NAPABUNGKARAS si Stephen nang may narinig siyang isang malakas na hiyaw mula sa labas ng pintuan ng kaniyang kuwarto. Kung kailan naman nakatulog na siya nang mahimbing saka naman siya nabulabog. Katatapos lang kasi ng ilang araw nilang pamimigay ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyo na talaga namang ikinapagod niya, ngunit naging masaya naman siya lalo pa't marami silang natulungang mga kababayan.
Napilitan tuloy siyang tumayo kahit madilim pa sa loob ng kaniyang kuwarto. Kinuha niya ang nakasabit na robe at isinuot ito bago lumabas. Pagbukas niya ng pinto ay agad bumulaga sa harapan niya si Cora na tila balisa.
"OMG, I can't believe this," bulong nito habang nakatalikod at may binabasa sa cellphone. "Nananaginip ba ako?"
"Hoy Cora!" Sabay tapik niya sa braso nito."Ano bang ginagawa mo?" pabulong ngunit aburidong tanong niya. "Dito ka pa talaga nag-iingay? Madakdakan ka na naman ng Mama." Parang wala itong narinig at nanatiling abala sa pagbabasa ng cellphone. "CORA!" Sa pagkainis ay naitulak na niya ito.
"Ay palakang may sapi ni Sadako!" Kamuntik pa nitong mabitiwan ang cellphone na hawak. "Kuya naman, ginulat mo ako." Kaya pala hindi siya napansin nito kaagad ay may nakapasak na earphones sa mga tainga nito.
"Abat, ikaw pa ang nagulat?" Napayuko si Cora sa akalang sasapukin niya ito. "Alisin mo nga 'yang earphones mo at hinaan mo ang boses mo," utos niya.
"Ay sorry po. Kasi sabi mo gisingin kita?" Inutos nga niya iyon dahil baka tanghaliin siya nang gising sa kapaguran niya.
"Ha?" Bigla niyang naalala. "Oo nga, pala, naku anong oras na ba?" Nataranta siya.
"Eksaktong alas singko. Bakit Kuya, magdya-jogging ka po?"
Napatigil siya at napatitig dito nang matalim. "Ikaw ha, ilang beses na kitang nahuhuli na lagi kang gumagamit ng cellphone habang nagtatrabaho? Parehas lang kayo ni Lumen. Ano kaya kung kumpiskahin ko na lang kaya 'yang mga cellphones niyo?" Akmang kukunin niya ang cellphone.
Agad namang iniwas ni Cora ang hawak nitong cellphone. "Kuya, huwag naman po! Walang ganiyanan! Ito na lang nga ang kaligayahan ko, tatanggalin mo pa!"
"E bakit ka ba sumigaw? Sabi ko gisingin mo ako, pero hindi ko sinabi na bulabugin mo kami!"
Napayuko si Cora. "Naku sorry po. Kasi, na-excite lang ako dahil nag--"
"Nag-ano, Cora?" nakakunot noong tanong niya.
Umaliwalas ang mukha nito nang tumingin sa kaniya. "Ganito kasi 'yon. Nag-tweet ako kagabi. Akalain mo po bang mag-trending 'yon? For the first time after 1698 tweets ay nag-trending ang tweet ko. Magwa-one million na po, Kuya," Habang nagsasalita ito ay pinapahinaan niya ang boses nito.
"Ha?" Nanlaki ang mga mata niya. Nagka-interes tuloy siya sa ibinalita ng kanilang kasambahay. "Ano ba 'yong tweet mo?"
"See, na curious ka po, 'no?" Sinaway niya ito. "'Yon na nga, sasabihin ko na nga po." Muli ay itinapat ni Cora ang cellphone niya para basahin. "Ang tini-weet ko kagabi, 'Good luck to my pinakamabait at gwapong Kuya Pen. At last, magkikita na ulit kayo ni Ms B, after two long years! Tapos ang hashtag ko ay #BebangIsBackFinally. Heto po tingnan mo ang daming tweet sa hashtag na 'to." Lumapit ito sa kaniya at ipinabasa ang mga tweet nito sa cellphone. Halos iisa lang ang mga mensahe. May ilang nakakatuwa, ang iba ay nakikiusyoso lang, at ang karamihan ay kung anu-ano ang nakasulat.
Kung kanina ay halos hindi maipinta ang mukha niya, ngayon ay umaliwalas na ito. "At paano mo naman ito napa-trending?"
"Pinakiusapan ko 'yong mga kasamahan ko sa DubAl Nation na i-retweet nila ito. Akala ko nga po walang papansin, pero pag-on ko po ngayon, nakita ko na lang sa notification ko na marami ang nag-retweet," nakangiting sabi ni Cora. "At marami ang nag-react at naki-hashtag kaya siguro po nag-trending. Hindi ko po akalain," tuwang-tuwang pahayag nito.
BINABASA MO ANG
Shattered Stephen
ActionSalawahan, two-timer, kaya iniwan siya ng mga babaeng tunay na nagmamahal sa kaniya. Iyan si Stephen Aquino. Nang dahil sa kaniya, muling nagmahal at nasaktan si Beverly. Nang dahil din sa kaniya, nabigo nang husto ang pag-asa ni Sophie na silang da...