Iginugol ko ang halos lahat ng oras ko sa pagtuturo ng mga bata. Sa unang araw ng pagtuturo namin, medyo nahirapan talaga kaming tatlo kasi hindi namin alam kung saan kami magsisimula, pero matapos ang tatlong araw, nagsimula na kaming masanay. Nagtulungan kami sa pagtuturo ng iba't-ibang mga asignatura at karamihan doon ay tungkol sa wika o mga bagay na maaari nilang magamit sa totoong buhay. At ngayon, halos mag-iisang linggo na rin kaming nananatili rito.
"Teacher, kailan po ang tamang oras para gamitin namin ang English?"
Napaisip si Solo nang marinig niya ang tanong na iyon ni Nong Sao. Pero sa halip, si Khun Jay na ang sumagot para sa kanya.
"May mga araw na pupunta rito ang ibang mga turista para bisitahin itong lugar niyo at kapag dumating na ang mga araw na iyon, lahat kayo dapat tulungan ang mga magulang niyo na makipag-usap sa mga turista."
"Hindi po ba nagsasalita ng Thai ang mga turista?"
"Galing kasi sa iba't-ibang bansa ang nga turista. Itong pinag-aaralan natin ay ang unibersal na lengguwaheng ginagamit rin ng ibang mga bansa..." Kalmado si Khun Jay habang nagpapaliwanag sa mga bata pero medyo matagal na paliwanagan pa rin para tuluyan na talaga nilang maintindihan ang mga iyon.
"Mga bata, magpahinga muna tayo saglit. Huwag niyong kalimutan na alagaan ang mga gulay niyo, ha." Sabi ko sa kanila para mawala na sa isip nila ang katanungan nila. Nakahinga na nang maluwag si Khun Jay saka tumango sa akin bilang pasasalamat.
Gawa sa kawayan itong silid-aralan para sa mga bata na pinagtulungan na itayo ng mga tao rito. Walang mga upuan pero may sampung mga mesa na gawa rin sa kawayan na pwedeng gamitin ng dalawang bata. Hindi naman kalayuan itong silid-aralan sa taniman ng gulay kaya pagkasabi kong magpahinga na muna kami, agad silang pumunta sa taniman para alagaan ang gulay nila. Nasiyahan naman ako sa ginagawa nila...
Kung gusto mong alagaan ang isang bagay, simulan mo dapat iyon sa mga maliliit na bagay na nasa paligid noon... tulad na nga lang ng madalas sinasabi sa akin ni Mae Yai.
"Ang bibilis talaga nilang matuto." Sabi ni Khun Jay habang lumalapit siya sa akin pero nakatingin sa mga bata ang mga mata niya.
"Tama ka... Kung may magandang oportunidad na dumating sa kanila, paniguradong magiging bihasa at mahuhusay ang mga batang iyan."
Pero hindi ko alam kung paano sila matutulungan kasi kailangan naming umuwi kaya aalis rin kami rito.
"Guitar... ikaw na lang muna ang magbantay sa mga bata, ha. May gagawin lang kami ni Jay."
Tumango ako kay Solo. Nitong nakaraang dalawang araw, sa tuwing oras ng pahinga, pinupuntahan nilang dalawa ni Khun Jay si Auntie Jit. Kapag tinatanong ko naman siya tungkol doon, sabi niya lang, may pinag-uusapan lang sila tungkol sa negosyo na hindi ko rin naman talaga naiintindihan. Sabi pa niya, ipaliliwanag niya iyon sa akin kapag natapos na nila iyon. Kahit na ganoon, masaya na akong malaman na may maganda siyang hangarin para sa baryong ito. Hindi ko man maintindihan ang mga iyon sa ngayon, sabi naman ng husky ko na siya na lang raw ang bahala roon.
Alam kong gusto ni Solo na magpahinga ako, ayaw niyang pag-isipin ako nang masyado. Kaya naman, ayaw kong tanggihan ang mga mabubuti niyang intensyon. Maghihintay na lang ako hanggang sa maging handa na siyang sabihin iyon sa akin.
Sinundan ko na lang ang mga bata sa taniman. Pagkatapos kong siyasatin ang mga tinanim ko, pinuntahan ko si Nong Moon na nakangiti habang nakaluhod saka hindi sumama sa ibang bata para makipaglaro.
"Anong ginagawa mo, Nong Moon?"
"Gumagawa po ako ng palatandaan." Itinuro niya ang sarili niyang taniman. Sa ibabaw noon, may papel na ginupit sa hugis bilog saka pinintahan ng kulay dilaw. "Nakasulat po dito, 'Pagmamay-ari ni Nong Moon'."
BINABASA MO ANG
OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breathe
RomanceThis is an authorized Tagalog translation of OXYGEN novel authored by CHESSHIRE. In this work, I will use the English translation of the novel made by Houzini since I don't know Thai yet and I'm still in the process of learning their language. ...