Chapter 27 - A Jealous Friend?

742 24 2
                                    

NATULOY na rin sa wakas ang kasalan ng kaibigan ni Stephen na si Tom sa isang international model na si Sarah Johansson, isang half-Filipino, half-Austrian. Madalas kasing nauunsiyami ang kasal ng dalawa dahil sa sobrang kaabalahan sa pagmo-modeling ni Sarah. Napili rin nila na sa isang beach resort ng Nasugbu, Batangas maikasal dahil nagkakilala ang mga ito sa Boracay noong mag-outing sila nila Stephen. Kasama pa nila noon si Sophie at naging judge naman ng isang bikini contest si Sarah.

Maraming naging bisita ng araw na iyon dahil sa isa ring celebrity itong si Sarah. Naroon din ang ilang mga sikat na personalidad mula sa mundo ng fashion. May ilang mga pulitiko ang naroroon at ang iba dito ay tumatayong mga ninong at ninang.

Sky blue ang naging tema ng kasalang iyon, akma sa kapaligiran. Malakas ang ihip ng hangin dahil sa mga naglalakihang alon kaya't maraming kababaihan ang nakahawak sa kanilang mga suot na gown. Ang ilan naman ay nakahawak sa kanilang mga buhok dahil nililipad-lipad ito ng hangin. Mabuti na lang at naging maganda ang sikat ng araw.

Matangkad na babae si Sarah kumpara kay Tom na abot tainga lang nito. Naging tampuhan pa nga itong si Tom ng mga tuksuhan nila, ngunit tinatawanan lang sila nito dahil ang pag-ibig din daw ay hindi nasusukat sa tangkad. Kahit na walang gaanong make-up ay napakaganda pa rin ni Sarah. Sinadya nitong maging natural ang hitsura dahil nagsawa na raw ito sa pagiging glamorosa. Sa kabila nito ay lumutang pa rin ang kagandahan nito dahil sa suot na mamahaling traje de boda.

Si Tom naman ay naka all cream tuxedo. Hindi ito ganoon ka guwapo kung ikukumpara kay Stephen, ngunit marunong naman din itong magdala ng damit at maganda rin naman ang tindig nito. Sa matatalik na kaibigan ni Stephen, si Tom ang pinakamabait at seryoso, nakikipagbiruan din naman ito pagkaminsan. Isang accountant sa construction firm sa Makati si Tom at may sarili na rin itong mga maliliit na negosyo. Sa pagsusumikap nito ay naiahon nito ang kaniyang pamilya sa kahirapan. Tanggap naman ng mga magulang ni Sarah ang pinagmulan ni Tom. Kitang-kita kasi ito sa magandang pakikitungo ng pamilya ni Sarah sa pamilya ni Tom.

Si Stephen naman ang kanilang nagsilbing Best Man na nakasuot ng Black Tuxedo. Masaya siya para dito dahil sila ni Sophie na kaibigan din ni Sarah ang naging tulay noong nagliligawan pa lang ang mga ito. Ang nakababatang kapatid naman ni Sarah ang Maid of Honor. Tulad ni Sarah ay maganda rin ito dahil sa ibang lahing taglay nila. Tinutukso-tukso nga siya rito ng kaniyang mga kaibigan, pero masyado naman daw itong bata para sa kaniya.

Idinaos ang seremonya ng kasal malapit sa may dalampasigan, nang matapos ito ay dumiretso na ang mga imbitado sa function hall para sa magiging reception.

Nang papunta na sila sa reception area ay hindi sinasadyang may nakasalubong na isang babae si Stephen, ang matalik na kaibigan ni Sophie. "Cheska, what are you doing here?"

Biglang napalingon ito dahil nakalampas na ito ng kaunti. "Well," sabi ni Cheska na nakataas ang kilay. "Sarah's my second cousin." Ngumiti ito ng maypagka-sarkastiko. "Oh by the way, Sophie's with me." Pagkatapos ay nginuso nito si Sophie na may kasabay na isang matandang babae at naglalakad sa kanilang unahan. Nataon na napatingin naman sa kanila si Sophie at nginitian nito si Stephen. Kumaway naman si Stephen kay Sophie saka ngumiti.

"Okay Che, I'll see you later," sabi niya kay Cheska.

"Fine!" Inirapan siya nito. Napailing na lang siya dito dahil alam niyang naiinis pa rin ito sa kaniya matapos nang naging sigalot nila ni Sophie.

MATAPOS ang kainan ay tinawag na ang mga kadalagahan para sa traditional na paghahagis ng bouquet. Nagpuntahan naman ang ilang kadalagahan kahit ang iba ay nahihiya at ang iba naman ay nagkakatuwaan. Ilan sa mga ito ay may mga edad na at nagtutuksuhan kung sino ang makakakuha ng bouquet. Hinila naman si Sophie ni Cheska kaya kahit napilitan ay tumayo na rin ito sa unahan. Si Sophie naman ay nakatayo lamang habang si Cheska ay tuwang-tuwa dahil gusto nitong makasalo ng bouquet. Sinaway naman ito ni Sophie dahil sa nakatingin sa kanila ang mga tao.

Shattered StephenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon