Chapter 32 - ออกซิเจน Oxygen

276 10 0
                                    

Maaga kaming umalis kaninang umaga. Si Uncle Mai saka isa pang uncle ang maghahatid sa amin roon sa bundok. Sabi nila sa amin ni Solo, mga ilang oras din daw tatagal bago kami makarating sa destinasyon namin kasi sobrang layo daw ng hotel sa bundok na pupuntahan namin. Nagpaalam na ako sa 3Kings saka sa mga nakababata kong kapatid kaninang umaga. Hindi ko rin nakalimutang sabihin sa kanila na tawagan nila ako kapag may oras at pagkakataon sila.

Ngayon, ang tanging nakikita ko lang ay ang malawak na kalangitan at ang paligid na napalilibutan ng mga berdeng puno. Sobrang tagal na rin pala talaga noong huli ako akong nakapunta sa ganito. Halos nakalimutan ko na rin talaga ang tunay na itsura ng kalikasan.

Habang mas tumataas na ang nilalakaran namin, mas lalong lumalamig ang temperatura ng paligid. Hindi na ako sanay sa ganitong malamig na panahon kasi ilang taon na din akong naninirahan sa siyudad. Ibang-iba naman iyon sa taong nasa tabi ko, kay Solo na dating nakatira sa ibang bansa. Kaya naman hindi na nakapagtatakang sanay na siya sa ganitong panahon. Siguro mas malamig pa roon kung saan siya dating nakatira.

"Nilalamig ka ba, Guitar?" Pangatlong beses na akong tinatanong ng lalaking nag-aalala para sa akin kahit na alam na niyang kahit magtanong pa siya, wala na rin naman siyang magagawa kasi sobrang daming patong ng damit na rin ang suot ko na hindi ko na rin kaya pang dagdagan.

"Medyo." Sa totoo lang, mainit naman talaga ang katawan ko pero ang mga kamay ko, parang nagyeyelo na sa sobrang lamig.

"Sabi ni uncle, dumating na raw tayo." Sabi ni Khun Jay na naglalakad sa harapan namin. Tumango ako bilang sagot sa kanya kasi sa tuwing magsasalita ako, pakiramdam ko nanginginig ang boses ko saka nangangatog ang mga labi ko.

"Guitar." Mahinang tawag sa akin ni Solo bago hatakin ang kamay ko saka kumunot ang noo. "Sobrang lamig ng kamay mo pero hindi mo man lang sinabi sa'kin. Ngayon ko lang din napansin na wala palang bulsa iyang mga damit mo."

Hindi ako nagsalita, sa halip ay mahigpit kong hinawakan ang kamay niya gamit ang pareho kong mga kamay. Matapos kong hawakan ang mainit niyang kamay, naramdaman kong uminit na rin ang mga kamay ko.

"Bakit hindi ka nilalamig?" Tumingin ako sa damit niya. Nakasuot lang siya ng pantalon na walang bulsa saka isang damit na may mahabang manggas.

"Sanay na ako... Isa pa, hindi naman ako ganoong kainit, iyang mga kamay mo ang sobrang lamig."

Tumango na lang ako kasi pakiramdam ko hindi na rin ako makapagsalita. Naintindihan na rin naman ni Solo saka hindi na nagtanong pa ulit sa akin. Mabagal lang siyang naglakad habang hawak-hawak pa rin ang kamay ko. Hinayaan ko lang ang sarili kong sundan siya hanggang sa may matanaw na kaming grupo ng tao sa malayo. Ikinakaway nila ang mga kamay nila para tawagan kami.

"Naghintay silang lahat para salubungin kayo." Lumingon si Uncle Mai sa amin at ngumiti.

Habang papalapit kami, mas dumarami ang mga taong nakikita ko. May isang hindi katandaang babae na nakatayo at sa tabi niya, may halos dalawampung mga bata na magkakaiba ang mga edad. Luma ang mga damit nila na pinatungan ng mas makakapal pang mga damit. Kahit na mukhang nilalamig sila, nakangiti pa rin ang mga bata at masaya silang kumakaway sa amin.

Tumingin ako sa paligid at halo-halong emosyon ang nararamdaman ko rito sa puso ko kasi nasa parehong sitwasyon ako tulad nito dati. Pero maswerte pa rin talaga ako at inalagaan ako ni Mae Yai.

"Guitar..." Naramdaman kong bahagyang hinila ang kamay ko ng lalaking nakahawak sa akin. Natigil ako sa pag-iisip at nakitang nakatingin si Solo sa akin nang may halong pag-aalala. Siguro ay dahil sa napansin niyang bigla akong napatigil sa paglalakad habang pinagmamasdan ang mga bata. "May problema ba?"

OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breatheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon