Itong lakad namin ngayong semestral break ni Solo, maliban sa akin, may isa pa kaming kasama, at gusto ko siyang tawaging 'bilugang bola'. Simula kasi noong sumakay na kami ng eroplano, nakalapag na at sumakay na rin sa kotse para pumunta sa destinasyon namin, nakapamaluktot pa rin itong bola na ito saka binabalot ang sarili niya sa kumot.
Noong una, hindi ako sigurado kung bakit itong bolang ito, wala nang ibang gusto kundi matulog, ngayon ay kasama namin rito. Tingnan palang kasi ang inuugali niya ngayon, ayaw niya talagang sumama sa amin rito. Pero nakuha ko rin naman ang sagot nang makita ko si Solo na binatukan itong bolang ito saka kinaladkad papasok ng kotse.
Pinilit lang pala talaga siya ng husky ko, pero hindi ko alam kung bakit... Para sabihing dahil sa masyado lang napalapit itong husky ko sa kaibigan niya, tingin ko hindi naman iyon ang rason.
"So, bakit mo ba kasi dinala itong bolang ito kasama natin?" Tanong ko sa kanya habang tinatapik ang kaibigan niyang nakapamaluktot saka nakahiga sa hita niya.
"Gusto ko lang... Ai'Kao! Bakit mo ako kinagat?!" Napasigaw ang husky ko. Siguro nakagat siya dahil may nasabi siyang hindi kaaya-aya para sa bolang nasa tabi niya.
Siguro hindi na naman muna hiningi nitong husky ko ang opinyon ng kaibigan niya, kung gusto ba niyang sumama o hindi.
Napangiti na lang ako saka inusog itong bola sa pagitan namin para komportable siyang makahiga sa hita ko saka makatulog ng mas maayos.
"Subukan mong mahiga sa Guitar ko!" Kumunot ang noo ni Solo saka sinubukang hatakin ang kaibigan niya pero hinawakan ko ang braso niya.
"Masyadong magalaw rito sa loob ng kotse... saka magkaroon ka naman ng kahit kaunting konsiderasyon doon sa dalawang mas matanda sa atin doon sa harapan, oh." Pinagalitan ko siya. Pero sa totoo lang, 'yung driver saka isa pa niyang alalay na nakaupo doon sa harapan, paniguradong hindi mangangahas na sabihin ang mga salitang iyon sa Khun Chaai nila.
"Pero nakahiga siya sa hita mo!" Mas lalong kumunot ang noo niya pero tumigil na siyang hatakin ang kaibigan niya. Ginulo niya ang buhok ni Kao na nakalabas sa kumot para ipakitang nauuyam siya.
Kunyari pa siyang hindi nasisiyahan samantalang nakangiti naman siya habang pinagmamasdan ang kaibigan niya.
"Inaantok ka pa rin ba? Tulog ka naman sa eroplano buong byahe, ah." Tumungo ako saka tinanong itong batang nakahiga sa hita ko na parang wala nang natitirang lakas. Noong nasa eroplano pa kasi kami, sampung oras naman siyang tulog. Nagtataka tuloy ako ngayon bakit inaantok pa rin siya.
"Naglaro pa kasi ako, P..." Sumagot si Kao na para bang wala na talaga siyang lakas. "Apat na araw din, walang tigil."
"Hindi ka man lang ba nag-eensayo sa pagtugtog?" Sa pagkakaalala ko kasi, kahapon ang huling araw ng exam nila pero sa halip na mag-ensayo, naglaro lang talaga siya ng ganoon katagal...
"Kailan ba niya kinailangang mag-ensayo?" Si Solo na ang sumagot sa tanong saka mukhang iritado siya. "Basta gagawin lang niya depende sa mood niya. Kung gusto niyang mag-ensayo, mag-eensayo siya. Kung ayaw naman niya, edi hindi. Pero palagi naman siyang nakakakuha ng mataas sa mga exam."
Seryoso?...
"Inggit ka lang." Inilabas ni Kao ang ulo niya sa kumot saka nginitian si Solo. Agad niyang ibinalik sa loob ng kumot ang ulo niya nang makita niyang aambahan na siya ng kaibigan niya.
"Malapit na po tayo, Khun Chaai." Sabi ng isa sa mga tauhan na nakaupo sa harap. Tumango si Solo saka umayos na ulit ng pagkakaupo na para bang inaayon na ulit ang sarili niya bilang Khun Chaai nila.
Sa harap ng ibang tao, kikilos siyang parang matanda pero kapag kami ni Kao ang kasama niya, magiging isang malaking husky na naman siya.
Tumingin ako sa labas ng bintana saka nakita ang magagandang bulaklak sa gilid ng daan. Sabi sa akin ni Solo, pupunta raw kami sa guesthouse nila na nakatayo malayo sa mismong bahay nila. Napalilibutan rin ng kalikasan ang paligid roon. Hindi pa man kami nakakarating sa destinasyon namin, ramdam ko na agad ang pamumuhay rito na malayo sa siyudad. Wala rin kasing mga bahay rito, tanging mga puno at mga halaman ang makikita sa gilid ng daan.
BINABASA MO ANG
OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breathe
RomanceThis is an authorized Tagalog translation of OXYGEN novel authored by CHESSHIRE. In this work, I will use the English translation of the novel made by Houzini since I don't know Thai yet and I'm still in the process of learning their language. ...