Chapter 6 - Oxygen ออกซิเจน

679 21 1
                                    

"..."

Hinawakan ko ang mga pisngi kong nakakaramdam ng init para takpan iyon saka sumulyap sa mga mata niya at nakitang natutulog na siya. Pagkatapos, napaupo na lang ako at sumandal sa kama nang mahigit apat na oras.

Sino ba naman kasing mag-aakala na sa isang salita lang, maaapektuhan na agad ako nang ganito.

Sasabihin niya sa akin sa ganoong paraan, paano ko ngayon masasabi sa kanya na uuwi na ako...

Ginamit ko ang kamay ko para marahang hawiin ang buhok na tumatakip sa walang ekspresyong mukha ng lalaking natutulog sa tabi ko. Ang mukha niya, para bang isang maliit na batang mukhang pagod na pagod, at habang tinitingnan ko siya, bahagya akong napangiti.

Mga apat na oras na rin ang nakalipas, matapos siyang magmakaawa sa akin, hindi na lang ako nakasagot. Pinipigilan ni Solo na pumikit ang mga mata niya at hindi rin nakalimutang hawakan ang kamay ko para hindi ako makaalis. Tingnan ko pa lang ang itsura niyang mukhang pagod, wala na akong ibang nagawa kundi alisin ang kamay ko sa pagkakahawak niya nang hindi siya nagigising. Sinong mag-aakala na ako pala ang hindi makakatulog at mauupo na lang sa parteng ulunan ng kama tulad nito.

Hindi ako makatulog kaya kailangan kong maghanap ng mapagkakaabalahan... Hinatak ko ang kamay ko mula sa kamay ng malaking husky na mas madikit pa kaysa sa octopus saka dahan-dahang bumaba ng kama.

Matapos kong libutin ang condo ni Solo, nakita kong talagang kumpleto ito sa gamit at hindi lang basta isang tipikal na bahay. May lugar kung saan pwede siyang magpahinga at tumugtog ng gitara. Mayroon ding isang parte na puro gamit pang-gitara at naroon din ang tatlong gitara. Dalawa roon ay accoustic guitar at ang isa naman ay electric guitar. At ang presyo ng mga iyon, parang buong buhay ko na ang katumbas.

Nasa pinakataas na palapag ang condo ni Solo kung saan pwedeng makita ang maliwanag na alapaap sa labas. Isang tanawing hindi ko pa nakikita dati kaya umupo ako sa sofa saka pinagmasdan ang napakagandang tanawing iyon nang medyo matagal.

"Guitar..." Isang mahinang boses ang tumawag sa akin at naramdaman kong may umupo sa tabi ko.

Tumingin ako sa lalaking dapat natutulog sa kwarto niya saka hindi ko napigilang matawa nang makita ako ang mukha niya. Ang itsura niya kasi, mukhang mas nilamukos pa kaysa sa basahan. Hindi rin naman ako nakatiis kaya ginamit ko na ang isa kong kamay para ayusin ang magulo niyang buhok para umayos naman ang itsura niya kahit papaano.

"Bakit ka gumising?"

"Nawawala ka kasi..." Napabuntong-hininga ako saka hinaplos ang mukha niya na para bang inaayos ko ang mood niya.

"Hindi kasi ako makatulog, kaya naupo muna ako rito... Nagustuhan ko rin kasing umupo rito habang pinagmamasdan ang tanawin sa labas kaya medyo tumagal ako rito."

"Gusto kong umupo katabi ka rito, Guitar..."

Bumuntong-hininga si Solo saka dali-daling humiga sa hita ko, wala na lang akong ibang nagawa kaya hinayaan ko na lang siya. Tumungo na lang ako para pagmasdan ang lalaking nakahiga na nakakatitig sa akin.

"Hindi ka ba makatulog?" Tinanong ko siya bago marahang himasin ang ulo nitong husky na ito.

"Matutulog... nang ganito." Pagkatapos niyang magsalita, umusog siya ng kaunti saka ngumiti sa dulo ng labi niya.

"Matulog ka na saka ipikit mo na iyang mga mata mo. Bakit ka nakatingin sa'kin?"

Biglang kinagat ng lalaking nakahiga sa hita ko ang daliri ko.

"Aso ka ba o ano?" Sumimangot ako ng bahagya nang maramdaman kong inalis na niya ang pagkakakagat niya sa daliri ko.

"Sarap."

OXYGEN ออกซิเจน (Tagalog trans.) - I love you more than the air I breatheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon