Chapter 4 - Oxygen ออกซิเจน

765 23 4
                                    

"Anong ginagawa mo, P'Gui?"

Nagulat ako kaya mabilis kong pinamulsa ang bulaklak na pinaglalaruan ko kanina pa sa kamay ko.

"Anong ginagawa?" Ikinaila ko lang ang tanong niya hanggang sa magtaka na lang siya sa akin. Pero agad rin naman siyang umalis, siya nga pala si 'S'.

Si S ang Moon na magrerepresenta sa Faculty of Engineering ngayong taon na ngayon ko lang din nakilala. Lahat kasi ng First year maliban kay Solo, tinanggal ang mga tag nila kaya hindi ko masabi kung saang faculty sila galing.

"Handa na ako P, pero medyo kinakabahan pa rin."

Medyo lang?... Pero bakit namumutla labi niya saka nangangatog mga ngipin niya?

Iniwan ko na lang muna si S na may sarili nang mundo saka naglibot-libot sa maliliit na kwarto na nagmukhang malaki kasi wala halos kalaman-laman.

Hinati ang isang kwarto sa auditorium sa mas maliliit pang mga kwarto para gawing lugar ng preparasyon ng kada faculty. Buti na lang kada kwarto, may pangalan kaya hindi na ako nagtagal na hanapin ang kwarto para sa Engineering. Nang pumasok ako sa loob, nakabanggaan ko ang Second Year Moon ng Engineering na kaibigan ni S, pero nawala rin agad para maghanda.

Oras na para magsimulang magtrabaho. Laking pasasalamat ni Ai'Ray sa amin ni Solo, pero sa huli, hinatak pa rin niya ako para tumulong sa paglalagay ng mga sticker sa mga bulaklak hanggang sa matapos lahat. Si Solo naman... pagkababang-pagkababa ng sasakyan, bigla na lang may dumating saka kinuha siya para maghanda na para sa event. Wala rin naman akong gagawin na rito kaya nagpresenta na rin akong tumulong sa pagbebenta ng mga bulaklak, pero sabi ni Ray, magigiba lang ang booth dahil sa akin. Noon ko lang naalala na Moon nga rin pala ako dati. Sa event na ito, may mga taong laging pumupunta rito, kaya siguradong may nakakakilala sa akin rito kahit papaano. Tatlong taon na rin ang nakaraan noong nakuha ko 'yung titulo.

"P'Gui."

"Hmm?"

"Noong nasa stage ka, kinabahan ka rin ba?"

Tumingin ako kay S, nakakatawa kasi itsura niya ngayon. Siya kasi 'yung tipo ng taong madaldal saka masiyahin, pero ngayon nakaupo lang habang yakap-yakap ang tuhod, kinakagat ang mga daliri saka mukha nang nababaliw.

"Kinabahan , pero kailangan ko rin namang gawin. Huwag mo na kasing isipin masyado... Kapag ikaw na 'yung naroon, hayaan mo lang, go with the flow ka lang." Hindi ako nagsisinungaling kasi kailangan naman talaga namin iyong gawin. Pero noong panahon ko, sa sobrang kabado ako, halos madapa ako sa stage. Buti na lang talaga kinaya kong balansehin sarili ko. Isa pa noong oras na kumanta ako, wala pa ako sa tono. Ito talaga ang dahilan kung bakit nagtataka ako na nakuha ko ang titulo. Hindi sa nagmamayabang, pero totoo naman iyon.

"Sa totoo lang, hindi ko na kailangan pa talagang pumunta sa stage para malaman ang resulta." Sabi ni S bago niya kunin ang gitara sa tabi niya. Sa nakikita ko naman, patas naman ang kompetisyon na ito, bakit siya nag-iisip ng ganun?

"Bakit mo naman naisip 'yan?"

"Noong una, kampante pa ako, P. Tinanong ko kada faculty saka nalamang wala nang iba pang gitarista. Pero kahapon sa rehearsal, narinig ko kay Jedi, Moon ng Medical Faculty, sabi niya gitarista ang Moon ng Music Faculty..."

"Siguro naman hindi siya mag-gigitara sa performance niya." Sa totoo lang, hindi ko talaga naitanong kay Solo kung ano ang gagawin niya. Ngayong sinasabi ito ni S sa akin, malamang nag-aaral mag-gitara ang husky na iyon. Karamihan sa mga estudyante ng Music Faculty ay talagang mga talentado na kasi sa faculty na iyon, titingnan at susuriin ka base sa talento mo. Saka may magandang reputasyon na talaga ang faculty na iyon sa university kahit noon pa lang.

OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breatheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon