Nang magising ako, matinding sakit ang naramdaman ko rito sa ulo ko pero bahagyang gumaan ang pakiramdam ko nang nakadama ako ng lamig sa noo ko. Pagkatapos kong ikurap-kurap ang mga mata ko, napansin ko kung ano ang nakalagay sa ulo ko. Isa iyong cool gel pad na ginagamit para pababain ang lagnat.
Tumingin ako sa paligid nang mapansin kong nasa isang malawak akong kwarto. Siguro isa itong kwarto sa isang hotel pero hindi ito ang kwarto kung saan ako nanatili noong mga nakaraang araw.
Nag-iisa lang ako sa kwarto kaya naman pakiramdam ko nanlalamig ang buong katawan ko. Bumangon ako sa higaan medyo nangangatog ang buong katawan ko saka napapikit ang mga mata ko sa sakit na nararamdaman ko sa ulo ko. Pinilit kong lumabas ng kwarto pero wala pa ring bumungad sa akin sa salas. Doon nakita ko ang logo ng hotel kaya nakumpirma kong nasa parehong hotel lang ako kung saan ako nanatili noong mga nakaraang araw. Pumunta ako sa banyo pati na rin sa balkonahe pero wala pa ring senyales ng presensya ng taong hinahanap ko.
Nagsimulang mapuno ng pangamba ang utak ko. Gusto kong umiyak pero hindi ko magawa kasi naubos na ang luha ko nang inilabas ko lahat ng nararamdaman ko kahapon. Gusto ko ring sumigaw pero tuyot ang lalamunan ko kaya walang lumabas na boses sa bibig ko. Bumilis ang tibok ng puso ko habang unti-unting nauubos ang lakas ko.
So...
Nasaan ka, So?...
Nasagot ang mga katanungan sa isip ko nang ang taong kanina ko pa hinahanap ay binuksan na ang pinto saka pumasok dala ang isang tray na may pagkain. Medyo nagulat siya nang magtagpo ang mga mata namin pero ilang segundo lang din ang lumipas, agad niyang ibinaba ang hawak niyang tray saka lumapit sa akin para alalayan ako.
"Bakit ka narito?" Puno ng pag-aalala ang boses niyang iyon na naging dahilan para tuluyan nang maubos ang lakas ko at ibinalot ko ang sarili ko sa mga bisig niya. Nangangatog ang puso ko na para bang naghihilom na iyon saka nagsimulang tumibok na ulit.
Dinala ako pabalik ni Solo sa kwarto saka umupo siya sa upuang nasa tabi ng kama. Nang makaupo na ako at sumandal sa ulunan ng kama, pakiramdam ko humupa na ang sakit ng ulo ko. Ang natira na lang ay ang bigat sa katawan ko na para bang gusto ko na lang munang mahiga.
"Kainin mo muna itong pagkain mo saka uminom ng gamot."
Tumango ako kahit na wala talaga akong ganang kumain. Mas interesado kasi ako sa lalaking sinusubuan ako ng pagkain. Nakatitig lang ako sa kanya na para bang natatakot akong baka mawala siya.
Ang huling naaalala ko sa mga pangyayari kahapon ay noong yakap ako ni Solo. Natatandaan ko ang pakiramdam na sa sobrang pagod ay halos pumikit na ang mga mata ko saka naririnig ang ibang tao na sinasabihan akong magpahinga muna. Tapos ay naramdaman ko na lang na lumulutang na lang ang katawan ko. Wala na rin akong matandaan sa mga sunod na nangyari pagkatapos noon.
"Kumain ka pa kahit kaunti, Guitar." Pinipilit ako ni Solo na kumain pa ng dalawang subo pero umiling ako.
"Ayaw na."
Naintindihan naman niya kaya tumango siya. Inilapag niya ang mangkok saka ibinigay na sa akin ang gamot. Nang makita niyang nainom ko na ang gamot, tumayo na siya sa upuan niya.
"Guitar???" Tumingin si Solo sa akin nang may halong pagtataka bago lumingon sa damit niya. Napatingin din ako sa kung saan siya nakatingin at nagulat rin ako nang makita ko ang kamay kong nakakapit sa damit niya.
"Pasensya na." Nanginginig ang boses ko saka ang kamay kong bumitaw na sa damit niya. Napatungo na lang din ako sa hiya. Matapos ang ilang saglit, narinig kong bumuntong-hininga siya saka naramdaman kong umupo siya sa tabi ko.
"Tingnan ko nga kung ano ang problema ng Guitar ko..." Itiningala ni Solo ang ulo ko saka pinagdikit ang mga noo namin na para bang gusto niyang tingnan kung may lagnat pa rin ako. "Uhmm... alam ko na."
BINABASA MO ANG
OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breathe
RomanceThis is an authorized Tagalog translation of OXYGEN novel authored by CHESSHIRE. In this work, I will use the English translation of the novel made by Houzini since I don't know Thai yet and I'm still in the process of learning their language. ...