"Aalis na ako."
"Huwag ka nang umalis."
"Alagaan mo ang sarili mo, ha."
"Ayaw."
"Magtiis ka na lang din muna."
"Hindi ko kaya."
"Sige na, aalis na ako."
"Hindi pwede..."
"Kapag hindi ka pa talaga tumigil kakaingit diyan, sisipain na kita! Ikaw din, P'Gui! Kapag hindi ka pa talaga umalis, susunugin ko na iyang bagahe mo para hindi ka na talaga makaalis pa."
Natawa na lang talaga ako nang makita kong handa nang kagatin ng husky ko ang ulo ng kaibigan niya. Naiintindihan ko naman kung bakit iritadong nakatingin sa amin itong batang ito, kanina pa kasi talaga kami nagpapaalam nang ganito ni Solo. Pero ano ba naman kasi talaga ang magagawa ko? Kita kong sobrang lungkot nitong husky ko kaya syempre, hindi ko kayang iwan siya nang ganito. Kung hindi kami ginambala ni Kao at isinama na siya palabas ni Beer, malamang ay aamuin ko itong si Solo hanggang sa mahuli na ako sa flight.
"Tawagan mo ako, ha!" Sigaw ni Solo. Lumingon agad ako sa kanya, ngumiti at kumaway. Mabuti na lang at medyo malayo na ang nalakad ko para makita ko pa siya. Kung sakali kasi, baka hindi na talaga ako makaalis.
"Huwag ka nang mag-alala diyan." Sabi ni Beer nang mapansin niyang hindi ko mapigilan ang sarili kong mag-alala para doon sa taong naiwan ko.
"Kaya ba ni Kao iyon nang mag-isa? Abala si Khun Jay sa trabaho kaya hindi siya nakapunta. At ang husky ko naman, sobrang kulit, maski ako nahirapan pang asikasuhin siya."
"Sino ba talaga ang tinutukoy mo, Ai'Gui?" Tumingin si Beer sa akin at ngumiti. "Hindi ordinaryo iyang kaibigan ng boyfriend mo... Si Kao iyan, ahh."
Napakurap na lang ako habang nakatingin kay Beer. Sa huli, tumango na lang ako at sumang-ayon sa kanya.
Kung ibang tao pa iyon, mas kakabahan pa ako... pero si Kao ang tumulong sa akin na paamuin si Solo ngayong araw. Paanong nakalimutan ko nga naman ang tungkol doon?
Muli akong lumingon sa kung nasaan si Solo. Kahit na hindi ko na maaninag ang mukha niya, alam kong siya iyon. Kumaway ulit ako sa kanya at nakita kong kumaway rin siya.
Hindi man namin makikita ang isa't-isa nang ilang buwan, pero ang malaman kong may isang taong naghihintay para sa akin, iyon palang sapat na para sa akin.
Nitong huling linggo na magkasama kami, ginugol ko lahat ng oras ko kasama ang isang aso. Nag-usap kami, nanood ng mga pelikula, maraming oras ang iginugol namin sa isa't-isa bilang kompensasyon sa oras na hindi kami magkikita. Si Khun Tan naman... simula noong araw na nag-usap kami, hindi na ulit kami nagkita. Tingin ko, abala siya sa trabaho. Si Khun Jay, hindi ko na rin nahagilap. Dalawang beses lang, noong pumunta siya sa condo ni Solo.
Sa totoo lang... naramdaman kong medyo masigla saka madalas na nakangiti ngayon si Khun Jay. Naibulong kasi ni Solo sa akin na may lalaking nakatira sa ibabang palapag ng unit namin na nililigawan si Khun Jay. Nagulat nga akong hindi pa rin napapalayas ang lalaking iyon rito sa condo. Pero ayos lang... siguro naman, hindi dahil sa lalaking nanliligaw sa kanya kung bakit nakangiti ngayon si Khun Jay.
Si Khun Linda naman... medyo nagulat ako kasi sinabi sa akin ni Solo na pinabalik na daw siya sa England ng dad niya. Nalaman niya iyon noong pasikreto niyang tinanong ang katulong na naglilinis ng condo ni Khun Tan. Kahit na dapat mabatukan itong si Solo dahil sa pagiging pakialamero niya tulad nito, pero gumaan rin naman ang loob ko nang malaman ko ang mga iyon.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nakakangiti na si Khun Jay.
"Anong pinagmamasdan mo diyan? Hindi mo na siya makikita rito." Nauuyam na sabi sa akin ni Beer na nakaupo sa tabi ko.
BINABASA MO ANG
OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breathe
RomanceThis is an authorized Tagalog translation of OXYGEN novel authored by CHESSHIRE. In this work, I will use the English translation of the novel made by Houzini since I don't know Thai yet and I'm still in the process of learning their language. ...