Chapter 28 - ออกซิเจน Oxygen

244 11 0
                                    

Nitong umaga, naunang umalis si Solo kaysa sa akin. Nang malaman niyang tanghali pa magsisimula ang exam ko, sinabi niya sa akin na matulog muna ako ulit para makapagpahinga pa ako kahit papaano kasi kapag bumiyahe na ako papuntang Chiang Mai nang hindi siya kasama, siguradong wala na akong pagkakataon pang matulog, at tama naman... hindi ko rin maisip kung paano ako matutulog nang mag-isa.

Nang inihatid ko na siya palabas ng kwarto, bigla niyang hinatak ang katawan ko saka mahigpit akong yinakap pero hindi siya nagsalita. Marahil ay dahil sa nag-usap lang kami nang nag-usap kagabi hanggang sa wala na rin kaming mapag-usapan ngayon. Mabuti na lang at ang husky ko, kahit na malungkot siyang lumabas ng kwarto, hindi pa rin siya lumingon sa akin. Kung nagkataon kasi, baka ako na ang tumakbo papunta sa kanya para pigilan siyang umalis...

Naisip ko kasing hindi na kami magkikita ulit ngayong araw.

Si Khun Jay at isang lalaking nagpakilalang driver namin ang naghahatid sa akin sa faculty ko. Sa loob ng kotse, may dalawang bag roon na malamang ang isa ay sa akin at ang isa ay kay Khun Jay. Sabi niya sa akin, hihintayin raw niya ako hanggang sa matapos ko ang exam ko. Inisip ko tuloy na paulit-ulit siyang pinaalalahanan ng husky ko na ihatid ako sa faculty ko at panatilihing ligtas.

Matagal natapos ang exam ko pero sakto naman ang lahat ng iyon sa mga pinag-aralan ko. Matapos kong magpaalam sa mga kaibigan ko, naghiwa-hiwalay na kami ng landas mula sa tapat ng faculty namin. Pagpasok ko ng kotse, nakaramdam ako ng kaunting takot. Naiintindihan kong hindi ako maihahatid ng husky ko kasi may mga exam pa siya, pero hindi pa kasi kami nagkakahiwalay nang matagal sa ilang buwan na nakalipas. Tapos biglang kailangan naming maglayo nang limang araw tulad nito...

Hindi ko tuloy maisip kung paano kaya ang mangyayari kapag nag-internship na ako... Kasi malamang hindi lang si Solo ang nasa seryosong kondisyon na iyon.

"Pareho talaga kayong dalawa." Ang boses na iyon na sinabayan ng ngiti ni Khun Jay ang nagpatigil sa pag-iisip ko ng mga bagay-bagay. Tumingin ako sa kanya nang may pagtataka kaso hindi ko maintindihan kung anong tinutukoy niya. Ngumiti siya saka ibinigay sa akin ang phone niya. "Nag-aalala rin siya para sa'yo."

Kinuha ko ang phone saka nakita ang mga pinag-usapan nila ng husky ko sa chat mga ilang oras nang nakalilipas.

Solo:
Naghintay ka ba sa tapat ng faculty niya?

Jay:
Teka lang, Khun Chaai. Hindi ba dapat nag-eexam ka?

Solo:
Hindi pa naman ako ang sasalang sa practical exam kaya palihim ko munang ginamit itong phone ko.

Jay:
Khun Chaai...

Solo:
Pakisabi sa driver niyo, mag-ingat sa pagmamaneho. Saka sabihan niyo ako kapag nakarating na kayo roon.

Jay:
Bakit hindi na lang ikaw mismo ang magsabi sa kanya?

Solo:
Natatakot akong baka maistorbo ko siya sa exam niya, eh.

Jay:
Sige, sasabihan kita.

Solo:
Hmm.

Solo:
Alagaan mo si Guitar para sa'kin, ha.

Jay:
Makakaasa ka, Khun Chaai.

Pagkatapos noon, isang mensahe na lang na ipinadala ni Khun Jay para sabihing nakasakay na ako ng kotse, pero hindi pa iyon nababasa ni Solo. Baka oras na niya para kumuha ng exam. Kadalasan, kinakabahan ang ibang mga tao habang naghihintay para sa exam nila, pero itong husky ko talaga, nangahas pa ring gamitin ang phone niya.

"Masyadong nag-aalala si Khun Chaai... Inaalala talaga niya ang lahat para sa'yo. Noong una, nag-aalala rin ako na hindi ka masisiyahan dahil nagkakaganoon siya saka pipilitin kitang intindihin na lang siya. Buong buhay ni Khun Chaai, hindi niya ginustong mag-alaga saka alalahanin ang ibang tao hindi tulad ng ginagawa niya ngayon para sa'yo." Ibinalik ni Khun Jay ang tingin sa phone niya saka ngumiti nang mas malaki. "Pero parang masyado lang din ata akong nag-iisip... kasi simula noong pumasok ka rito sa kotse, mukhang nag-aalala ka rin. Hindi naman naiiba ang nararamdaman mo sa nararamdaman ni Khun Chaai, tama ba?"

OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breatheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon