"Kao... hindi ka pwedeng umupo rito."
"Bakit naman, P'Wine?"
"Wala kasing espasyo para sa mga single dito. Puro kasi 'pink saka rainbow' lang ang nandito, kaya kapag napapatingin ako rito, parang kinikilabutan ako, eh."
"Ganito ba talaga ang mga tao kapag inlove sila, P?"
"Lilipat na ako." Sumingit ako sa usapan nila saka tinapik si Solo na nakaupo sa mesa para tumingin sa akin at ayain siyang lumipat... Pero kung hindi dahil kay Ai'Wine na hinatak ang manggas ng damit ko, hindi siguro ako mapapatigil.
"Oi, biro lang. Wala kasing masyadong tao rito ngayong umaga, kaya ikaw na lang tinutukso ko, ikaw naman hindi mabiro." Sabi ni Ai'Wine saka nagsimula nang makipagtsismisan kay Kao. Sa halip na maging masaya akong nagiging malapit na sila sa isa't-isa, parang mas lalo pa akong nakaramdam ng kakaiba sa loob-loob ko.
Siguradong magkakagulo na naman... Eh paano pa kapag nandito rin si Ai'Noh, hindi ko na talaga alam kung anong mangyayari.
Sa totoo lang talaga ngayong araw, nagkataon lang talaga na nagkasama-sama kami rito. Kadalasan, kailangan kong gumising nang maaga para gisingin itong husky na ito. Pero ngayong araw, hindi ko alam kung bakit ang bilis bumangon nitong husky ko. Hindi na ako nahirapang gisingin siya hindi tulad ng ginagawa ko araw-araw.
"Bakit ang aga-aga niyo rito ngayon?" Tinanong ko si Beer na nakaupo lang mag-isa sa isang tabi saka hinayaan lang ang dalawa mag-usap roon.
Andito kami ngayon sa central cafeteria, mga sampung minuto na ring nakakalipas pero isang oras pa talaga bago magsimula ang klase namin. Nang dumating kami rito, nakatanggap ng tawag si Solo mula kay Kao at sinabing andito siya. Pagkatapos, magkasama na ring dumating si Wine at Beer.
"Galing kaming ospital para dalhan ng damit si Mom, kaya dumiretso na rin kami rito."
"Kumusta naman ang Dad niyo?" Tinanong ko sila. Mga ilang buwan na ring nasa ospital ang ama nila at hanggang ngayon hindi pa rin napapalabas. Kaunti lang ang alam ko tungkol doon kasi mukhang ayaw rin naman nila iyong pag-usapan kaya hindi na rin ako nagtatanong.
"Nagiging maayos naman na ang lagay niya. Kung wala nang iba pang komplikasyon, baka mapauwi na rin siya."
"Huwag na kayong masyadong mag-alala. Magiging maayos din ang lagay ng Dad niyo."
"Salamat."
Tumango ako saka hindi na nagsalita pa. Naituon ko ang atensyon ko sa malaking husky sa tabi ko na kinuha ang kamay ko. Itinungo niya ang ulo niya sa mesa at ginawang unan ang kamay ko.
"Bakit ang aga mo kasi gumising? Noong dumating tayo rito, inaantok ka tuloy." Ginamit ko ang isa ko pang kamay para magpalumbaba at ngumiti habang pinagmamasdan ang lalaking natutulog ngayon sa palad ko. Pagkatapos ko siyang tanungin, iniikot niya ang ulo niya ang ulo niya paharap sa akin at ginamit ang kamay ko bilang unan sa pisngi niya.
"Naamoy ko 'yung niluluto mo." Sumagot si Solo kahit na antok na antok pa rin siya.
"Kagabi lang, andami nating nakain. Hindi ba't masyado pang maaga para magutom ka ulit?" Napangiti ako. Kahapon kasi, inubos nitong husky na ito ang lahat ng green curry kaya sa tingin ko, hindi talaga dahil sa naamoy niya ang niluluto ko kaya siya nagising. Kadalasan pa tuwing umaga, simple lang naman ang niluluto ko na hindi naman ganoon katapang ang amoy, kaya nasabi ko rin kanina na paniguradong mahihirapan na naman akong gisingin siya.
"Ang bango kasi." Sabi niya habang nakapikit pa rin ang mga mata niya. Inalis ko na ang kamay ko sa pagkakapalumbaba saka pinagmasdan ang lalaking tumanggi pa ring ibalik ang kamay kong ginawa niyang unan.
BINABASA MO ANG
OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breathe
Roman d'amourThis is an authorized Tagalog translation of OXYGEN novel authored by CHESSHIRE. In this work, I will use the English translation of the novel made by Houzini since I don't know Thai yet and I'm still in the process of learning their language. ...