Chapter 41 - ออกซิเจน Oxygen

206 12 4
                                    

"Sorry."

"Okay na."

"Sorry na talaga."

"Okay na sabi, pinapatawad na kita." Ngumiti ako saka hinimas ang ulo ng aso kong umaastang bata na naman. Mahigit na sampung beses na niyang paulit-ulit na sinasabi ang mga salitang iyon. Sino ba naman ang makakatiis sa ganoon?

"Pero..." Nagpatuloy pa rin siya pero bago pa man siya matapos makapagsalita, pinigilan ko siya saka lumapit sa kanya at pinagdikit ang mga noo namin.

"Halika nga rito. Palakas ka muna saglit." Ipinikit ko ang mga mata ko na para bang ipinapasa ko ang lakas ko sa kanya na ikinatawa naman ng husky ko. Hinawakan niya ang pareho kong pisngi saka tuluyan na niyang ikiniling ang noo niya sa akin.

"Pagod ka ba?" Tinanong ako ni Solo. Pagmulat ng mga mata ko, nakita ko ang mukha niyang puno ng pag-aalala.

"Uhm... Sobra." Umamin naman ako sa kanya. "Pero masaya naman kasi marami akong natutuhan."

"Sorry." Mukha talagang sobrang lungkot ng husky ko. Tumungo siya para iwasang mapatingin sa mga mata ko.

"Alam ko naman na sinusubukan mo rin." Hinawakan ko ang mga kamay niya saka bahagyang inalog ang mga iyon. "Ako rin naman, 'di ba?"

"Uhm."

"Bakit ganyan ang itsura mo?" Hinatak ko siya para maupo sa isang upuan sa gilid ng lawa sa may parke saka idiniin ang daliri ko sa nakakunot niyang noo.

"Lahat sila, sinasabing sarili ko lang ang iniisip ko..."

"Sino-sino ang may sabi sa iyo?"

"Si Dad, si Kao, pati na rin ikaw, Guitar." Mahinang sabi ni Solo saka malungkot na tumingin sa akin na para bang natatakot siyang magalit ulit ako.

"Hmmm... paano ko ba sasabihin ito? Hindi naman kasi talaga ganoon." Sinubukan kong isipin kung paano ko ba ipapaliwanag sa kanya ang mga ito para maintindihan niya. "Nami-miss mo ako, kaya gusto mo akong puntahan, tama ba?"

"Khrap."

"Gustong-gusto mo talaga akong puntahan hanggang sa puntong handa ka nang iwan ang trabaho at pag-aaral mo. Kaya mong abandunahin at iwan ang lahat."

"Khrap."

Natawa ulit ako nang makita ang husky ko na umaasta na namang kakaiba. Magalang ang pagkakasagot niya sa akin na para bang natatakot talaga siyang magalit ako... Bigla na lang nawala ang pagod kong naipon nitong nakaraang buwan nang magkita na ulit kami. At sa tuwing nagkakaintindihan na kami tulad nito, pakiramdam ko lalo akong nagkakaroon ng lakas.

"Pagiging makasarili at sarili mo lang ang iniisip mo noong ginawa mo ang mga bagay na iyon, So."

"Hindi ko talaga maintindihan..." Umiling si Solo at inisip kung ano ba talaga ang mali sa ginawa niya. Naiintindihan ko naman siya pero naiintindihan ko rin naman ang mga sinabi sa akin ni Khun Jay tungkol sa pamamaraan ni Khun Tan.

Magkaiba kami ng paraan ng pagtuturo. Siguro ay dahil hindi malapit si Solo kay Khun Tan kaya hindi niya maintindihan ang dad niya. At si Khun Tan naman, masyado rin namang matigas kaya hindi na nakapagtatakang hindi sila magkaintindihan.

"Kapag pinuntahan mo ako, naisip mo man lang ba ang ibang bagay? Naisip mo ba kung ano ang pwedeng mangyari? Maaapektuhan ba noon ang pag-aaral mo? Sino ang sasalo ng mga iyon para solusyonan ang problemang dinulot mo? At higit sa lahat..." Hinawakan ko ang kamay niya at malungkot na pinagmasdan ang mga sugat niya. "Naisip mo man lang ba kung ano ang mararamdaman ko?"

"..."

"Sinunod mo lang ang gusto ng puso mo nang hindi nag-iisip. Noong ginusto mong umalis, umalis ka. Noong pinigilan ka at wala kang nagawa, nagsimula kang manira ng mga gamit. Ni hindi mo inalagaan ang sarili mo. Hindi ka kumain saka sinaktan mo ang sarili mo tulad nito. Ano ang sa tingin mo ang mararamdaman ng mga taong nasa paligid mo?" Marahan kong hinimas ang nga sugat niya saka pinagmasdan ang kondisyon ng katawan niya... namumula ang mukha niya saka nanghihina ang katawan niya.

OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breatheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon