Chapter 44 - A Clear Blue Sky

675 19 3
                                    

NAGTATAKBO si Stephen sa loob ng isang masukal na kagubatan. Nalihis kasi siya ng daan habang sinusundan ang iba pa niyang mga kasamahan. Sa pagod niya ay napatigil muna siya. Napapaligiran naman ang gubat ng mga puno na doble ang taas kaysa sa puno ng niyog. Tuwid din ang mga ito at mabibilog ang pangangatawan. May kaunting sinag ng araw naman ang pumapasok sa pagitan ng mga makakapal na mga sanga at dahon kaya kahit paano ay may kaunting liwanag sa lugar na iyon. Sa bandang paanan niya ay ang mga nalagas na mga sanga at dahon na naimbak na sa katagalan ng panahon. Dito marahil kumukuha ng pataba ang mga punong ito.

Sa kaniyang tapat ay ang isa sa mga pinakamalaking puno na naroroon. Kung susukatin ay maaaring mga limang tao na magkakahawak kamay ang kayang pumalibot dito. Kinatok pa niya ito at sa tigas nito ay halos wala siyang narinig na tunog. Marahil ay mahigit isang daang taon na ang punong ito, sabi pa niya. Sa tagal na ng ipinanatili nito sa mundo ay tiyak na maraming kalamidad na ang pinagdaanan nito. Napanganga pa siya sa pagkamangha.

Nagpatuloy siya sa kaniyang paglalakad hanggang sa may narinig siyang kumakaluskos sa may damuhan. Nakahinga siya ng maluwag nang makita niya na isa lang pala itong puting kuneho na nakasilip at nakatingin sa kaniya. Nilapitan niya ito, ngunit agad itong tumakbong papalayo. Sa pakiwari niya ay mukhang nagpapahabol ang kuneho kaya sinundan niya ito. Hindi niya namalayan na nakapasok na pala siya sa isang hardin.

Kung sa loob ng kagubatan ay madilim, sa hardin naman ay maaliwalas ang panahon. Puno ito ng sari't saring halaman na namumulaklak at dinarapuan ng mga paru-paro. Sa kaniyang paglalakad ay sinalubong siya ng sariwang hangin na may dalang halimuyak ng mga bulaklak. Sa kaniyang paglanghap ay gumaan ang kaniyang pakiramdam.

Tumingala siya at nakita niya sa himpapawid ang makakapal na puting ulap na nakakaaliw ring pagmasdan dahil sa mga nakakatuwa nitong mga hugis. May ilang maliliit na ibon din ang masayang nagsisiliparan sa himpapawid at ang iba naman na nasa mga sanga ng mga puno ay nagsisipaghunihan. Banayad ang sikat ng araw ng oras na iyon at para siyang iniengganyong mahiga sa damuhan na para bang banig na iniilatag sa kalagitnaan ng hardin.

Nang papunta na siya sa damuhan ay muli niyang nakita ang puting kuneho na nagtatago sa isang halaman. Nakatalikod ang kuneho kaya marahan siyang lumapit hanggang sa nahuli niya ito. Hindi naman pumalag ang kuneho kaya tuwang-tuwa niya itong kinarga.

Himas-himas niya ang kuneho habang papunta siya sa may damuhan. Nahiga siya at inilagay niya ito sa ibabaw ng kaniyang dibdib. Napatitig na lang ang kuneho at tila naaliw na rin sa kaniya, saka naman bumigat ang talukap ng kaniyang mga mata hanggang sa napaidlip siya.

Sa ilang sandaling pagkakaidlip niya ay bigla na lang siyang naalimpungatan dahil sa malakas na hiyaw ng isang agila. Napabangon siya at pinagmasdan niya ang paglipad nito. Muli siyang naaliw habang pinagmamasdan ang malamyang pagkakahumpay ng mga pakpak nito. Lumipad ito ng paitaas at biglang bumulusong paibaba, pagkatapos ay nagpatangay sa ihip ng hangin habang nakabukas lang ang mga pakpak nito. Animoy pag-aari ng agila ang himpapawid. Mayamaya pa ay lumipad na itong papalayo.

Nang makalayo na ang agila ay saka niya napansin na wala na pala ang kunehong hinihimas-himas niya. Tumayo siya para hanapin ito sa mga halamanan. Nakita nga niya na may kumakaluskos doon, ngunit ibang kuneho na pala ito. Kulay abo ito at mas malaki kaysa sa naunang kuneho. Nang lapitan niya upang damputin ito ay bigla siya nitong kinagat sa may daliri kaya nakabitiw ito. 

Nagtatatakbo ang kulay abong kuneho papunta sa may damuhan. Sinundan niya ito at mayamaya ay nakita rin niya ang puting kuneho. Hinabol niya ang dalawang kuneho at pagkaminsan ay nagkakasalubungan pa silang tatlo. Nagkandahilu-hilo siya sa paghuli sa dalawa at sa pagod niya ay tumigil muna siya ng ilang sandali. 

Naupo siyang muli sa may damuhan, mayamaya ay laking gulat niya na may isang sawa ang biglang dumaan sa kaniyang harapan. Nagkatitigan sila ng ilang sandali habang nakalabas ang dila nito. Sa takot niya ay hindi siya kaagad nakagalaw, ngunit laking ginhawa niya nang lumihis ito papalayo sa kaniya.

Shattered StephenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon