Dahil sa nakatingin lang ako sa phone niya nang sobrang tagal, parang unti-unti nang naintindihan ni Solo na hindi galing kay Kao ang tawag kanina tulad ng sa inaasahan niya. Hindi ko alam kung gaano na kami katagal nakaupo rito. Hindi ako nagsalita maski si Solo. Tahimik lang naming pinagmamasdan ang isa't-isa, naghihintayan kung sinong magsisimulang magsalita.
"Gutom ka na ba?" Sa huli, ako na ang bumasag sa katahimikang namamagitan sa aming dalawa.
"Guitar..." Tumingin ang mga nagmamakaawang mga mata ni Solo sa akin. Ang mga matang malamig at nakakatakot para sa iba, pero hindi para sa akin.
"Yung tumawag kanina..." Sinimulan ko nang kausapin si Solo. Tumingin siya sa akin saka halata ang galit sa mga mata niya. "Sabi niya, kung itinuturing mo pa siya bilang isang kaibigan, huwag mong suwayin si Khun Tan..."
Hinawakan ko agad ang kamay niyang susuntukin sana ang lamesa kasi alam kong magkakaganito siya.
"Sabi rin niya na si Khun Tan na mismo ang pupunta rito kapag hindi ka pa rin tumawag sa kanya."
"Jay..." Nagngingitngit ang mga ngipin niya at humihigpit ang hawak niya sa kamay ko hanggang sa makaramdam na ako ng sakit.
"So..." Ngumiti ako sa kanya saka iniba ang posisyon ng kamay namin para ako na lang ang hahawak sa kamay niya. "Sabi mo sa'kin, kapag handa ka na, sasabihin mo sa'kin at andito naman ako para makinig sa'yo... at nirerespeto ko ang desisyon mong iyon."
Kung ayaw niya munang malaman ko, mananatili na lang muna akong walang alam. At kahit na nagdududa na ako, hindi pa rin ako magtatanong sa kanya.
"Pero dapat mo ring malaman So na... kung ayaw mong humantong tayo sa dulo, kailangan rin nating pag-usapan ito. At sabay rin natin ito sosolusyonan. Kung gusto mong dito lang ako sa tabi mo, sabihin mo lang sa akin. Tutulungan natin ang isa't-isa." Hinimas ko ang kamay niyang mahigpit na nakahawak sa kamay ko hanggang sa unti-unti iyong lumuwag. Nanatili lang siyang nakatingin sa akin, gayon din naman ako.
Naiintindihan ko naman ang lahat kahit wala siyang sinasabi pa sa akin... Naiintindihan ko namang may dahilan siya.
"Kung masaya ka na sa sitwasyon natin ngayon, hayaan mo lang ang mga problemang iyan. At magiging masaya na rin ako para sa'yo... pero kapag humantong ang araw na may dumating pang mga problema at hindi ko na alam ang gagawin ko, dapat alam mong pwedeng iyon na ang huli para sa atin at wala na tayong iba pang magagawa kundi palayain ang isa't-isa." Wala na akong iba pang nasabi at ngumiti na lang sa lalaking nakatingin ngayon sa baba.
Kailangan niyang gumawa ng sarili niyang desisyon...
Medyo bata pa talaga si Solo, nasa 18 o 19 taong gulang pa lang siya. Bata pa siya at hindi pa mature kumpara sa ibang taong kaya nang alagaan ang mga sarili nila. Basta ang alam ko, isa pa rin siyang malaking bata... pero kahit na ganoon, matutulungan ko lang siyang mag-isip, hindi para magdesisyon.
Hindi ko alam kung gaano kabigat ang mga problemang dinadala niya. Hindi ko alam kung paano siya tutulungan kasi hindi siya nagsasabi sa akin.
Pero kapag nagsabi na siya... kapag kinausap na niya ako tungkol doon, siguradong ako ang unang taong tatayo sa tabi niya at tutulong solusyonan ang problema niya.
"Hindi ko lang talaga alam ang gagawin ko..." Nagsimulang magsalita si Solo nang dahan-dahan. Tumungo siya hanggang sa hindi ko na makita ang mga mata niya.
"Sabihin mo sa'kin."
"Natatakot akong mawala ka sa'kin, Guitar... Pinipilit kong kumilos na parang walang nangyari saka hinarap ang problema nang mag-isa." Hinawakan niya nang mahigpit ang mga kamay ko na para bang natatakot siyang umalis ako palayo sa kanya.
BINABASA MO ANG
OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breathe
Roman d'amourThis is an authorized Tagalog translation of OXYGEN novel authored by CHESSHIRE. In this work, I will use the English translation of the novel made by Houzini since I don't know Thai yet and I'm still in the process of learning their language. ...