Chapter 35 - ออกซิเจน Oxygen

201 9 0
                                    

Nang makauwi na ang mga taga-baryo sa sari-sarili nilang mga bahay... ako, si Solo, Khun Jay, pati na rin ang ng tauhan ng dad ni Solo, bumalik na rin sa bahay namin. Si Nong Moon naman, umiiyak dahil nasaktan ang Teacher Handsome niya. Ngayon naman, binuhat ni Solo si Nong Moon saka hinimas ang ulo niya para pagaanin ang loob nito. Medyo kakaiba nga lang iyon sa paraan na madalas niyang ginagawa. Pagkarating namin sa bahay, umupo kami sa loob saka doon nag-usap. Mabuti na lang at ang mga tauhan ng dad ni Solo, hindi pumasok sa loob at naghintay lang sa labas.

"Nong Moon, hayaan mo muna akong tingnan nang maayos ang sugat ni Teacher Handsome." Hinawakan ko ang braso ni Nong Moon na nakayakap sa leeg ni Solo. Lumingon si Nong Moon sa akin saka tumango. Umalis na siya sa pagkakayakap saka umupo sa tabi ni Solo habang yakap si P'Jan niya.

Nilinis at ginamot ko ang sugat ni Solo gamit ang mga gamot na ibinigay sa akin ng mga taga-baryo. Hindi naman ganoon kalala ang sugat niya. Maliit na sugat lang sa dulo ng labi niya saka mga galos sa pisngi.

"Hindi naman ito masakit." Ipinatong ni Solo ang kamay niya sa ulo ko. Sinabi niya siguro iyon kasi nakita niya ang mukha ko na parang ako ang nasasaktan para sa kanya. Naintindihan ko namman iyon at tumango ako pero nasasaktan pa rin talaga ako sa tuwing idinadampi ko ang gamot sa mga sugat niya. Habang siya naman, kalmado lang siyang nakaupo na para bang hindi niya alam kung ano ang ginagawa ko sa kanya.

Pagkatapos kong linisin ang mga sugat niya, lumingon na kaming dalawa kay Khun Jay na nakaupo at tulala. Nagkatinginan kami ni Solo. Nakasimangot siya at mukhang nag-aalala para kay Khun Jay.

"Jay."

"Khrap?" Sumagot si Khun Jay saka bahagyang ngumiti.

Simula noong makabalik kami rito, bumalik na si Khun Jay sa dating siya. Isang taong hindi palangiti. Tipong pinipilit lang ang sarili niyang ngumiti na para bang may itinatago siyang kung ano. Kanina pa may bumabagabag sa isip niya o baka naman... may bagay na mas malala pa. Hindi ko alam kung bakit ang dating masiglang guro ng mga bata rito, ganito ang ikinikilos ngayon. Pero kung tama nga ang hula ko, dahil iyon sa...

"Huwag ka nang masyadong mag-isip ng kung ano sa babaeng iyon." Diretsahang sabi ni Solo sa kanya. "Babae lang siya ni Dad na mas matagal lang niyang idine-date kumpara sa iba."

Nakatingin lang ako sa kanilang dalawa at walang naiintindihan sa nangyayari. Pero base sa mga sinasabi ni Solo, naintindihan kong tungkol iyon sa babaeng nagngangalang Linda pero wala pa rin talagang pumapasok sa utak ko. At siguro, dahil sa hindi nagsalita si Khun Jay, sa halip ay si Solo na ang nagpaliwanag sa akin.

"Normal lang naman na maraming lumalandi kay Dad, at si Linda ang pinakamalandi sa kanilang lahat." Napasulyap si Solo kay Khun Jay nang akalain niyang gustong tumakas ni Khun Jay sa usapang iyon. "Masasabi kong nobya siya ni Dad. Kahit na bihira ko lang talaga nakikita si Dad, alam kong madalas siyang magpalit ng nobya pero si Linda ang pinakamatagal na nanatili sa kanilang lahat. Siguro simula pa noong bumalik ako rito sa Thailand."

Sumama rin siyang bumalik rito sa Thailand. Hindi na ako magtataka kung bakit mukhang nasasaktan si Khun Jay ngayon.

"Ikaw, So..." Tumingin ako kay Solo dahil ako naman ang nag-aalala para sa kanya, pero tumingin lang siya sa akin habang nakangiti saka umiling.

"Ayos lang ako. Alam mo naman na hindi ganoon kaganda ang relasyon namin ni Dad. Nasasakanya na kung gustuhin man niyang may pumalit na sa pwesto ni Mom. Ang mas inaalala ko ay ang taong narito sa tabi natin." Lumingon si Solo kay Khun Jay saka bumuntong-hininga. "Alam na ba ni Dad?"

"Alam ang tungkol saan?" Tumunhay si Khun Jay para magtanong.

"Alam na mahal mo si Dad."

"Khun Chaai!" Sa gulat ni Khun Jay, agad niyang tinakpan ang bibig ni Solo. "Huwag mo namang ipagsigawan."

OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breatheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon