Madalas naiisip ko na masyadong maluwag itong elevator lalo na sa VIP elevator kung saan ako madalas dinadala ni Solo araw-araw. Pero ngayon, pakiramdam ko sobrang liit nito saka siksikan. Marahil ay dahil sa hindi magandang atmosphere na pumapalibot sa amin ngayon.
Nakatayo lang si Solo sa isang sulok ng elevator katabi ko. Malamig pa rin ang ekspresyon ng mukha niya, nagpapakalat pa rin siya ng madilim na aura hanggang sa nararamdaman ko na talaga iyon. Sa kabilang sulok ng elevator, nakatayo roon si Khun Jay habang tahimik na nakasandal sa pader. At ako naman, andito sa gitna nila at nagsisilbing tagapamagitan nilang dalawa.
Sa totoo lang sa sobrang pagkailang, hindi na ako nakapagsalita pa...
"Saan ka ngayon tutuloy?" Tinanong ko si Khun Jay para basagin na rin ang katahimikang bumabalot sa amin. Masasabi kong hindi siya tutuloy sa unit na nasa parehong palapag ng tinutuluyan namin ni Solo. Mukha kasing naireserba na ni Solo ang buong palapag na iyon. Meron namang isang unit pa sa tapat ng sa amin, pero wala akong nakikitang tumutuloy roon.
"Sa ibabang palapag niyo lang ako tutuloy." Tumingin siya sa akin saka ngumiti. Pagkatapos ay bumukas na ang pinto ng elevator sa palapag kung saan siya ngayon tutuloy. "Dito na iyon..."
"Bakit ka pumunta rito?"
Hindi lang ako ang napatigil, pati si Khun Jay na palabas na sana ng elevator ay napatigil rin at napatingin sa mga mata ni Solo.
"Pumunta ako rito kasi iyon ang inutos sa akin." Mahinahon niyang sagot at tumingin naman ako kay Solo. Nakita kong mariin niyang kinakagat ang labi niya na para bang bang pinipilit niyang kontrolin ang emosyon niya. At nararamdaman ko ring unti-unti siyang nagagalit. "Hindi ko kasi kayang..."
"Umalis ka."
"So..." Tinawag ko siya saka hinawakan ang kamay niya bago tumingin kay Khun Jay. Tumango siya sa akin saka ngumiti bago lumabas.
Hinatak ko ang kamay ng lalaking nananatiling tahimik para sundan ako. Kahit na nakapasok na kami sa unit niya, tahimik pa rin siya.
"Ano kayang masarap kainin natin, So?" Tinanong ko siya habang ibinababa ang mga dala kong gamit. Pinipilit kong kumilos ng normal hangga't maaari.
"Kahit ano." Sumagot si Solo. Malumanay ang boses niya na para bang walang nangyari pero alam na alam kong may mali sa kanya. Kadalasan kasi pagkauwi namin, ang una niyang gagawin ay yayakapin o popormang yayakapin ako. Pero ngayon, pagpasok namin rito, dumiretso lang siya sa tapat ng salamin na bintana saka tumingin lang sa labas. Masasabi kong hindi normal ang kinikilos niya.
Pinuntahan ko ang lalaking kanina pa nakatingin sa labas. Napabuntong-hininga na lang ako habang pinagmamasdan siyang pinipilit na huwag makaramdam ng kahit ano. Ano pa man ang iniisip o nararamdaman niya ngayon, hindi ko maiwasang masaktan na nakikita ko siyang nagkakaganyan.
Tumayo ako sa harap ni Solo. Hindi siya nagsalita pero ibinaling niya ang tingin niya mula sa labas papunta sa akin. Kita ko ang pagod sa mga mata niya habang pinagmamasdan niya ako.
"Guitar..."
Ikiniling ko ang ulo ko sa leeg niya saka ginamit ko ang kamay ko para itungo ang ulo niya sa balikat ko habang ang isa ko pang kamay ay hinihimas ang likod niya para pagaanin ang loob niya.
Hindi ako nagsalita saka naghintay na lang... Hinihintay na siya mismo ang magsabi na sa akin.
Nanatili lang si Solo sa ganoong posisyon. Matapos ang ilang saglit, humalinghing siya saka isiniksik ang mukha niya sa leeg ko hanggang sa ramdam ko na ang mainit niyang hininga. Yinakap niya ang bewang ko saka hinatak ako palapit lalo sa kanya.
"Hindi talaga kita kayang tiisin, Guitar."
"Tiisin? Hindi ko rin kaya iyan." Tumawa ako saka umalis na sa pagkakayakap niya saka hinatak siya para umupo sa paborito niyang sofa. Nakita ko namang gumaan na rin kahit papaano ang pakiramdam ng malaking husky na ito. Pagkaupo ko sa sofa, agad siyang humiga sa hita ko.
BINABASA MO ANG
OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breathe
RomanceThis is an authorized Tagalog translation of OXYGEN novel authored by CHESSHIRE. In this work, I will use the English translation of the novel made by Houzini since I don't know Thai yet and I'm still in the process of learning their language. ...