Chapter 1 - Oxygen ออกซิเจน

1.3K 35 4
                                    

OXYGEN
Chapter 1

"P'Gui kha. Palit na tayo sa shift."

Tinanggal ko na ang maruming apron, binati si Khim at lumabas na rin ng café dahil tapos na rin naman ang shift ko. Ngayong araw, sa umaga ako nagtrabaho kasi lumiban ang taong dapat na nakatoka sa oras na iyon. Sa ngayon, iniisip ko kung maglalakad-lakad muna ba ako saglit. Medyo maganda at malamig kasi ang panahon ngayon. Matagal na rin akong hindi nagkakaroon ng bakanteng oras tulad nito kaya susulitin ko na rin ang pagkakataon. Tuwing bakasyon, pare-pareho lang ang mga ginagawa ko sa araw-araw. Nagtratrabaho sa gabi saka matutulog na lang kinabukasan. Pero kapag nagsimula na ang panibagong semestre at ang ibang mga staff na umuwi sa kani-kanilang mga bahay ay bumalik na ulit para magtrabaho, magbabago na rin ang mga pinaglalaanan ko ng oras.

Hawak ko ang bag ko na nakasabit sa balikat ko nang makakita ako ng isang pamilyar na tao.

"Ray?"

Tumigil sa pagta-type ng kung ano sa phone niya ang may-ari ng pangalang tinawag ko at tumingin sa akin.

"Ai'Gui?" Lumapit siya sa akin at ngumiti ng pagkalaki na halos pumikit na ang mga mata niya. "Bakit nandito ka ngayon?"

"May lumiban kasi ngayong umaga, pero paalis na rin ako."

Kaibigan ko si Ray, isa ring Fourth year student na galing naman sa Faculty of Agriculture, na nakilala ko sa Moon and Star Competition noong First year pa lang kami. Siya naman ang napiling kalahok para irepresenta ang faculty niya. Naalala ko lang ngayon na siya nga pala ang responsable para bantayan ang mga kasali ngayong taon.

"Mukha ngang magpapahinga ka ngayon, ahh. Araw-araw kitang nakikitang nagtratrabaho. Hindi ka man lang ba napapagod?"

"May oras pa naman ako para magpahinga." Ngumiti ako nang makita kong hindi siya makapaniwala sa sinabi ko. "Ano nga pala ang ginagawa mo rito? Hindi ba dapat binabantayan mo ngayon ang mga junior natin?"

"Oo, tama ka... Pero ngayon kasi, kung sino ang naatasang alagaan ang mga kasali, siya rin ang dapat maghanda ng pagkain at inumin para sa kanila, pero kaunti lang naman. Pagkatapos na lang ng kompetisyon saka kami maghahanda ng mas malaki. Dito nga pala ako bibili ng pagkain saka inumin nila. Pakakainin kasi namin ang mga junior habang nagpapahinga sila."

Tumango ako nang maintindihan ko ang mga sinabi niya at pagkatapos ay nakatanggap ako ng listahan ng mga order mula kay Ray. Nang makita ko ang listahan, mayroon iyong halos tatlumpung mga order na nakalista at mabuti na lang at hindi pa ako nakakauwi, kung hindi ay malamang, hihimatayin si Khim sa pag-aasikaso nitong lahat nang mag-isa.

🎶Nong Ray sagutin mo ito! Nong Ray sagutin mo ito!🎶

Inuuna ko ngayong asikasuhin ang mga inumin na nasa listahan. Natawa ako nang marinig ko ang ringtone na gamit ni Ray. Mabilisan niyang hinalughog ang bag niya para hanapin ang phone niya.

"Ngayon na?... Oo... Okay... Sige magkita tayo..."

Tumigil ako nang makita kong tumayo si Ray, binitbit ang bag niya saka pumunta sa akin.

"Masaya ako at nagkita ulit tayo ngayon, pero may kailangan kasi akong puntahan."

Tumingin ako sa listahan at tumango.

"Sige, ayos lang."

"Kung pwede rin sana, ikaw na rin ang magdala ng mga iyan sa auditorium. Naroon lang naman sila, nag-eensayong lumakad nang sabay. Basta pumasok ka na lang saka magpakita sa kanila."

Nakita ko ang pagkabalisa sa mukha niya. Hindi naman ako makatanggi sa kanya kaya tumango na lang din ako. Akala ko talaga, makapaglalakad-lakad ako kahit paano. Ihahatid ko lang naman ito sa kanila, wala naman sigurong masisirang plano.

OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breatheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon