisigan dahil sa pulido nitong paggalaw at magiliw na pag-eestima ng kanilang mga bisita. Ang kaniyang tindig naman ay puno ng kumpiyansa sa sarili hindi dahil sa kanilang mataas na estado ng buhay kung hindi dahil sa tagumpay ng kaniyang ina at sa malaking isinakripisyo nito sa kaniya maibigay lamang ang kaniyang gusto. Bagamat hindi siya nakapag-ahit ng kaniyang manipis na balbas at bigote ay sinigurado niyang malinis at maayos pa rin ang kaniyang hitsura kaya dinaan na lamang niya ito sa malinis na gupit at ayos ng buhok. Bilang nag-iisang anak ay kinailangan niya ring maging espesyal sa paningin ng kanilang mga bisita.
Ilang araw bago ang nasabing okasyon ay nagkaroon na rin sila ng pre-registration online kaya mabilis natapos ang registration. Ang mga nagparehistro ay binigyan ng catalog at placard na may numero. Ito ang gagamitin ng mga nais sumali sa magaganap na subastahan. Kapansin-pansin din ang mga umaali-aligid na mga security guards na naka suot ng barong Tagalog. Kinailangan ang mga ito dahil sa laki ng mga halaga ng kanilang isusubastang alahas. Kabilang naman si Philippe sa isa sa mga nagmamanman sa seguridad ng lugar. Tulad din ng kaniyang pinsan ay nakasuot din ito ng isang tuxedong itim.
Dumating din nang gabing iyon ang ina ni Sophie na si Dra. Luisa Barranda na naging kaibigan na rin ng senyora. Kasama ang pangalawang anak nitong babae. Nilapitan sila ni Stephen at kahit na nag-aalangan ay nakibeso pa rin ito sa mag-ina. Naging maayos naman ang pakikitungo ng mga ito sa kaniya. Pagkatapos ay inalalayan naman ito ni Stephen sa pag-upo sa may bandang gitna malapit sa unahan. Sinabihan pa niya ito na ito ang magandang lugar para madaling mapansin ng auctioneer sakaling sumali ito sa subastahan. Nagpasalamat naman si Luisa sa kaniya.
Ayon sa plano, kailangang magsimula ang program ng alas-sais impunto parang maagang matapos ang subastahan. Susundan ito ng programa ng kaarawan ng senyora. Nakaupo sa unang hilera bandang gitna ito na napapagitnaan ni Stephen at ng kaniyang kapatid. May telon din sa stage para sa mga short video presentations na ipapalabas at para maipakita ng malakihan sa mga bisita ang mga isusubastang alahas.
Ang dalawang napiling emcees ay mga kaibigan ni Stephen. Mga dating katrabaho niya ito sa call center, at ngayon ay mga pasokay nang DJ.
"Ladies and gentlemen, welcome to the 60'th Birthday Celebration of Mrs. Rebecca Marcos-Aquino, also known to many as Tita Kaye. She's the sole owner of Kaye Marcos Jewellery, one of the finest jewellery maker in the country. Aside from that, she has also established six branches of KM Pawnshop here in Metro Manila and now expanding to some parts of the country. I'm your host for the evening, Dadi Chocco," panimula ng emcee.
![](https://img.wattpad.com/cover/89724809-288-k891587.jpg)
BINABASA MO ANG
Shattered Stephen
ActionSalawahan, two-timer, kaya iniwan siya ng mga babaeng tunay na nagmamahal sa kaniya. Iyan si Stephen Aquino. Nang dahil sa kaniya, muling nagmahal at nasaktan si Beverly. Nang dahil din sa kaniya, nabigo nang husto ang pag-asa ni Sophie na silang da...